Sa paggulong ng tren
Matagal pa raw ang tantiya na matatapos ang proyektong ito. Hindi pa rin halos nasisimulan ang Malolos-Clark Railway Project kaya paniguradong mas matagal pa ang konstruksiyon nitong mga riles na ito.
Sanay ako na kapag umuuwi nang gabi, maglalakad na ko nang malayo sa ibang sakayan dahil wala na halos masakyan na malapit sa unibersidad. Kung mayroon man, madalas ay punuan na ang mga jeep at karatig.
Senti mode ako kapag ganyang lakaran. Madilim na kasi kahit highway naman ang dinadaanan ko. Pagod din mula sa alas-siyete ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi (minsan hanggang alas-otso pa) na klase.
Minsan dinadaan ko na lang sa biro na romanticization ito ng buhay kolehiyo. Katuwiran ko pa, hindi rin naman madalas ang ganyang eksena kaya iniisip ko na lang na oras ko ito para mag-isip-isip at tumakas saglit sa “tunay na buhay.”
Limang taon na ng maging ganyan ang iskedyul ko araw-araw sa loob ng isang semestre bago biglang pumutok ang pandemya.
Nang mga panahong ito, taong 2019, nagsisimula na rin ang North-South Commuter Railway Project (NSCRP) sa Bulacan na magiging karugtong ng Malolos-Clark Railway Project.
Noong una, nagbibiruan pa kami ng mga kaibigan ko kung train station o highway ang proyektong ito dahil wala rin naman masyadong impormasyon noong mga poste pa lang ang nakatanim sa kahabaan ng McArthur Highway.
Dumaan na nga ang pandemya at hindi ko na nakita ang progreso ng proyektong ito dahil hindi na ko masyadong nakalalabas dahil sa Covid-19 restrictions.
Kaya nang mag-face-to-face noong 2021, nagulat na lang ako nang makita na malaki na ang pagkakaiba ng mga posteng nakikita ko kapag umuuwi. Dito na rin nagsimula ang mas maraming balita tungkol sa proyektong ito dahil sa kaliwa’t kanang road closure.
Ngayon, umuuwi pa rin ako ng alas-siyete ng gabi (minsan alas-otso pa rin) dahil sa gawaing pang-akademiko at organisasyon. Pero hindi gaya dati, maliwanag na ang daan. Hindi dahil marami na ang dumadaan kapag alas-siyete ng gabi, kundi dahil sa mga ilaw mula sa konstruksiyon ng NSCRP.
Nang mag-Pasko nga, tila Christmas lights ang mga ilaw mula rito at nakikipagsabayan sa mga dekorasyon sa highway.
Kapag nasa Maynila, sanay naman ako sa mga dambuhalang imprastruktura sa kahabaan ng EDSA gaya ng mga highway at ang riles ng MRT. Pero kumpara kasi sa mga dambuhalang gusali sa paligid, mistula pang maliit ang mga ito. Kaya hindi ko agad napagtanto ang kaibahan ng laki ng mga riles ng tren kapag itinayo malapit sa mga kabahayan o kahit sa mga nakasanayan kong mall sa probinsiya.
Minsan nga nabiro rin ng isang kaibigan ko habang naglalakad kami at tanaw ang riles, train of thought, ika nga.
“Maabutan pa kaya natin ‘yan?” kahit alam naman namin na sa Bulacan pa rin kami uuwi kapag nagsimula na ang buhay na may trabaho.
Nito lang din, habang naghihintay ng bus papasok sa internship, napaisip ako kung kasabay na ba ako ng mga tren na ito na gugulong ang buhay. Bukod kasi sa male-late ako ng graduation dahil sa pag-shift noong 2021, nariyan din ang pangamba na hindi na matanggap sa mga trabahong pinapangarap ko dahil “matanda” na ko kapag nakuha ko na ang diploma.
Matagal pa raw ang tantiya na matatapos ang proyektong ito. Hindi pa rin halos nasisimulan ang Malolos-Clark Railway Project kaya paniguradong mas matagal pa ang konstruksiyon nitong mga riles na ito.
Sa ngayon, maganda siyang tignan. Pero dahil nasanay na sa ingay ng EDSA, nangangamba ako sa ingay na idudulot kapag nagsimula na magmistulang Maynila ang nakasanayan kong probinsiya.