Ospital ng Kamatayan
Ospital ang unang takbuhan sa tuwing may iniindang sakit, ngunit bakit ito pa ang nagiging mitsa para lalo tayong magdusa?
Ang kalusugan ay ating kayamanan—ngunit ang kalusugan ay para lang sa mayayaman. Ito ang mga katagang matagal nang nakaukit sa isipan ng karamihan sa mamamayan ng Sampaloc, Maynila kung saan tumataas ang kaso ng mga nagkakasakit, nanganganak at isinusugod nang biglaan.
Sa kahabaan ng Geronimo matatagpuan ang isang pampublikong ospital na tanging pag-asa ng mga residente ng Sampaloc. Sa lahat ng ospital na aking napuntahan, ang Ospital ng Sampaloc ang hindi ko malilimutan dahil mula pagkabata naging saksi ako sa kung gaano karaming residente sa aming komunidad ang patuloy na pinipiling magpatingin dito.
Muling bumalik sa aking isipan ang mga karanasan ko tuwing isa sa aking pamilya ang isinusugod sa ospital na ito. Bata pa lang ako noon pero may kamalayan na ako sa mga nangyayari sa aking paligid, tulad ng kung paano itrato ng mga nars ang bawat pasyenteng nakikita kong humihingi ng kaunting pansin maasikaso kahit saglit.
Naalala ko kung gaano katagal ang kailangan naming hintayin habang nakatayo sa napakahabang pila para lang maasikaso si Mama. At nang dumating na ang pagkakataong matignan ang kanyang lagay, nabigyan siya ng paunang lunas sa sakit ng dibdib at tinanong lang siya ng ilan pang mga bagay. Iilang minuto pa lang ang nakalipas mula nang matingnan siya, pinayuhan na agad kaming umuwi sa kabila ng hindi mawalang sakit na iniinda ni Mama.
Kapansin-pansin din na kung sino pa ang mga empleyado ng ospital na dapat magaan ang pakikitungo sayo, sila pa mismo ang nagbibigay ng hindi magandang pagtrato.
Ngunit hindi maipupukol sa kanila ang sisi dahil sa kakulangan sa empleyado ng mga pampublikong ospital. Dahil dito, kailangan asikasuhin ng mga nars at doktor ang mga may kritikal na lagay. Kung lilipat naman sa pribadong ospital, maaasikaso ka kapalit ng nakakalulang bayarin.
Kung patuloy na hindi mabibigyan ng pansin ang mga kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, parang sinabi na rin ng gobyerno na ang kalusugan ay para lang sa mayaman.
Sa kabila ng hindi maayos na serbisyo, kakulangan sa laboratoryo at pasilidad para sa mga pasyente, marami pa ring mga residente ang mas pinipiling magpatingin sa mga pampublikong ospital dahil mas abot-kaya at may ilang serbisyong libre. Kahit pa kaakibat nito ang walang kasiguraduhan na gagaling ka at uuwing may kalakasan.
Ospital ang unang takbuhan sa tuwing may iniindang sakit, ngunit bakit ito pa ang nagiging mitsa para lalo tayong magdusa?
Bilang isang estudyante at nagsisimulang mamamahayag, nais kong dumagdag sa mga nangangalampag sa ating gobyerno para sa mas matatag na sektor ng kalusugan. Kaysa unahin nila ang pansariling interes, dalhin ang pondo sa pampublikong mga serbisyo para mapakinabangan ng lahat ang kaban ng bayan.
Ang mga pampublikong ospital na madalas puntahan ng karamihan ang dapat binibigyan ng higit na pondo para sa maayos na kagamitan, pasilidad, serbisyo at nakabubuhay na sahod sa mga empleyado.
Kung patuloy na hindi mabibigyan ng pansin ang mga kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, parang sinabi na rin ng gobyerno na ang kalusugan ay para lang sa mayaman.
Hindi dapat pinagtitiyagaan ang bulok na sistemang ito—na dahil sa kawalan ng pasilidad o pondo, magpapaospital lang tayo kapag huli na. Dahil sa karanasan ng pamilya ko at sa nakita kong pinagdadaanan ng iba, naikintal sa isipan ko na mahalagang mayroon kang boses para ipaglaban ang karapatan mo.
Kasama na dito ang karapatan na mapangalagaan ang ating kalusugan at ang kalusugan ng mga mahal natin sa buhay.