close
#KuwentongKabataan

Mas mahalaga pa sa buhay ko


Habang paparating ang taumbayan, isang tumitibok na kaba ang bumalot sa aking puso. Sa isip-isip ko, “Mabubugbog na naman ako.” 

Maingay muli ang kapaligiran.

Daan-daang tao ang sumisigaw upang humingi ng pananagutan sa gobyerno. Mga makukulay na karatula bitbit ang panawagan ang nagmartsa sa kahabaan ng Kalaw. Sinalubong sila ng isang hanay ng asul na may mga mukhang pininta ng galit at kamuhian.

Sa gitna ng gulo ay ako, isang taong naipit sa hidwaan ng dalawang magkasalungat na puwersa. Habang paparating ang taumbayan, isang tumitibok na kaba ang bumalot sa aking puso. Sa isip-isip ko, “Mabubugbog na naman ako.”  

Sa ilang taon kong nanungkulan bilang isang retratistang pampahayagan o photojournalist, natanggap ko na parte na ng trabaho ko ito. Sa mata ng pulisya, ang press ID na nakasabit sa aking leeg ay nagdadala ng pag-aalinlangan mula sa kanilang hanay. Bago pa man ang kaguluhan, tatangkain nilang alamin ang aking pagkakakilanlan.

Ang personal na buhay ko’y kikilatisin at bahagyang ilalagay ang mga daliri sa hawakan ng kanilang baril kung hindi ako sumunod. Pananakot ang kanilang pamamaraan upang pigain ang impormasyon mula sa akin.

Napagdidiskitahan ako sapagkat lantaran ang pagpapaalam sa kanila na isa akong mamamahayag. Hindi ko dapat ito itago, wala namang mali sa trabaho ko, ngunit ano bang laban ng lente ng kamera ko sa mga mahahabang baril nila. Sa katunayan, nagsisilbi itong kalasag ko mula sa mga nagmamasid na mata ng pulisya.

Habang papalapit ang inaasahang karahasan, hinahanda ko ang sarili, katawan at kamera na siyang gagawing kongkreto ang aking masasaksihan. Bobombahin ka nila ng tubig, hahatakin ka papunta sa kanilang hanay at hahampasin ka ng kanilang kalasag. Mas masahol pa sa hayop ang trato ng pulisya sa taong tutol sa kasalukuyang balangkas ng ating lipunan. 

Sa likod ng hanay na hindi nagpupumiglas sa gitna ng karahasan na kinakaharap nila ang mga mamamahayag na naglalahad ng kanilang pakikibaka. Gayunpaman, hindi rin nagpapatinag ang pulisya. Nilalabanan nila ang mga makatarungang hinaing ng taumbayan gamit ng kanilang monopolyo sa pandarahas.

Lumalala lang ang tensiyon, bumulusok ang emosyon at sumisidhi ang galit ng bawat hanay. Hindi matanggap ng pulisya na may kumakalaban sa kanilang monopolyo kaya’t kailangan nilang patunayan ang sarili nila.

“Pare-pareho lang yang mga ‘yan,” sigaw ng komander ng pulisya sa harap ng United States Embassy.

Utal-utal niyang minandohan ang hanay ng pulisya. Ang bilang ng mapagpalayang hanay ng mga aktibista’y mabilis na hinigitan ng mga nakaunipormeng asul. Paspasan ang kanilang pandarahas sa amin. Tuluyan nilang binaklas ang karapatan ko bilang isang mamamahayag at sa unang pagkakatao’y pumantay ang lupang kinatatayuan ko.

Isang malakas na hampas direkta sa aking bungo ang bumulaga sa akin habang kinukuhanan ko ang kaguluhan. Tumumba ako sa gitna ng mainit na kalsada, mga kamay ko na mahigpit pa rin nakahawak sa kamera. Ang pagpapahalaga ko sa aking kamera’y nagmistulang patalim na kinakapitan ko para lamang masigurado ang aking kaligtasan.

Nahihilo na inangat ng mga kasama ko ang aking katawan at pinainom ng tubig. Nang mahimasmasan, hindi na takot o pagkabalisa ang aking nadama. Napalitan ito ng isang nagnanaknak na galit sa mga taong tuta ng karahasan. Ang kamera ko na dating kalasag ay naging armas upang labanan ang kawalang hustisya sapagkat kailan pa naging krimen ang kumuha ng retrato’t ipakita ang katotohanan.