Okupadong West Bank, nilusob na ng Israel
Lumabas na sa Gaza Strip ang pananalakay ng Israel at sinimulan na ng Israel Defense Forces ang paglusob sa okupadong West Bank, teritoryong Palestino sa kanluran ng Ilog Jordan, nitong Ago. 28.
Umabot na sa higit 11 buwan simula noong Okt. 6, 2023 nang sinimulan ng Israel ang pagsalakay laban sa mga Palestino sa Gaza Strip. Ayon sa Palestinian Ministry of Health nitong Set. 7, nasa 40,939 na ang bilang ng mga pinaslang na Palestino sa Gaza habang 94,616 naman ang lubhang sugatan.
Pataas nang pataas ang bilang ng mga nasawing buhay kada araw. Subalit, kulang ang pagkilos at pagtugon ng internasyonal na komunidad upang matigil ang kolektibong pagpaparusa sa mga Palestino sa kamay ng Zionistang estado ng Israel.
At ngayon, lumabas na sa Gaza Strip ang pananalakay ng Israel at sinimulan na ng Israel Defense Forces (IDF) ang paglusob sa okupadong West Bank, teritoryong Palestino sa kanluran ng Ilog Jordan, nitong Ago. 28.
Paglusob sa West Bank
Kinaumagahan ng Ago. 28, sabay-sabay inatake ng IDF ang tatlong lugar sa hilagang bahagi ng West Bank—Jenin, Tulkarm at Tubas.
Tinagurian ito bilang pinakamalaking pag-atake ng Zionistang hukbo sa West Bank sa loob ng dalawang dekada. Maliban sa laksa-laksang mga elemento ng IDF, walang awang gumagamit ang Israel ng fighter aircraft, armadong bulldozer at drone sa pag-atake. Humigit-kumulang 80,000 Palestino ang apektado ng operasyon militar ng Israel.
Pinaligiran at isinara ng IDF ang kabuuang siyudad ng Jenin lalo na ang refugee camp sa loob nito. Dahil dito, nawalan ng akses ang mga tao sa tulong pangkalusugan at iba pang serbisyo. Hindi kaagad nakapasok ang Palestine Red Crescent Society noong unang araw ng pag-atake sa West Bank para sana tumulong sa mga apektadong sibilyan. Hinaharangan din ng IDF ang mga ambulansya ng Red Crescent.
Kasabay nito, binahagi ni Jenin Governor Kamal Abu al-Rub na plano ng Zionistang hukbo na lusubin ang Jenin Governmental Hospital. Matatagpuan ito malapit sa Jenin refugee camp at kung aatakihin man ito ay dagdag banta sa karapatang-pantao ng mga Palestino sa West Bank.
Dagdag pa rito, kinubkob ng IDF ang mga ospital sa Tulkarm at Tubas. Walang awang gumamit ng mga armadong bulldozer ang Israel upang sirain ang sistemang patubig, kuryente at iba’t ibang imprastruktura sa Tulkarm, ayon sa ulat ng WAFA News Agency.
Habang nagpapatuloy ang atake ng IDF sa hilagang bahagi ng West Bank, iminungkahi ni Israel Foreign Minister Israel Katz na temporaryo at sapilitang ilikas ang mga sibilyang Palestino mula sa hilagang West Bank. Ani Katz, ginagawa umano ng Israel ang operasyon upang puksahin ang terorismo sa West Bank na pakana ng bansang Iran.
Subalit isa lang itong taktika upang mas palawakin ang kanilang ginagawang ethnic cleansing laban sa mga Palestino. Kasama na rin ang pagpapalawak ng kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng kolonyalismong settler.
Ayon sa ulat ng Al Jazeera, ibinahagi ni Omar Baddar, isang political analyst sa Middle East, na bahagi ang paglusob ng Israel sa West Bank sa pangmatagalang estratehiya ng Zionistang estado. Matagal na umanong ninanais na angkinin ng Israel ang West Bank at tuluyang isagawa ang ethnic cleansing ng mga namamalagi roon.
Umalis man ang hukbo ng IDF sa hilagang bahagi ng West Bank nitong Set. 7, itinuturing ng Al-Aqsa Martyrs’ Brigades Youth of Revenge and Liberation-Jenin na ang pakikipaglaban at sakripisyo nila sa loob ng 10 araw ay hindi kaagad matatapos. “Walang ibang maaari kundi jihad (banal na pakikibaka) o pagkamartir,” pahayag ng grupo.
Iniwang wasak na wasak ng IDF ang halos lahat na mayroon ang mga Palestino.
Nitong Set. 7, umabot sa 692 ang bilang ng mga patay sa West Bank at 5,700 naman ang lubhang sugatan simula noong Okt. 6, ayon sa Al Jazeera.
Sa kabilang banda, kinokondena ng Hamas ang pagpatay ng IDF kay Aysenur Ezgi Eygi, isang Turkish-American solidarity activist, sa Nablus, West Bank habang nagmamartsa at lumalahok sa isang mapayapang protesta laban sa pananakop ng Israel. Iginiit ng grupo na isa itong krimen laban sa karapatang pantao ng mga dayuhang nakikiisa sa laban ng mga Palestino.
‘Mahinang’ kapangyarihan
Halos isang taon nang namumuhay ang mga Palestinong nangangamba kung aabot pa ba sila sa mga susunod na araw.
Ayon sa United Nations (UN) Population Fund, siyam sa 10 Palestino ang nakakaranas ng sapilitang pag-alis bunga ng pananalakay ng Israel. Gayunpaman, kung agarang naaksiyonan ito noong nakaraang taon, hindi na kailangang humantong sa pagkawala ng buhay, ari-arian, kabuhayan at iba pa.
Noong Hun. 10, inendorso ng United Nations Security Council (UNSC) ang resolusyong tigil-putukan o ceasefire sa Gaza Strip. Nilalaman din ng resolusyon ang pagpapalaya sa mga bilanggo mula sa parehas na estado at ang kabuuang pag-alis ng IDF sa Gaza. Nakatanggap ng botong 14-0 ang tinaguriang resolusyon kahit hindi bumoto ang bansang Russia.
Lumipas na ang tatlong buwan simula noong ipinasa ang resolusyon ngunit hanggang ngayon’y hindi pa rin naipapatupad. Dismayado ang mga miyembro ng UNSC sa kawalan ng kooperasyon ng Israel at humihiling na tumugon sa resolusyon nitong Set. 5.
Kanila ring iginiit ang agarang aksiyon upang matigil na ang pagyurak sa karapatan ng mga Palestino. Sa kasalukuyan, wala pa ring nagagawang bagong hakbang ang UNSC.
Bago humantong sa resolusyong tigil-putukan ang UNSC, maraming beses nang nag-veto ang United States (US) sa tigil-putukan sa Gaza Strip. Ibinunga nito ang marami ring beses na pagkaudlot sa pagkakataon ng mga Palestino na mamuhay nang normal.
Inaprubahan naman ni US President Joe Biden ang pagtanggal ng pondo sa United Nations Relief and Works Agency for Palestine Refugees sa kalagitnaan ng matinding krisis sa pagkain at kalusugan sa Gaza Strip.
Mariing kinondena ng Hamas ang pasistang kalakaran at suporta sa Israel ng US dahil humahadlang ito sa pagpapabuti sana ng kalagayan sa Palestine. Kaakibat nito ang pagpayag ng bansa sa mga polisiyang umaabuso sa karapatang pantao ng mga Palestino. Humihiling din ang grupo sa UN na gumawa na sana ito ng maayos at agarang aksiyon.
Makikita sa araw-araw na buhay ng mga Palestino ang kapabayaan at kapalpakan ng internasyonal na komunidad. Patuloy na naghuhugas kamay at nakapikit ang mga mata ng mga nakaupo na para bang hindi sila nakokonsensiya sa bawat buhay na nawawala. Kung hindi sila nagpabaya, masayang namumuhay pa sana ang mga pinaslang sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.