close

Impeachment vs VP Duterte, isinampa ng Makabayan


Inendorso ng Makabayan bloc sa Kamara nitong Dis. 4. ang ikalawang reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte sa batayang pagtataksil sa tiwala ng publiko.

Sa pangunguna ng Makabayan Coalition, nagsampa ang nasa 72 na indibidwal mula sa iba’t ibang progresibong organisasyon ng reklamong impeachment kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte nitong Dis. 4 sa Batasang Pambansa.

“Betrayal of public trust” ang batayan ng mga grupo para sa nasabing reklamo, bunsod ng abuso at pandarambong sa P612.5 milyong confidential funds, pamemeke ng mga ulat ng kanyang opisina sa Commission on Audit para pagtakpan ito, at paghahadlang sa imbestigasyon ng mga mambabatas kaugnay nito.

“Hindi ito simpleng paglabag. Ang paggamit ng pondo sa ganitong paraan ay sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang ganitong katiwalian ay hindi dapat pinapalampas,” ani ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

“Obvious na obvious ang paglulustay ng pera,” dagdag na bira ni Castro.

Kasama ni Castro ang dalawa pang kongresista ng Makabayan bloc na sina Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas na nag-endorso sa reklamo laban kay Duterte.

Ayon kay dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares, marami pang puwedeng ikaso kay Duterte dahil sa haba ng listahan ng kanyang mga kasalanan sa mamamayan. Pero sakop na raw ng “betrayal of public trust” ang marami dito dahil nagtaksil siya sa bayan.

Para kay Colmenares, ang pandarambong ng pondo ng taumbayan ang “isa sa pinakamataas, kundi man ang pinakamataas na porma ng pagtataksil ng isang opisyal.”

Kumikilos din ang mga mambabatas ng Makabayan para makuha ang suporta at boto ng 106 o sangkatlo ng lahat ng miyembro ng Kamara para suportahan ang resolusyon sa impeachment.

Ayon sa Saligang Batas at mga alituntunin ng Kamara, ipapadala ang articles of impeachment sa Senado para litisin ang reklamo kapag nakumpleto ang mga kinakailangang boto.

Binatikos naman ni National Security Council assistant director general Jonathan Malaya ang hakbang ng Makabayan. Minaliit niya ito bilang “oportunismo” para lang sa pagpapasikat ng mga progresibo.

Kilala si Malaya bilang isang tagapagtanggol ng pamilyang Duterte at nagsisilbi sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict para sa paulit-ulit na red-tagging.

Sumagot naman siya ni Bagong Alyansang Makabayan chairperson Teddy Casiño, “Kalian pa naging oportunismo sa politika ang pagpapanagot sa mga Duterte para sa mali nila?”

Kung tutuusin umamo, lalong nagiging bulnerable sa malisyosong atake, intriga at panggigipit ang mga nagsampa ng impeachment kay Duterte, paliwanag ni Casiño.

Ito ang ikalawang reklamong impeachment laban kay Duterte na isinampa sa Kamara. Nagsampa rin ng reklamo si dating Sen. Leila de Lima noong Dis. 2.