close
Talasalitaan

Collective Bargaining Agreement (CBA)


Sa sama-samang pagkilos nila makakamit ang makubuluhang dagdag-sahod, sapat na benepisyo at seguridad sa trabaho. 

Collective Bargaining Agreement (CBA) – Isang uri ng kontrata o kasunduan sa pagitan ng isang kompanya at ng unyon ng mga manggagawa. Nakapaloob sa kasunduang ito ang tamang pasahod, mga benepisyo, oras ng trabaho at ang kaayusan ng lugar ng trabaho ng mga empleyado.

Ginawa ito upang magkaroon na maayos at malinaw na usapan sa pagitan ng kompanya at mga empleyado. Gabay o basehan ang CBA kung sakaling magkaroon ng ‘di pagkakaunawaan sa hinaharap. Pinoproteksiyonan din ng CBA ang mga karapatan ng mga manggagawa laban sa mga mapang-abusong employer.

Kamakailan, naglunsad ng protesta ang Unyon ng mga Panadero sa PhilFoods Fresh Baked Product Inc. (UPPFBPI-OLALIA -KMU) sa harap ng National Conciliation and Mediation Board Region IV-A upang kalampagin ang kapitalistang PhilFoods ukol sa nababalahaw na negosasyon sa pagitan ng mga manggagawa at ng kompanya.

Apat na negosasyon na ang naganap ngunit hindi pa rin maisaayos ang bargaining ground rules na siyang magiging gabay sa pagtataguyod ng CBA ng unyon at ng PhilFoods.

Ang pagtanggi ng PhilFoods sa hiling ng mga panadero at sa maayos na pakikipagkasundo ay malinaw na pambabatos at pagyurak sa karapatan ng mga manggagawa sa sama-samang pakikipagtawaran at malayang pakikipagkasundo.

Sa kabilang banda, nagsimula na rin ang pagbuo ng CBA ng Nexperia Phils. Inc. Workers Union (NPIWU) at pamunuan ng Nexperia Philippines para sa 2024 hanggang 2026. Inanunsiyo ito ng unyon noong Ene. 25. Magaganap ang panibagong negosasyon kasunod ng tanggalan sa mga manggagawa at ilang opisyal ng unyon noong Setyembre 2023.

“Mahalagang magkaroon ng bagong CBA upang makakaagapay ang mga manggagawa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at ang pagbaba ng halaga ng sahod ng manggagawa bunga na rin ng mataas na implasyon noong mga nakaraang buwan,” sabi ng NPIWU.

Determinadong ipaglaban ng unyon ang interes ng mga manggagawa sa muling pagbubukas ng negosasyon para sa CBA. Bilang mga pangunahing nagtataguyod at nagpapatakbo ng ating ekonomiya, ang laban ng mga manggagawa saan mang panig ng bansa ay siya ring laban ng sambayanang Pilipino.

Sa pagtindi ng krisis at kahirapan sa ilalim ng inutil at pabayang ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., wasto at makatuwiran ang pakikiisa sa laban ng mga manggagawa para sa kanilang karapatan sa kabuhayan. 

Ang mga manggagawa ang lumilikha ng mga produkto para sa ating bansa, ang manggagawa ang nagpapayaman sa mga gahaman at ganid na kapitalista ngunit ang mga manggagawa ang binubusabos. Walang ibang lakas ang mga manggagawa kundi ang pagkakaisa.

Buong lakas kumikilos ang mga manggagawa at hanay ng mga unyon para ipanawagan ang nakabubuhay na sahod at seguridad sa trabaho. Pinagpupugayan nila ang tunay, palaban at makabayang unyon na nagsusulong ng kagalingan at pagtatanggol sa karapatan ‘di lang ng mga manggagawa kung hindi lahat ng mamamayang dumaranas ng karukhaan at pagsasamantala. 

Hindi kusang ibibigay ng mga kapitalista ang mga kahilingan ng mga manggagawa at wala ring sapat na tugon ang estado para seguruhing napangangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa. 

Sa sama-samang pagkilos nila makakamit ang makubuluhang dagdag-sahod, sapat na benepisyo at seguridad sa trabaho. 

Dugo’t pawis ng mga manggagawa ang kanilang puhunan sa trabaho, ngunit barya-barya pa rin ang kanilang sahod. Nagbibingi-bingihan ang estado at busog ang kapitalista sa kita mula sa bisig ng manggagawa.

Walang ibang landas ang tatahakin ng manggagawa kundi ang kanilang pakikibaka at sama-samang pagkilos.