close

Pangulo ng unyon, 3 iba pang opisyal, tinanggal ng Nexperia


“Matinding atake ng kapitalistang Nexperia ang ginawang pagtatanggal sa aming apat para hindi magpatuloy ang negosyasyon sa CBA,” sabi Mary Ann Castillo, pangulo ng unyon.

Sa halip na ipagpatuloy ang negosasyon para sa collective bargaining agreement (CBA), tinanggal ng management ng Nexperia Philippines Inc. ang apat na opisyales ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) nitong Dis. 17.

Kabilang sa apat na tinanggal sina NPIWU president Mary Ann Castillo, vice president Antonio Fajardo, public relations officer Girlie Batad at council member Marvel Marquez. Tatlo sa kanila ang humaharap at namumuno sa pakikipagtawaran para sa mas mataas na dagdag-sahod, mas maayos na mga benepisyo at seguridad sa trabaho.

Inakusahan ng management na pinangungunahan ng mga opisyales ang mga pagkilos sa loob ng kompanya na umano’y humaharang sa paglabas-masok ng mga produkto. Taliwas dito, nagbibigay lang sila ng update sa mga miyembro tungkol sa gumugulong na usapan sa CBA.

Nauna nang pinagbawalan ng management ang NPIWU na gamitin ang canteen, gymnasium at iba pang pasilidad ng kompanya para sa mga meeting ng unyon.

“Matinding atake ng kapitalistang Nexperia ang ginawang pagtatanggal sa aming apat para hindi magpatuloy ang negosyasyon sa CBA,” sabi ni Castillo.

“Bad faith ang management dahil sa pagtatanggal sa pangulo na chairman ng negotiating panel at dalawang opisyales na umuupo bilang mga nasa regular panel ng unyon. Imbis na sumalubong [sa mga hinahain ng unyon] para matapos ang CBA, mas pinalala nito [ang sitwasyon] para sapilitang ipatanggap sa buong kasapian ang mababang offer sa mga manggagawa,” dagdag niya.

Nasa P17 kada araw lang ang dagdag-sahod na inaalok ng kompanya, malayo sa P50 kada araw na itinutulak ng NPIWU.

Naniniwala si Castillo na ginagawa rin ito ng management para lalong makatipid at makapagkamal ng dambuhalang tubo ang semiconductor company.

Noong nakaraang taon, higit 500 manggagawa ang tinanggal sa ngalan ng cost optimization at automation. Nitong Abril, 54 manggagawa naman tinanggal dahil sa umano’y “low volume.”

“Hindi namin maunawan ang sinasabi [ng management na] low volume dahil hindi naman nabawasan ang target output ng mga manggagawa sa mga makina. Nagtanggal sila ng mahigit sa  500 at ang naiwan ay pinagtatrabaho ng dalawa hanggang apat na makina bawat shift,” ani Castillo.

Para sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), ang pagtanggal sa mga opisyales ng NPIWU ay malinaw na pagbuwag sa unyon at paglabag sa karapatan ng mga manggagawa na malayang mag-unyon at makipagkalakan, gayundin ang magpulong at magpahayag.

“Hindi dapat humantong ang management sa paggamit ng overkill responses at paglabag sa karapatan ng mga manggagawa kahit na hindi nito matugunan ang naturang mga kahilingan,” sabi ng CTUHR sa isang pahayag sa Ingles.

“Sa kredito nito, kinilala nito ang unyon ng manggagawa ng kompanya sa loob ng maraming dekada. Kasabay din nito, madalas silang humahantong sa malawakang tanggalan sa mga opisyales ng unyon sa panahon ng negosasyon sa CBA,” dagdag pa ng CTUHR.

Mag-iisang taon na ang negosasyon para sa CBA sa Nexperia at magpahanggang ngayon wala pa rin itong usad dahil sa pambabarat ng management.

Nitong Dis. 10, nagsampa ng notice of strike (NOS) ang NPIWU sa Regional Conciliation and Mediation Board Branch IV-A matapos magdeklara ng deadlock nitong Nob. 29.

Muli namang naghain ng panibagong NOS ang unyon nitong Dis. 17 kasunod ng pagtanggal sa apat na opisyales ng unyon. 

Maaalalang nitong Hunyo 26, naghain din ng NOS ang unyon dahil sa unfair labor practices at makalipas ang ilang araw ipinanalo ng mga manggagawa ang kauna-unahan nilang strike voting.

Patuloy na nagsisikap ang mga manggagawa ng Nexperia upang makamit ang kanilang mga panawagan para sa makatarungang sahod at iba pang karapatan. Ang kanilang tugon para makamit ang mga ito: welga.

Sinimulan na nila kahapon ang panibagong strike voting na inaasahang matatapos ito sa Dis. 20.

“Kailangang ipakita ng mga manggagawa ang aming sama-samang lakas para makuha ang overwhelming majority vote para maisagawa ang welga,” sabi ni Castillo.