Sa simula lang ang apog
Ginawang isang laro ng mga Marcos ang lehitimong panawagan ng mamamayan laban sa pagnanakaw ng mga inosenteng buhay at kaban ng bayan, kapalit ang pagtitiyak sa pansariling interes sa kapangyarihan at kayamanan.

Ningas-kugon ang rehimeng Ferdinand Marcos Jr.—sa simula lang ang apog!
Matapos ang sunod-sunod na pampolitikang bira sa pamilya Duterte, biglang pinatulog ni Marcos Jr., kasapakat si Speaker Martin Romualdez, ang tatlong reklamong impeachment laban kay Sara Duterte. Sa kabila rin ng mga pag-amin sa kriminal na kampanyang Oplan Tokhang, malaya pa ring naghahasik ng lagim si Rodrigo Duterte.
Ginawang isang laro ng mga Marcos ang lehitimong panawagan ng mamamayan laban sa pagnanakaw ng mga inosenteng buhay at kaban ng bayan, kapalit ang pagtitiyak sa pansariling interes sa kapangyarihan at kayamanan.
Masusing pinag-aaralan ni Marcos Jr. paano tuluyang lulumpuhin ang karibal na mga Duterte habang tinitiyak na walang magiging epekto ito sa pagpapanalo ng sarili at mga kaalyado sa darating na eleksiyon.
Ginagamit ng rehimen ang pagkakataon para konsolidahin ang kanyang mga alipores at gipitin ang mga kakampi ng mga Duterte.
Nakita natin ito nang biglang mag-loyalty check sa hanay ng mga pulis at militar, pinalitan ang security group ng bise presidente, pag-aalis sa mag-amang Duterte at mahigpit na alyadong si Gloria Macapagal-Arroyo mula sa National Security Council, at pagtutulak ng kasong kriminal kay Sara dahil sa mga pagbabantang ginawa laban sa pamilya Marcos.
Tinitiyak ng rehimen na walang lugar sa Senado ang mga maka-Duterte. Sa 2025 budget, lantarang inalisan ng pondo ang mga batayang serbisyo para busugin ng suhol at pondohan ang kampanya ng kanyang sunud-sunuran.
Ang nasasaksihan nating urong-sulong ng rehimen na tuluyang panagutin ang pamilya ng mga magnanakaw at mamamatay-tao ay pagpapatunay na simula’t sapul, hindi ito sinsero. Sa kumpas ng kanyang imperyalistang amo sa Amerika, tinitiyak din nito na hindi hahantong sa mas matinding pampolitikang krisis ang sitwasyon na mag-uudyok ng mas malawak na paglaban mula sa mamamayang desididong makamit ang katarungan. Umiiwas si Marcos Jr. at ang nasa likod niyang Amerika na malagay sa dehado.
Sa ginagawa ng rehimen, pinapatindi lang nito ang galit ng mamamayan. Sa nakalipas na mga buwan, saksi ang taumbayan sa kawalang-hiyaan ng mga Duterte.
Ang walang pagsisising pag-ako ni Digong sa utos na patayin ang mga mahihirap at inosente kapalit ang pabuya ay katumbas ng paulit-ulit na pagpatay sa mga biktima.
Ang bawat pagsisinungaling at lantarang panloloko ni Sara sa mga proseso ng gobyerno para lustayin ang kaban ng bayan ay katumbas ng araw-araw na pagnanakaw ng pagkakataong makakain ang isang pamilya.
Ang ginagawang pagharang ni Marcos Jr. ay katumbas ng pagprotekta sa kagaya niya ring sunud-sunuran, korap at mamamatay-tao.
Ang katotohanan sa lahat ng ito, hindi taumbayan ang gustong protektahan ni Marcos Jr., kung hindi ang umiiral na sistemang paborable para sa mga kagaya nila ni Duterte.
Wala nang pasensiya at wala nang pag-asa ang taumbayan sa rehimeng Marcos Jr. Hindi na ito manunuod lang sa mga sarsuwela at moro-morong ginagawa ng mga pulpol na politiko.
Ang sunod-sunod na aksiyon ng mga pamilya ng mga biktima na sampahan ng kriminal na kaso mag-amang Duterte, paghahain ng petisyong i-disbar si Digong at dedikasyong patuloy na buklurin ang pinakamalawak na pagkakaisa para patalsikin si Sara at ikulong ang kanyang ama, ay pagpapakita ng kagustuhan ng taumbayang may managot.
Hindi ligtas si Marcos Jr. sa galit at paniningil ng mamamayan. Sa kabila ng mga pagpoposturang laban sa korupsiyon at pagpatay, hindi nito mapagtakpan ang umaalingasaw na katotohanang wala siyang pinag-iba.
Liban sa paggamit sa usapin para sa pampolitikang interes, hindi kaila sa mamamayan na sa ilalim ng Marcos Jr. ay ipinagpatuloy lang nito ang mga masasahol na patakaran ng rehimeng Duterte.
Sa ilalim ng Marcos Jr. araw-araw dumarami ang nagugutom, lumolobo ang utang, inaagawan ng lupa, binabarat ang sahod, ninanakawan ng serbisyo at ipinapailalim sa paghaharing militar sa kanayunan.
Sa gitna ng karimlan, ang pag-asa ng mamamayan ay wala na sa bulok at tradisyonal na politikang pinaghaharian ng iilan. Hindi na magtitiis ang mamamayan sa siklo ng korupsiyon, kawalang pananagutan, kahirapan at pagsasamantala, habang ang mga opisyal ay nagpapakasasa sa ginhawa at yaman ng taumbayan.
Gusto na ng taumbayan nang tunay na pagbabago, hindi lang sa mukha o sa pangalan, pero pagbabago kung saan sila at ang kanilang mga interes ang bida at prayoridad.