close
Editoryal

Walang lilimot sa EDSA, walang ginto sa diktadura


Kasabay ng paniningil at pagtutol sa pagbaluktot sa kasaysayan, kailangang matapatan ng sambayanan ang katatwang mga proyektong ito. Kung maraming paraan para umibig, marami ring daluyan ng paglaban at pag-alala.

Lahat ng umiibig, naghahanap ng kapayapaan—kalmadong isip, magaang loob, panatag na puso. Para sa Pilipinas, posible lang ang ganitong pag-ibig kapag nakuha na ang hustisya. 

Ang tunay na pag-ibig na magpapabuti sa isa’t isa, ang tunay na kapayapaan, ay magmumula sa pagtuwid ng mga kamalian, hindi sa paglimot sa kasaysayan, kasama ang kasaysayan ng Pag-aalsang EDSA.

Kaya naman bahagi ng pag-ibig sa bayan ang pagtutol sa ginagawang pagpapabango ng pamilyang Marcos sa iba’t ibang lunsaran—sa sining, sa pagpapatayo ng mga gusali, sa talakayan sa mga paaralan, at pati sa kalendaryo. Kung ganito, matatawag na pagtataksil sa bayan ang paglimot.

“Inaatake ng amnesia,” sabi nga ng grupong Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma) nang bigyang parangal ng Upsilon Sigma Phi Fraternity bilang “Upsilonian Noble and Outstanding” si Ferdinand Marcos Sr., ang nasirang pangulo at diktador. 

Bitbit ang tradisyon ng malayang pagbabalita na ipinagtanggol ng mosquito press, bansag sa alternatibong midya noong rehimen ni Marcos Sr., patuloy na naninindigan ang Pinoy Weekly na kailanma’y hindi maituturing na bayani at mabuting lider si Marcos Sr. Wala siyang ibang ipinamana kundi pagdurusa.

Nakatungtong ang parangal ng Upsilon sa dumanak na dugo ng mga martir na magsasaka, unyonista, manunulat, estudyante at karaniwang Pilipino na biktima ng karahasan ng diktadurang Marcos Sr.

Kahiya-hiya itong parangal at iba pang pagpapagwapo kay Marcos Sr. o sa kanyang angkan dahil hanggang sa kasalukuyan, hindi pa buong naibabalik sa mga Pilipino ang nakaw na yaman ng pamilya. Bilyong buwis sa kalupaan pa ang hindi nababayaran ng pamilyang Marcos, bilyon na puwede sanang ilaan sa serbisyo publiko. 

Ngayon, hindi man madaling mapansin dahil sa alingawngaw ng mga campaign jingle at kaliwa’t kanang bangayan sa politika, muling ginagamit ang pampublikong pondo para sa pinagandang alaala ni Marcos Sr. Detalyado itong nilista ni Miguel Paolo Reyes, research associate sa Unibersidad ng Pilipinas, sa kanyang lathalain para sa Vera Files.

Marso 2023 inanunsiyo ng Philippine National Police Academy (PNPA) na papalakihin nila ang kanilang parade grounds at papangalanang Marcos field, bilang pagkilala sa yumaong diktador. Ayon sa gobyerno, siya ang ama ng PNPA.

Noong Set. 8, 2024 naman, opisyal na binuksan sa publiko ang Presidential Museum sa The Mansion, ang opisyal na summer residence ng pangulo, sa Baguio City. Kasama sa museo ang mga memorabilia ng iba’t ibang pangulo, pero pansin ang laan na exhibit para sa mag-amang Marcos. Ang pondo para pagpapaganda ng The Mansion, mula sa Office of the President.

Minana rin ni Marcos Jr. ang estilo ng paggamit ng sining para mapaganda ang reputasyon. Kapag bumisita sa website ng Malacañang Heritage Mansions, makikitang tampok ang “Bahay Ugnayan” na sinasabing naglalaman ng kasaysayan sa “pribado at naisapublikong buhay ni Marcos Jr., at ang matagumpay niyang martsa tungong Malacañang.” Dahil opisyal na proyekto ito ng gobyerno, pampublikong pondo ang gamit dito.

Bago nagwakas ang halalan noong 2022, ikinatakot na ito ng maraming tanggol-karapatan. Ngayon, natutunghayan na natin kung paano pinag-iigihan ng pamilyang Marcos at ng kanilang mga kasangga na baluktutin ang kasaysayan—mula sa pagkanta ng “Bagong Pilipinas” sa mga flag ceremony, planong pagpapalit ng “Diktadurang Marcos” para gawing “Diktadura” na lang sa yunit ng aralin sa mga paaralan, at pagpapababaw sa selebrasyon ng Pag-aalsang EDSA.

Ang mas nakakasuklam pa sa lahat, ginagawa ito sa bisa ng posisyon sa gobyerno, gamit ang pondong para dapat sa mga Pilipino.

Kasabay ng paniningil at pagtutol sa pagbaluktot sa kasaysayan, kailangang matapatan ng sambayanan ang katatwang mga proyektong ito. Kung maraming paraan para umibig, marami ring daluyan ng paglaban at pag-alala.

Nariyan ang paglikha ng sining sa saliw ng hustisya, pagbabasa ng balita tungkol sa katotohanan ng nakaraan, pag-aaya sa iba na manood ng mga pelikula tampok ang mga martir ng pag-aalsa, pagtuturo ng kasaysayang tapat sa kuwento ng Pilipino at marami pang iba.

At higit sa lahat, ang patuloy na pakikiisa sa mga komunidad na nananawagan ng katarungan. Ito ang pag-ibig sa bayan na hindi natutumbasan ng anumang parangal.