Kaduda-dudang partylist | Anak ng!?
Ayon sa election watchdog na Kontra Daya, mahigit kalahati naman sa mga partylist ang ‘di kumakatawan sa mahihirap at marhinado. Paano pa kaya ang mga nominado nito? Kanino kayang interes ang isusulong nila?

Maraming nagsasabi na nabubulok na ang sistemang partylist. At sa lumalabas na ebidensya, mukhang totoo naman.
Ayon sa election watchdog na Kontra Daya, mahigit kalahati naman sa mga partylist ang ‘di kumakatawan sa mahihirap at marhinado. Paano pa kaya ang mga nominado nito?
Dominado ng mga anak ng mayayaman at politiko. Kanino kayang interes ang isusulong nila? Para sa mahihirap o para lalo pang magpayaman? Magdududa ka rin talaga e.
Kilatisin natin sila sa bawat isyu ng Pinoy Weekly. Mapapaisip at magdududa ka sa mga partylist na ito.
- Kung patok sa Bicol ang Ako Bicol, ‘di naman nagpatalo ang Ako Ilocano Ako Partylist. Nakaupo na sa Kongreso noong 2022 pa si Rep. Richelle Singson-Michael. At oo, anak siya ni dating Ilocos Norte Governor Chavit Singson. Ang parehong mga Singson na kilalang “warlord” sa Ilocos at malapit na kaibigan ng mga Marcos.
- Ito namang Agimat Partylist ay itinayo ng pamilyang Revilla. Ipinangalan sa sikat na pelikula na ngayo’y pipigain nila para sa boto ninyo. First nominee si Bryan Revilla, anak ni Sen. Bong Revilla! Hindi talaga magpapatalo ang mga anak at gagamitin ang partylist bilang ruta sa pagkasenador. Matatandaan kaya nila ang hinaing ng inaapi habang umaangat sa politika?
- Huli man pero ‘di papahuli, itong Tingog Partylist na talaga namang pampamilya…ni Marcos! Para raw sa interes ng Eastern Visayas. Ewan lang natin kung nasa interes ba ng rehiyon ang pananatili ng mga dinastiya.
Ang first nominee na si Andrew Julian Romualdez, anak ni Speaker Martin Romualdez at pamangkin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.! Ang kanilang third nominee, anak ng isang cabinet member at ang sixth nominee naman ay isa na namang Romualdez.
Hayahay talaga ang maging anak-mayaman o anak-politiko. Kaunting kembot lang lilipad agad ang karir sa politika!