Kaduda-dudang partylist | Kaibigan ng magnanakaw ang mayayaman?
Nagsiksikan sa partylist system ang maraming may mga kaduda-dudang background na personahe. Ang kagandahan kasi sa partylist, maaaring itago ang pangalan sa likod na pangalan ng grupo.

Kung hindi dating opisyal, may mataas na ranggo sa militar o pulisya. Kung hindi negosyante, sangkot naman sa iskandalo sa korapsyon.
Sa katunayan, nagsiksikan sa partylist system ang maraming may mga kaduda-dudang background na personahe. Ang kagandahan kasi sa partylist, maaaring itago ang pangalan sa likod na pangalan ng grupo.
Pero talaga nga bang para sa mahihirap at walang boses itong mga kinatawan?
Kilatisin natin sila sa bawat isyu ng Pinoy Weekly. Mapapaisip at magdududa ka sa mga partylist na ito.
1. Ang tinatawag na Patrol Partylist na para raw sa kaligatasan ng publiko. May dalawang nominado na dating opisyal ng Philippine National Police at ang dalawa pang nominado ay mula sa pamilya ng mga politiko sa Gitnang Luzon.
Nakakapagtaka, ano? Bakit naghahangad ng posisyon sa gobyerno para umano sa marhinado, itong may mga matataas nang naabot sa pamahalaan? Patrol ba ng Pilipino o Patrol ng pulitiko?
2. Ang bagong Gilas Partylist ay marahil sumasakay naman sa kilalang basketball team para umani ng boto. Samantalang saksakan naman ng big time na itong mga nominado.
Ang first nominee na si Reghis Christian Romero IV ay vice president ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. sa Subic. Ito ang kompanyang nakaiskor noong 2023 ng aabot sa P5.5 bilyon na mga proyekto sa pier. Mayaman na, kailangan pa bang sumabak sa politika?
Ang second at third nominee naman, parehong opisyal ni Rodrigo Duterte noon at parehong nasangkot sa pagnanakaw at smuggling. Nako po! Sobrang yaman at sobrang nakaw, hindi ata magandang kombinasyon.
3. Baguhan din itong 1Tahanan Partylist, na umano’y para sa pabahay ng mga mahihirap. ‘Di ko lang mawari kung paano humantong sa ganoon, gayong anim sa kanilang mga nominado ay mga opisyal, kabilang ang may-ari, ng Brigada News Corporation.
Ang 1Tahanan daw ay kanilang “charity.” Aba kabutihang loob na pala ang pagkuha ng puwesto sa Kamara! ‘Di kaya balak nilang gawing panibagong sangay ng kompanya ang partylist?
Nako naman! Para sa mahihirap ba talaga o para sa dati nang mayayaman?