close
Balik-Tanaw

Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis


Noong Mar. 8, 1917, pinakamakasaysayan ang naging papel ng kababaihang Ruso. Tinutulan nila ang imperyalistang pananalakay at pasismo ng tsar o hari ng Rusya.

Tuwing ikawalong araw ng Marso, ipinagdiriwang sa buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis bilang paggunita sa mahigit isang siglo ng pakikibaka ng kababaihang anakpawis para sa kanilang mga karapatan at kalayaan.

Noong 1910, sa Second International Conference of Working Women, iminungkahi ni Clara Zetkin, isang lider-proletaryo mula sa Germany, na gawing internasyonal ang paggunita ng Araw ng Kababaihang Anakpawis at ang pagpupugay sa kilusang kababaihan ng mundo laban sa kapitalismo at bilang paggunita sa mga welga ng kababaihang manggagawa. 

Noong Mar. 19, 1911, unang ginunita ito sa Austria, Denmark, Germany at Switzerland, kung saan mahigit 1 milyong kababaihan at kalalakihan ang nagprotesta para sa karapatang makapagtrabaho, pagwakas sa diskriminasyon, at karapatang bumoto at mahalal ng kababaihan.

Makalipas ang ilang araw, naganap ang trahedya sa Triangle Shirtwaist Company sa New York noong Mar. 25, 1911, kung saan 146 migranteng manggagawang kababaihan ang namatay sa sunog dahil sa kapabayaan ng kompanya.

Matapos nito’y tuloy-tuloy na binitbit sa mga sumunod na paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis ang masahol na kalagayan sa mga pagawaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Noong Mar. 8, 1917, pinakamakasaysayan ang naging papel ng kababaihang Ruso. Bago pa man ang Rebolusyong Ruso, naitala na pinakaunang namuno sa mga welga ang kababaihang manggagawang Ruso noong 1870s. Tinutulan nila ang imperyalistang pananalakay at pasismo ng tsar o hari ng Rusya.

Sa pamumuno ng nakawelgang kababaihang manggagawa ng tela, ginunita ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bitbit ang panawagang “bread and peace.”

Tinapay bilang tanda ng laban para sa pagtatanggol ng kabuhayan at kapayapaan para wakasan ang imperyalistang giyera at ang pagbagsak ng monarkiya sa tinaguriang Rebolusyong Pebrero ng 1917.

Noong 1921, idineklarang Komunistang Pista Opisyal ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis bilang pagkilala sa natatanging ambag ng kababaihan sa pagkapanalo ng Rebolusyong Ruso.

Pinagtibay ng United Nations General Assembly noong 1975 ang isang resolusyon na nagdedeklara sa Mar. 8 bilang International Women’s Day. 

Sa Pilipinas, noong 1971, unang ginunita ang Mar. 8 sa ilalim ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) na nagprotesta laban sa kahirapan at mababang sahod.

Nang maitatag ang Gabriela noong Oktubre 1984, itinuloy nito ang militanteng paggunita ng Mar. 8 sa buong bansa bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis para sa pambansang kasarinlan at demokrasya.