close
Suring Balita

Patakarang panlabas ni Marcos Jr., ibayong pagpapakatuta 


Natapos kamakailan ang negosasyon sa isang kasunduang militar sa pagitan ng Pilipinas at New Zealand. Para ba talaga ito sa seguridad o dikta ng Amerika sa pagpoposturang digma?

Inanunsiyo ni Department of National Defense (DND) spokesperson Arsenio Andolong ang pagtatapos ng negosasyon ng Pilipinas at New Zealand para sa isang Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) nitong Peb. 18. 

Positibo ang dalawang bansa na mapipirmahan ang kasunduan bago matapos ang ikalawang kuwarto ng taon.

Ayon kay Andolong, sa pamamagitan ng SOVFA, malayang makakapagsagawa ng mga ehersisyong militar ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at New Zealand Defense Force (NZDF) sa loob ng mga teritoryo ng dalawang bansa.

Kung sakali, ikaapat na ang New Zealand sa listahan ng mga bansang mayroon tayong buhay na bilateral military agreement.

Nauna nang ipinapatupad ang Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) kasama ang United States (US), SOVFA sa Australia at Reciprocal Access Agreement (RAA) sa Japan.

Ayon sa DND, inaasahan ding mapipinal ang kamukhang mga kasunduan kasama ang France at Canada bago matapos ang taon.

Sa pagpapaliwanag ni Antonio Tinio, tagapagsalita ng Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (P1nas), ang VFA ay nagbibigay ng legal na balangkas para sa paglabas-masok ng mga dayuhang tropa sa bansa at pagsasagawa ng mga ehersisyong-militar.

Mahalagang aspekto ng kasunduang ito ang umano’y pagbibigay ng “legal impunity” sa mga dayuhang tropa o ang paglilimita sa kapangyarihan ng Pilipinas na litisin at panagutin ang mga magkakasalang dayuhang sundalo.

Ayon kay Liza Maza, pangulo ng Makabayan Coalition, ang mga bagong kasunduang ito’y walang pakinabang sa interes ng mamamayan para sa tunay na pambansang soberanya. Imbis, nagsisilbi lang ito sa interes ng US sa harap ng tumitinding imperyalistang ribalan sa China.

Noong 2024, inilabas ng DND ang bagong balangkas ng patakarang panlabas ng bansa sa harap ng tumitinding alitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.

Sa mukha ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC), inilatag ang “whole-of-nation approach” ng administrasyong Marcos Jr. sa pagharap sa itinuturing na primaryang banta sa pambansang seguridad, ang China.

Para kay Maza, pinapatunayan lang ng ganitong suri at naratibo ang all-out na pagpapakatuta ni Marcos Jr. sa dikta ng US.

“Ito ay pumapabor lamang sa US, dahil sa ngayon, umiigting ang [tunggalian] ng US [sa] China, kaya kinakailangan [nila] ang Pilipinas upang maging isang malaking base militar ng United States [sa rehiyon],” sabi ni Maza.

Sa parehong tono, iginiit ni Tinio na ang totoong banta sa seguridad ng Pilipinas ay si Marcos Jr. mismo at ang kanyang mga patakarang panlabas.

Aniya, ang pagiging sunud-sunuran ni Marcos Jr. sa kagustuhan at interes ng US na manatiling nangungunang imperyalistang bayan sa rehiyong Asya-Pasipiko ay naglalagay sa Pilipinas sa gitna ng napipintong imperyalistang giyera.

Simula nang maupo si Marcos Jr. sa puwesto, ginawa niyang malinaw ang kanyang katapatan sa imperyalistang US. Buong-buong niyakap ng kasalukuyang rehimen ang heopolitikal na interes ng US sa rehiyon habang sinasangkalan ang totoong interes ng bansa para sa ating mga katubigan at soberanya.

Kabaligtaran sa mga sinasabi ng US na ipagtatanggol nila tayo sa harap ng China, ang mismong presensiya ng kanilang mga base militar at kagamitang pandigma sa loob ng Pilipinas ang umaakit sa lalong agresibong aksiyon ng China. 

Sa kabila ng pagigiit ng US sa umano’y isang “malayang” Indo-Pasipiko, binuhay nito ang military build-up sa rehiyon, kasapakat ang mga alyado at tutang bansa. Sa mukha ng tinatawag na “first island chain,” pinalibutan ng US ang China mula sa mga isla ng Kuril sa timog ng Japan, hilagang bahagi ng Pilipinas, hanggang kanlurang bahagi ng isla ng Borneo.

Sa Pilipinas, mayroong siyam na mga base militar, apat dito’y binuksan sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. Hindi pa kasama sa bilang na ito ang ‘di deklaradong mga base. Ginatungan pa ng US ang mainit ng sitwasyon sa pagposisyon nito ng Typhon missile launcher sa hilagang bahagi ng bansa.

Patuloy na inaalmahan ng China ang ganitong mga aksiyon mula sa US at Pilipinas. Sa kabila nito, patuloy ding pinalalakas ng China ang kanyang ugnayan sa ibang mga bansa laban sa hegemonya ng US. Malinaw ang interes ng China, makipag-agawan para sa kapangyarihan, kolonya at kapital sa harap ng bumubulusok na kapitalistang sistema.

“Of course, China is a threat, pero sa totoo lang ang greater threat, historically, and now, dahil nandito sila sa kalupaan natin, is US. Pero sila kapwa ay dapat tanggalin ang kanilang [mga] military facilities [sa bansa]. ‘Yong EDCA, ‘yong iba pang military sites that we don’t even know ng US, at ito namang China, ‘yong kanilang military structures in the West Philippine Sea,” ani Maza.

Malayo sa naratibo ng US at ng rehimen, hindi kalayaan kundi ibayong pambabansot sa pambansang kalayaan ang ginagawa ng US sa bansa. Sa mahabang kasaysayan ng ating paggigiit ng kalayaan, makailang ulit nang pinatunayan ng US na hindi sila kaibigan.

Sa harap ng ating pagtatanggol sa ating mga karapatan sa West Philippine Sea, hindi pinalawig na mga hindi pantay na kasunduan ang dapat pasukin ng bansa, kung hindi ang pagtutulak sa isang tunay na nakaasa sa sariling patakarang panlabas. 

“Sa totoo lang, ang isang independent foreign policy should be based on national sovereignty. If we do not have national sovereignty, we cannot achieve a [truly] independent foreign policy,” saad ni Maza.

Dagdag pa nito, habang ipinaglalaban pa natin ang ganap na kalayaan mula sa kamay ng imperyalistang US, dapat maging malinaw ang “non-aligned” na posisyon natin sa hidwaang US at China. Para kay Maza, walang pakinabang ang mamamayang Pilipino sa giriang ito. 

 Dagdag ni Tinio, hindi masamang makipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa hanggang malinaw ang mutwal na benepisyo ng mga ito, ngunit ibang-iba ang usapin kung pahihintulutan nating pumasok, umikot at humimpil ang mga dayuhang tropa sa ating teritoryo.

Anila, malaki ang mapupulot nating aral mula sa mga kapitbahay nating bansa, kagaya ng Vietnam.

Ibinahagi ni Maza kung paano pinanghahawakan ng Vietnam ang apat na prinsipyo ng non-alignment: walang dayuhang tropa, walang dayuhang base militar, walang kakampihan sa nagigiriang bansa at pagtutol sa giyera bilang resolusyon.

Para kay Maza, may kakayanan ang Pilipinas na gawin din ito, kung gugustuhin. Aniya, kahit ang paglikha ng sarili nating armas ay kayang makamit kung bibigyang-prayoridad ang pambansang industriyalisasyon.

Taliwas sa sinasabi ng rehimeng Marcos Jr., ang patakarang panlabas na kanilang itinutulak ay pagkaladkad lang lalo sa Pilipinas sa gitna ng isang imperyalistang digmaan.

Hindi solusyon ang pagpapapasok ng mga dayuhang tropa sa bansa o ang mas masahol na pagtatayo ng mga dayuhang base militar sa ating teritoryo.

Ani Tinio, dapat baklasin ang mga baseng US at paalisin ang mga tropa nito mula sa ating lupain.

Gayundin, dapat aniyang gawin ang lahat para maalis ang mga baseng itinayo ng China sa ating exclusive economic zone at igiit ang ating sovereign rights.

Sa kanyang salita, “We have to take back our full sovereignty.”