close
Eleksiyon

Isyu sa transparency, iba pang problema sa Automated Election System


Mula sa pagkuha ng bagong suplayer hanggang sa transmission ng mga resulta, puno ng pagdududa ang mga ikinilos ng Commission on Elections para tiyaking tapat at malinis ang eleksiyon.

Lalo lang nasiwalat ang paulit-ulit nang depekto ng Automated Election System (AES) ng bansa. Sa kabila ng mga batayang legal para matiyak na tapat, may pananagutan at mapagkakatiwalaan ng publiko ang sistema, puno ng sikreto, mga kuwestiyonableng desisyong teknikal at hindi pagtutugma-tugma ang mismong pagpapatupad ng AES.

Mula sa pagkuha ng suplayer hanggang sa paggamit ng source code, transmission ng mga resulta, at validation o pagtitiyak ng datos—lahat ng ikinilos ng Commission on Elections (Comelec) ay siyang pinagmulan ng pagdududa sa kakayahan at kagustuhan nilang protektahan ang integridad ng automated elections.

Ang pangunahing suplayer para sa 2025 elections na Miru Systems, sangkot sa kontrobersiya sa ibang bansa. Sa kabila ng naunang diskuwalipikasyon sa bidding dahil sa kakulangan ng dokumento, nakuha nila kalaunan ang kontratang nagkakahalaga ng P17.9 bilyon.

Para sa proyektong ito, may nakatuwang ang Miru na mga lokal na kompanya, ilan sa kanila kaduda-duda at ang isa pa nga, umatras sa kontrata dahil sa tunggalian ng interes. Sa kabila ng mga panawagan para sa pag-usisa sa proyekto, itinuloy ng Comelec ang kontrata nang walang mga hearing para sa publiko o muling pag-aaral sa kakayahan ng Miru.

Cindy Aquino/Pinoy Weekly

Batbat ng mga kakulangan sa transparency ang nagdaang eleksiyon. Sa ilalim ng batas, kumpleto na dapat ang proseso ng pagrebyu ng source code tatlong buwan bago ang halalan. Pero natapos ito isang linggo na lang bago ang botohan.

Ang mas malala, iba ang bersiyon ng software (v3.5.0) na ginamit sa araw ng halalan kumpara sa bersiyon na dumaan sa international auditors (v3.4 0). Ibig sabihin nito, ang code na ginamit ay hindi ang code na sininsin ng mga eksperto. Sa dalawang araw na nagbigay ng tatlong magkakasalungat na paliwanag ang ibinigay ng Comelec, wala ni isa ang sapat para linawin ang ‘di pagtutugma.

Lehitimo ngayon ang mga pagdududa kung legal at pananagutan ba ang mga hakbang na ito, o kung may pangangalikot na nangyari. Isinasantabi naman ng mga opisyal ng Comelec ang mga tanong na ito na parang maliit na bagay lang na bahagi na talaga ng proseso—malinaw na paglabag sa mga prinsipyo ng transparency, due process at respeto para sa mga sistema ng pansangga sa katapatan ng eleksiyon. Binabalewala ang batayang karapatan ng mga Pilipino sa isang matapat na sistemang pang-eleksiyon.

Maraming kaso tungkol sa transmission o pagpapadala ng resulta ang naipaabot sa Kontra Daya at Vote Report PH noong araw ng halalan. May mga presinto na nagkaroon ng delay o pagkaantala sa pagpasa ng Election Returns (ERs) mula sa mga Automated Counting Machine (ACM) papuntang central server. Sa ilang mga kaso, hindi tugma ang bilang ng resulta sa transmission at ang inaasahang voter turnout.

Dagdag sa pinagmumulan ng pagdududa sa kredibilidad ng proseso ang hindi pagtutugma ng mga canvassing report sa antas ng lokal at ng nasyonal. Hindi lang bilis ng bilangan ang apektado, kundi pati ang integridad ng resulta.

Isa sa pinakakapuna-punang problema ang naging delay sa transmission ng ERs sa mga server ng mga civil society organization at midya, kahit pa nakadisenyo ang proseso na dapat sabay matatanggap ng mga ito at ng Comelec central server ang datos.

Pundasyon ng mekanismo ng AES transparency ang parallel data delivery o sabayang pagpapadala ng datos sa mga server. Pero ang nangyari, kahit pa may higit sangkatlo nang nakuha na ERs ang Comelec server, inabot ng higit isang oras bago makakuha ng datos ang mga awtorisado ng Comelec na poll watching group tulad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at National Citizens’ Movement for Free Elections.

Dinahilan ng Comelec na maliit na mga isyung teknikal lang ang dahilan ng mga delay, pero hindi nila naipaliwanag bakit hindi apektado ang sarili nilang server. Lalo lang ito pagmumulan ng pagdududa at pagkawala ng tiwala ng publiko sa katotohanan ng mga resulta. Muli, isa lang ito sa mga isinantabing isyu ng Comelec.

Napakahalagang proteksiyon sa integridad ng halalan ang dapat na sabayang pagtanggap ng iba’t ibang mga server sa datos. Dapat nababantayan ng midya, mga watchdog o bantay-halalan, mga mamamayan ang pagpasok ng bilang ng boto at makita kung nagtutugma ang mga numero.

Neil Ambion/Pinoy Weekly

Dagdag sa lahat ng ito ang napabalitang nawawala o ‘di pagtutugma ng mga digital certificate ng ilang SD card na ginamit sa pagbibilang ng boto. Kailangan ang mga sertipikong ito para masinsin ang datos.

May mga ulat rin ng hindi napoproseso o blangkong files, at pati nadobleng mga resulta na nakaapekto sa higit 15,000 presinto. Ayon sa mga independiyenteng tagamasid sa halalan, apektado ng pagkakamaling ito ang aabot sa 7,000 kandidato.

Mano-mano na lang nagbigay ang Comelec ng mga wastong file na karagdagang dahilan para mawalan ng kompiyansa sa dapat katiwa-tiwala at may integridad na AES.

Hindi lang kakapusan sa teknikal na kahandaan ang ipinapakita ng mga insidenteng ito, kundi ang mas malaking kabiguan sa pamumuno at pananagutan ng Comelec. Ang totoo, lahat ng kritisismong ito’y kamukha ng mga kritisismo na inilapit na sa Comelec noon pang 2022 National Elections. Bigo ang Comelec na tugunan ang mga isyung ito para siguruhin na may kredibilidad sa halalan.

Kaya muli naming ipinapanawagan na dapat agad tutukan ang ilang punto ng reporma sa proseso ng pagboto:

Ireporma ang Partylist System. Kailangang agad tugunan ng Comelec ang nakabinbin na mga kaso laban sa ilang kaduda-dudang partylist. Bukod dito, kailangan ring siyasatin ang naging desisyon ng Korte Suprema noong 2013 sa kasong Atong Paglaum v. Comelec na nagpalawak sa interpretasyon ng kung sino ba ang puwede tumakbo bilang partylist. Sa bisa ng desisyong ito, naging pugad ng mga dinastiyang politikal, may-ari ng mga korporasyon at mga grupong suportado ng militar ang espasyo na dapat sa mga marhinadong grupo. Kailangan tunggaliin ang sistemang ito.

Kailangan ng agaran na pagwasto sa batas at panunumbalik ng orihinal na tulak ng Partylist Law o Republic Act 7941. May mga nananawagan na nga na wakasan ang partylist system dahil sa mga pang-aabuso sa sistema at kabiguan na masundan ang orihinal nitong gampanin sa demokrasya.

Mabisa at tuloy-tuloy na kampanya ang kaikailanganin para mas lumakas ang panawagan hanggang sa mauwi sa talakayan ng reporma sa Korte Suprema o sa Kongreso.

Palitan ang Automated Election System. Ipinakita ng halalan ngayong 2025 ang kakulangan ng AES sa transparency, accountability at public trust. Mas maigi na makipag-ugnayan at tulungan sa lokal na mga eksperto sa information technology (IT) at mga IT company na pagmamay-ari ng mga Pilipino para makabuo ng open source AES.

Zedrich Xylak Madrid/Pinoy Weekly

Imbestigahan ang ulat sa pangingialam ng mga banyaga. Kailangan ng imbestigasyon ukol sa balitang pagbabayad ng mga troll army para magpakalat ng maling impormasyon na nagmamanipula sa opinyon ng publiko.

Gumamit ng Hybrid Election System. Gamitin ang manual vote counting sa antas presinto para masiguro ang tapat na bilangan at manumbalik ang tiwala ng publiko habang may ginagawang electronic transmission para sa mga resulta, nang mapabilis ang canvassing nang ‘di nagkukulang sa pagkakataon na sinsinsinin ang resulta. Sa bisa ng Republic Act 8436 na inamyendahan sa Republic Act 9369, may kapangyarihan ang Comelec para gumawa ng implementing rules and regulations na magbibigay-daan sa isang hybrid system.

Huwag na ipagkumpol ang mga polling precinct. Kaisa kami ng panawagan na paghiwalayin ng mga polling center ang mga presinto. Nauuwi ang pagkukumpol-kumpol sa mga presinto sa mahahabang pila, hindi natutuloy na pagboto at kaguluhan sa araw ng halalan.

Posibleng ayusin ang proseso gamit ang pagbabalik ng isang presinto kada isang barangay o paghahati-hati ng malalaking voting center. Magiging daan ito para mabawasan ang siksikan at masiguro na hindi hadlang ang kaligiran sa kakayahang bumoto. Mas madaling bantayan ang maliit at organisadong presinto nang mabawasan rin ang oportunidad para mandaya.

Konsultahin ang mga election service worker. Kailangan kausapin ng Comelec ang mga manggagawang sangkot sa halalan—mga guro at iba pang mga kawani na nakabantay sa teknikal na gawain. Nalalagay sila sa panganib dahil sa kakulangan ng hazard pay, kapos na seguridad at pananakot ng ilang operatibang politikal. Kapag pinakinggan ang mga hinaing nila, higit na marerespeto ang kanilang karapatan at mababawasan ang mga isyu na bunga ng labis na pasanin ng mga kawani.

Panagutin ang Comelec. Kailangan ng imbestigasyon sa mga naging desisyon ng komisyon, lalo na sa naging mga problema sa pag-ayos sa proseso ng halalan at sa mga pinasok nitong kasunduan tulad ng sa suplayer na Miru.

Mahalagang maging repleksiyon ang halalan ng kalooban ng sambayanan at hindi kagustuhan ng makapangyarihan. Para sa isang tunay na demokrasya. /Salin ni Andrea Jobelle Adan

*Salin ng isang bahagi ng ulat ng Kontra Daya