close

Comelec, inakusahang tumanggap ng suhol


Inaakusahan si Comelec Chairperson George Garcia na tumanggap ng suhol na halos P1 bilyon na galing umano sa South Korean firm na Miru Systems, ang kompanyang ginawaran ng kontrata ng Comelec.

Nanawagan ang Computer Professionals’ Union (CPU) ng imbestigasyon sa ‘di umano’y pagtanggap ng suhol ng isang opisyal ng Commission on Election (Comelec).

Inaakusahan si Comelec Chairperson George Garcia na tumanggap ng suhol na halos P1 bilyon na galing umano sa South Korean firm na Miru Systems. Sa nasabing kompanya iginawad ng Comelec ang kontrata para sa mga automated counting machine (ACM) na gagamitin sa mga darating na halalan sa 2025.

Ayon sa CPU, hindi garantisado ang transparency ng mga ACM. Panawagan nilang imbestigahan ang nasabing kontrata at ibalik sa manwal ang pagbibilang sa darating na eleksiyon.

Dagdag pa ng grupo, kahina-hinala ang datos ng Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTrAC) ng Comelec.

Nagkakahalaga ng P20 bilyon at P18 bilyon ang upa ng ACM, kung ihahambing sa mga biniling vote counting machine mula sa Smartmatic noong 2019 na nagkakahalaga ng P4.46 bilyon, halos triple ng presyo ang inilaki nito.