close
Scope Out

Kailan tatapusin?


Mahirap magpatakbo ng lingguhang pahayagan. Mahirap pagsabayin ang mga trabaho. Kulang ang isang araw para magawa ang mga gawaing nangangailangan ng agarang atensiyon.

Mas matagal na pala ako sa pag-aaral sa graduate school kaysa sa undergraduate. Mas matagal na pala akong nag-aaral sa Diliman kaysa sa Intramuros. 

Madalas na din akong natatanong kung kailan ko tatapusin ang pag-aaral sa masterado. Madalas, naiinis ako sa tanong. Pero kalaunan, napapaisip din.

Ayaw ko lang ng pakiramdam na parang minamadali. Hindi naman sila ang mahihirapan kundi ako. Alam ko rin naman ang kakayahan kong gawin ang mga bagay, ‘yon nga lang, ang hirap talaga kapag sabay-sabay.

Hindi lang ako ang “delayed” sa pag-aaral. ‘Yong kapatid ko sa Fine Arts, ‘di pa tapos ang thesis. Magmamartsa na sana s’ya nitong nakaraan pero hindi pinayagan ng kanyang thesis adviser dahil marami pang kailangang ayusin sa kanyang thesis. Sabi ko sa kanya ay ayos lang naman basta tapusin na n’ya.

Hindi naman ako nagmamadaling makapagtapos ng masterado, pero dahil nasa medyo dulo na, mainam nang tapusin. Ibang-iba noong nagmamadali akong makapagtapos sa Lyceum dahil gusto ko na agad maging full-time na aktibista. “I have never let my schooling interfere with my education,” ika nga ni Mark Twain.

‘Pag tinatanong ako kung bakit ‘di ko pa natatapos ang masterado ko, ang sagot ko, “Life happened.” May katotohanan din naman. Sa nagdaang limang taon, tumama ang pandemya, lumipat ng trabaho at nahirapang pagsabayin ang iba’t ibang bagay.

Mahirap magpatakbo ng lingguhang pahayagan. Mahirap pagsabayin ang mga trabaho. Kulang ang isang araw para magawa ang mga gawaing nangangailangan ng agarang atensiyon. Mahirap din lalo kung ang pananaw sa’yo ng mga tao’y kayang-kaya mong gawin lahat. Ang hirap palang maging masipag dahil nabibigyan ka ng mataas na responsibilidad.

Ang dekana ng aming kolehiyo ang huling nagtanong sa akin kung kailan ko tatapusin. Sabi n’ya, tapusin ko na para makapagturo na ‘ko. Gusto ko din naman talagang magturo, kaya gusto ko na ring matapos bago pa ako abutan ng maximum residency rule at patawan ng mga penalty course (dahil gagastos na naman sa matrikula nito liban pa sa oras na gugugulin).

Isang kurso na lang naman ang natitira sa coursework ko. Dalawang beses ko na ‘yong kinuha. Sa unang take, nag-lapse ang incomplete na marka kaya kailangang kunin ulit. Sa ikalawang take, incomplete na naman. Nagkataon din na parehong panahon ng eleksiyon sa una at ikalawang take ko kaya nahirapan akong pagsabayin. May isang semestre pa akong natitira para gawin ang mga kahingian ng huling kurso bago ako kumuha ng candidacy examination.

Akala ko hindi ako gaanong mahihirapan dahil alternatibong midya naman ang napili kong larangan ng pag-aaral, pero mas mahirap pala. Nakakampante kasi ako na laging abot-kamay ang mga kakailanganin sa pag-aaral. Pero kapag kailangan na, matatabunan na ng ibang gawain.

Masaya ako para sa mga kaibigan kong nakapagtapos na ng kanilang masterado ngayong taon. Inisip ko na lang na darating din ako doon. Sa ngayon, kailangan kong bigyan ng oras ang pagsusulat ng aking papel para tapusin ang coursework, habang pinagtuunan ng pansin ang iba ko pang ginagawa.

Sa tingin ko naman, nakapag-ayos na ako ng mga kailangang ayusin sa aking personal at propesyonal na buhay kaya mas mabibigyan ko na ng oras at pansin ang aking pag-aaral. Wala na kong maidadahilan pa para ipagpaliban ang aking pag-aaral.