Kano muna bago Pinoy
Sa gitna ng paghihirap ng mamamayan, inuuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paninikluhod sa United States. Amerikano muna ang paglilingkuran at imbis na ang sambayanang Pilipino na humaharap sa matinding krisis sa kabuhayan at pagbabago ng klima.
Matinding buhos ng ulan ang dinala ng hanging habagat na pinalakas ng tatlong magkakasunod na bagyo sa maraming bahagi ng Luzon sa nagdaang linggo. Umapaw at nagpakawala ng tubig ang La Mesa Dam sa Quezon City, Angat Dam at Ipo Dam sa Bulacan, at Ambuklao Dam at Ipo Dam sa Benguet. Dulot nito, binaha ang mga komunidad na dadaanan ng tubig palabas ng dagat.
Kahit anong paulit-ulit na babala at paalala sa mamamayan na maghanda at mag-ingat sa paghagupit ng bagyo at masamang panahon, wala pa ring sapat na paghahanda kung ikukumpara sa mahabang panahon ng kriminal na kapabayaan ng gobyerno sa mamamayan.
At sa gitna ng paghihirap ng mamamayan, inuuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paninikluhod sa United States (US) sa mga usaping kalakalan at militar. Amerikano muna ang paglilingkuran at imbis na ang sambayanang Pilipino na humaharap sa matinding krisis sa kabuhayan at pagbabago ng klima.
Ipinagmayabang ni Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon ang mahigit 5,000 flood-control project na natapos mula 2022 hanggang 2024.
Isang araw matapos niyang ipangalandakan ito sa kanyang talumpati, tumambad ang katotohanang inutol at puro yabang lang si Marcos Jr. nang magkaroon ng malawakang pagbaha sa Kamaynilaan at mga karatig lalawigan. Ilang araw bago ang ikaapat na SONA ni Marcos Jr., inilalantad muli ng kalikasan ang kapabayaan at kawalang aksiyon ng rehimen sa paghahanda sa kalamidad.
Sadyang walang pakialam ang pangulong ito. Kahit na alam niya na paparating na bagyo, lumipad siya patungong Washington kasama ng mga matataas na opisyal ng kanyang pamahalaan para makipagpulong kay Pangulong Donald Trump at iba pang opisyal ng US tulad nina Defense Secretary Pete Hegseth at State Secretary Marco Rubio.
Napasugod si Marcos Jr. sa Amerika dahil sa papatawan ng 20% na taripa ang mga kalakal ng Pilipinas na dinadala sa US. At para mapahinahon ang kanyang panginoon at sagutin ang kanyang panalangin, inialay muli ni Marcos Jr. ang ating bansa sa lalong panghihimasok ng mga sundalong Amerikano sa ating teritoryo na walang pakinabang sa mamamayan at lalong inilalagay ang bansa sa kapahamakan.
Dito sa Pilipinas, hindi alam ng mga magulang kung suspendido na ba ang mga klase dahil sa matinding ulan at baha sa mga daan. Hindi magkamayaw ang mga maralita paano isasalba ang kanilang mga kabuhayan at tahanan sa banta ng rumaragasang tubig. Hindi alam ng mga manggagawa kung paano sila makakakain sa mga susunod na araw dahil hindi makapaghanapbuhay.
Nagtuturuan ang mga naiwang opisyal ng pamahalaan sa pambansa at lokal na antas kung ano ang dapat gawin sa ganitong mga sitwasyon na para bagang bagong pangyayari ang lahat ng ito at kaya naman ng mamamayan na makaahon matapos ng unos dahil “resilient” naman ang mga Pilipino.
May ilang mga pamahalaang lokal ang handa sa mga ganitong pagkakataon, pero hindi rin sapat ang kanilang kakayahan para tugunan ang lahat ng apektado. Marami pa ring pamahalaang lokal sa bansa ang hindi handa at walang sapat na rekurso para sa oras ng sakuna at kagipitan.
Liban pa sa usapin ng kahandaan ng gobyerno at “resilience” ng mamamayan tuwing may kalamidad, kasuklam-suklam ang pagbubulag-bulagan ng mga nasa kapangyarihan sa mga usaping pangkalikasan at pangklima na matagal nang iginigiit ng mamamayan na tugunan at solusyonan.
Talamak pa rin ang quarrying at iba pang mapaminsalang proyekto sa mga kabundukan ng Sierra Madre at Cordillera, tuloy-tuloy ang pagtatambak ng lupa sa Manila Bay at iba pang baybayin sa bansa para pagtayuan ng malalaking negosyo at walang habas ang paglabag sa karapatan ng mamamayang nangangahas labanan ang mga mapanirang gawain sa kanilang inaalagaang kapaligiran na pinagmumulan ng kanilang ikabubuhay.
Habang nasa Amerika ang pangulo, sinasalanta ang mamamayan—hindi lang ng bagyo, ulan at baha—kundi pati ng kriminal na kapabayaan ng gobyerno na dapat sana’y naglilingkod at umaalalay sa mamamayan, hindi lang tuwing may sakuna’t kalamidad, kundi sa lahat ng aspekto ng kanilang pag-iral upang matiyak na natatamasa ang kanilang mga karapatan at napoprotektahan ang kanilang dignidad.
Dapat singilin ng taumbayan ang rehimen ni Marcos Jr. sa kapabayaan nito, sa pagpriyorisa sa interes ng dayuhan imbis ng sariling mamamayan, sa pagpapahintulot sa paninira at pandarambong sa ating kapaligiran at likas na yaman, sa kawalan ng makabuluhang tugon sa krisis sa kabuhayan, klima at karapatan ng mamamayan.
Sa darating na ikaapat na SONA ni Marcos Jr., aasahan ang baha ng mamamayan sa mga lansangan para maggiit ng pananagutan. Dadaluyong ang galit ng taumbayang hinahayaang malubog sa kumunoy ng kahirapan.