McCarthyism
Kinatangian ang panahon ng McCarthysim ng pagkriminalisa sa subersyon at komunismo. Karaka-raka at arbritaryong akusasyon sa mga kalaban sa politika at progresibong puwersa at mga walang pakundangan pag-target sa sibilyang populasyon

McCarthyism – Ang ikalawang anti-Komunismong patakaran ng United States (US) noong huling bahagi ng 1940s hanggang 1960s. Ipinangalan ito kay US Sen. Joseph MaCarthy, isa sa mga pinakamabagsik mukha ng kampanyang paninira sa Komunismo at iba pang anyo ng paglaban ng mamamayan sa panahong iyon.
Kinatangian ang panahon ng McCarthysim ng pagkriminalisa sa subersiyon at komunismo. Karaka-raka at arbritaryong akusasyon sa mga kalaban sa politika at progresibong puwersa at mga walang pakundangan pag-target sa sibilyang populasyon. Ito ang simula ng pinaigting na paggamit ng salitang “terorismo” upang tukuyin ang mga pampolitikang paglaban ng mamamayan.
Ang McCarthyism ay malapit na nauugnay sa mas malawak na “Red Scare” sa US, isang panahon ng matinding takot sa komunismo.
Sa Pilipinas, ginagamit din ang terminong “red-tagging” o “red-baiting” na maihahambing sa “Red Scare” o McCarthyism sa US noong 1940s. Ang red-tagging ay isang mapaminsalang gawain kung saan ang mga aktibista ay pinaghihinalaang komunista o rebelde na naglalagay sa kanila sa panganib. Nagpatuloy ito sa kasalukuyan at nagdulot ng mga extrajudicial killing at panggigipit sa malayang pamamahayag at pagpapahayag.
Ang pagsasagawa ng red-tagging—paglalagay ng label sa mga indibidwal o organisasyon bilang mga sympathizer ng mga komunista na walang matibay na ebidensiya—ay may mahaba at nakakabagabag na banta sa mamamayan.
Ang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas, elemento ng militar at mga ahensiyang nagpapatupad ng batas ay nagsasagawa ng red-tagging sa pamamagitan ng sadyang pagbabansag sa mga taong simbahan, abogado, mga progresibong organisasyon, manggagawa, magsasaka, kabataan, akademiko,tanggol-kalikasan, mamamahayag at aktibista bilang “komunista”.
Ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), na itinatag sa ilalim ni Rodrigo Duterte, ay patuloy na kumikilos at nanatili pa sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr.
Ang kasalukuyang pamahalaan ni Marcos Jr., sa kabila ng mga paunang pag-asa para sa pagbabago, ay hindi nabawasan ang gawaing ito o napabuti ang pangkalahatang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa.
Sa ilalim ni Marcos Jr., patuloy na pinupuntirya ang mga magsasaka. Mula Hulyo 2022 hanggang Disyembre 2024, naitala ng Karapatan ang 86 na kaso ng extrajudicial killing sa sektor. Karamihan sa mga pinaslang ay mga sibilyang pinagbintangang kasapi ng New People’s Army (NPA) o mga hors de combat o mga walang kakayahang lumaban.
Nagpatuloy si Marcos Jr., at sa ilang pagkakataon, pinatindi ang “digmaan laban sa droga.” Kung ikukumpara sa unang tatlong taon sa panunungkulan ni Duterte, mula 2022 hanggang 2025, ang administrasyong Marcos ay nagsagawa ng 122 porsiyentong pagtaas ng pagsalakay sa karamihan sa mahihirap na komunidad sa mga lungsod at kanayunan at inaresto ang 114 porsiyentong higit na umano’y gumagamit ng droga.
Ang grupo ng Karapatan ay nag-ulat na 14 katao ang sapilitang nawala sa ilalim ni Pangulong Marcos, na may apat na bagong kaso noong 2024. Ang pinakahuling biktima ay si James Jazmines, kapatid ng isang lider ng kilusang komunista, at ang kanyang kaibigang si Felix Salaveria Jr., na iniulat na dinukot sa magkahiwalay na insidente sa Tabaco City, Albay noong Agosto 2024. Ang mga biktima ng sapilitang pagkawala ay kadalasang mga aktibista.
Noong Hulyo 4, 2023, ang Korte Suprema ng Pilipinas ay nagbigay ng isang mahalagang desisyon sa kaso ni Siegfred D. Deduro v. Major General Eric C. Vinoya na nagdeklara ng red-tagging bilang banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga tao.
Ang desisyong ito’y malawak na tinatanggap ng mga organisasyon ng karapatang pantao bilang isang makabuluhang hakbang patungo sa pagkilala sa red-tagging isang mapanganib na anyo ng panliligalig na lumalabag sa mga karapatan ng mga indibidwal.
Sa ulat ng mga organisasyon marami na ang biktima ng red-tagging sa Pilipinas kabilang ang mga extrajudicial killing at sapilitang pagkawala, gaya ng dokumento ng mga organisasyon ng karapatang pantao tulad ng Karapatan, Amnesty International at Human Rights Watch.
Ang pag-target sa mga aktibista at mamamayan at pagbabansag na “komunista” sa pamamagitan ng red-tagging ay labag hindi lang sa mga garantiya ng Konstitusyon kundi pati na rin sa mga internasyonal na proteksiyon.