close
Editoryal

Taya sa huwad na pag-asa


Hangga’t mababa ang sahod, mahal ang gastusin, nasa iilan ang lupain at pribilehiyo pa rin ituring ang mga karapatan tulad sa kalidad na edukasyon at sariling pagpapasya, hahanap at hahanap ang mga tao ng mapagkukunan ng katiting na pag-asa.

Laman ito ng mga billboard, online ad at spam message. Walang pagdilat at pagpikit ang hindi binabati ng online gambling.

Nasa kultura na raw kasi ng mga Pinoy ang sugal. Siglo na ang itinagal ng sabong at malaking tulong sa mga namatayan ang nakukuhang tong sa sakla. Kaya madaling sabihing killjoy at hindi malay sa kasaysayan ang mga tumututol, nagagalit at nagdududa sa online gambling.

Pero kailangan kilalanin na namumukod-tangi ang lalim at lawak ng naaabot ng online gambling. Puna nga ni Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David, hindi na kailangan pumuslit ng mga tao sa casino. Madali na itaya ang daan-daan at libo-libong piso mula sa bahay, opisina at paaralan, nagliliwanag sa mga ‘di mabitawang mga selpon.

Ayon kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chair Alejandro Tengco, may higit P100 bilyon ang kinikita ng gobyerno mula sa online gambling. At kapag tuluyang itong ipatigil, may higit 30,000 manggagawa raw ang mawawalan ng trabaho.

Pero ang kritisismo sa online gambling ay hindi atake sa mga manggagawang bahagi ng industriya. Kapansin-pansin na ang daling gamiting panangga ng gobyerno ang mga obrero kapag ganito ang usapan.

Paniguradong may mas malalim na mga pag-aaral ang mabubuo tungkol sa online gambling, mga polisiya ng bansa at kulturang Pilipino. Sa ngayon, ang may kumpiyansa pa rin nating masasabi: Ang mala-virus na popularidad at pagkasilaw sa online gambling ay patunay na binigo ang mga Pilipino ng mga institusyon na dapat nangangalaga sa pag-asa.

Hindi gobyerno ang may hawak ng selpon ng mga Pilipino. Totoo ito. At totoo rin na masyadong makitid na pagtingin—palusot pa nga, kung galing sa opisyal ng gobyerno—ang paninisi sa karaniwang Pinoy.

Paano hindi matutukso sa online gambling kung hindi nagbubunga ang sipag at tiyaga; kung ang kayamanan na nililikha ng milyong mga kamay, naiipon lang sa bulsa ng iilan.

Ayon sa isang sarbey ng Capstone-Intel noong 2023, higit 60% ng Pilipinong edad 18 hanggang 40, tumataya sa online gambling. Ang kabataan, itinataya ang baon o minsan pa pati tuition. Dahil lang suwail sila at hindi mapanuri? Sila ang araw-araw nakakita sa mga magulang na pagod sa trabaho at nangungulubot ang noo para pagkasyahin sa pagkain, tubig, kuryente at tuition ang sahod. 

Naduduling na sa isa, dalawa o tatlong magkakaibang trabaho ang mga obrero para sa sahod na kapos. Ang mga tsuper, ilang dosenang oras sa kalsada para may pangkain. Kahit ang mga empleyado sa mga de-air con na opisina, baka may raket pang aayusin pag-uwi.

At sa minsang pagpapaospital, posibleng malimas ang dekadang pinag-ipunan. Ang kailangan utangin, naipapasa pa sa sunod na henerasyon. Kaya ginagawang bahagi ng diskarte ang pagtaya sa online na sugal. Walang sigurado sa sugal? Tama. Sa lagay naman ngayon, kahit ang pagkayod sa araw-araw, walang kasiguruhan sa ginhawa.

Hindi ito palusot para sa mga tumataya at hindi sila ipinipinta bilang mga santo. Ang kailangan, kilalanin ang kalupitan ng sistema na pinagkakakitaan ang pag-asa ng mga Pilipinong dekada nang binibigo—ng mga kompanya na tinitipid ang tao para magkamal ng kita at ng gobyerno na hinahayaan o inuudyukan pa ito. 

Higit na bulnerable ang mga naghihirap na sektor dahil sila ang batbat ng mga problema sa seguridad sa trabaho, sapat na sahod, at kawalan ng sariling lupa at tirahan. Kahit pa kakarampot ang pera, kung may saglit na pangako ng jackpot, tataya at lalong mababaon sa utang. Pinagkakakitaan, kahit ng gobyerno, ang hirap ng buhay nila.

Kaya ganoon na lang kahalaga na sabay sana ng mga panukala sa pagsisiyasat, mahigpit pagbabantay o pagpapatigil ng online gambling, matugunan rin ang mga problemang inuugatan ng kahirapan.

Hangga’t mababa ang sahod, mahal ang gastusin, nasa iilan ang lupain at pribilehiyo pa rin ituring ang mga karapatan tulad sa kalidad na edukasyon at sariling pagpapasya, hahanap at hahanap ang mga tao ng mapagkukunan ng katiting na pag-asa.

Ganoon na lang rin kahalaga ang mga komunidad na masasandalan at makakasama sa laban para depensahan ang kinabukasan ng bawat Pilipino.