Agree sa AgriConnect PH
Layunin ng proyektong AgriConnect PH ng estudyanteng si Soj Gamayon ang matulungan ang mga magsasaka sa pagmo-monitor sa kalagayan ng kanilang mga pananim at magrekomenda ng mga dapat tandaan at maaaring gawin sa susunod na anihan.

Simula pa noong elementarya, likas nang binubuksan ang isip ng bawat Pilipino na ang bansa ay hitik sa mga yamang lupa at tubig. Sariwa pa ang mga kapatagang nakaukit sa mga libro kasama na ang mga magsasakang nagtatanim ng palay at mais.
Ngunit para sa mga lumaki sa kanayunan, ang mga lupaing ito ang paligid na bungad sa paggising, binubungkal habang tirik ang araw hanggang sa dumapo ang lamig ng hangin tuwing gabi.
Sa datos ng National Integrated Climate Change Database And Information Exchange System (Niccdies), mahigit 47% ang sakop ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Katumbas ito ng 9.7 milyong ektarya sa kabuuang 30 milyong ektaryang lupain ng bansa.
Malaking bahagi nito ay matatagpuan sa mga probinsya. Hindi mapagkakailang sa laki ng saklaw ng sektor na ito, marami ang nakikinabang, nagkaroon ng pamumuhay at nakahanap ng plataporma para sa kanilang adbokasiya dahil sa mga lupang ito.
Isa na dito si Aldrin Sojourner “Soj” Gamayon, isang 21 taong gulang na estudyante na lumikha ng platapormang ginamitan ng “advanced artificial intelligence tools” (AI)—ang AgriConnect PH.
Layon nitong tumulong sa pagmo-monitor ng estado ng mga pananim, kasama na ang pagbibigay rekomendasyon sa mga manggagawang bukid tungkol sa mga dapat tandaan para sa susunod na anihan.

Lumaki si Soj sa isang middle class na pamilya sa Ilocos Norte na kung saan maraming palayan at gulayan. Sa murang edad, naging malapit siya sa kanyang tiyuhin na isang magsasaka, ngunit hindi ito naging daan sa kaniyang interes sa agrikultura.
Tulad ng karamihan, mataas ang pangarap niya na magkapagtapos, magkahanap ng trabahong mataas ang kita at magkaroon ng maginhawang buhay sa mga susunod na taon. Gayunpaman, maraming nakapagsabi sa kaniya na hindi niya ito matatamo sa pagsasaka nang ganoong kadali.
Ngunit hindi ito naging pagtatapos, kundi simula ng kanyang pagtuklas ng puso para sa agrikultura. Nagkaroon si Soj ng pagkakataong maging full scholar sa kursong Communications Technology Management sa Ateneo de Manila University (ADMU) na kung saan nabigyan siya ng oportunidad na makapag-aral sa maigsing “summer program” ng National University of Singapore.
Nalaman ni Soj ang konsepto ng “startup” noong siya’y naging parte ng proyekto na tinitingnan ang mga problema ng mga mangingisda ng hipon sa Vietnam.
Doon, nabuo sa kanyang isip ang layong makagawa ng mga makabagong konsepto sa iba’t ibang uri ng negosyo at pinagkakakitaan ng mga mamamayan. Pero sa susunod na pagkakataon, inisip niya kung paano ito madadala sa kanyang sariling bayan.
Platapormang para sa lahat
Noong matapos ang kanyang pag-aaral sa Singapore, bumalik si Soj sa Ilocos. Habang tinatanaw ang mga palayang na hindi nakita ng ilang buwan, napagtanto niya na maaaring gawan ng isang “startup” ang mga magsasaka.
Matapos ang pananaliksik sa mga problemang kinahaharap ng mga magsasaka sa bansa, naging buhay ang kanyang pagnanais na gawan ito ng teknolohiyang makatutulong sa kanilang hanapbuhay.
“Naalala ko ulit ‘yong tiyuhin ko na magsasaka. Tinawagan ko, kinausap ko at na-discover namin ‘yong malaking problema doon na sobrang sugal talaga ang pagsasaka na kung hindi nila maipapabalik ‘yong pera, gano’n talaga,” aniya.
“Hindi naaayon sa akin na ang daming oras at panahon ‘yong ginugugol nila para lang makapagsaka,” dagdag pa niya.
Matapos ang ilang buwang pagsasaliksik sa mga isyu ng agrikultura sa bansa at pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka, nabuo ni Soj ang proyektong AgriConnect PH.

Gagamitin ng plataporma ang simpleng “traffic light” na sistema. Pula ay para sa pinakamalalang problema na kailangang lutasin sa lalong madaling panahon, dilaw na para sa tuluyang pagiging alerto sa posibleng paglala ng sitwasyon, at luntian para sa maayos na kalagayan at walang problema.
Tutukuyin ng AgriConnect PH ang ilang pinakaimportanteng aspekto na tumutulong sa mga magsasaka na matantiya ang lagay ng lagay ng tubig, lupa at temperatura sa kanilang mga sakahan.
Para kay Soj, ang simpleng pamamaraan ng pagpresenta gamit ang mga kulay sa “traffic light” ay nakapagpapadali ng pag-intindi sa mga nakasaad sa plataporma. Nauunawaan niya na maraming mga manggagawa sa Pilipinas na hindi nakapagtapos ng pag-aaral, ngunit hindi sila bago sa pagkapa ng mga simbolong madalas makita sa araw-araw.
“May mga ibang manggagawa tayo na hindi kaya makapagbasa ng mga sobrang komplikadong teksto. Pero kung gagamit ka ng mga symbols na red, yellow, green, alam nila yung gagawin nila,” aniya.
Nanalo ang AgriConnect PH sa nakaraang 2024 Red Bull Basement competition na isang programa upang ilunsad ng mga kabataang “innovator” ang kanilang mga proyekto na layuning makagawa ng positibong pagbabago sa iba’t ibang aspekto ng pamumuhay.

Protesta para sa agrikultura
Pagkain ang pangunahing pangangailangan sa araw-araw ng bawat tao. Ito rin ang isa sa pinakaimportanteng papel ng agrikultura. Ika nga, walang Pilipino ang dapat nagugutom lalo na kung ang bayan ay sagana sa mga pananim.
Isa ito sa mga napagtanto ni Soj noong pumunta siya sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas upang kumuha ng panayam at ipakilala ang plataporma sa mga magsasaka.
Aniya, naging maganda ang komento nila sa unang paglabas ng mga plano. Marami sa kanila ang nagpahayag na sana maging susi ang proyekto sa pagkalampag sa gobyerno na bigyang-pansin ang sektor ng agrikultura.
Sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., samu’t saring suliranin ang tumambad sa sektor ng agrikultura kabilang ang kawalan ng lupa, kakulangan sa suporta sa pagsasaka, barat na presyuhan sa ani at iba pa.
Para kay Soj, ang kanyang sinimulang proyekto ay nagsisilbing personal na pagtugon at pag-udyok sa gobyerno at bawat Pilipino na makita ang mga kinakaharap ng sektor ng agrikultura ng bansa.
“Kung wala na [ang mga magsasaka] at ang mga kabataang tulad ko, hindi na binibigyan ng pagkakataon ang agrikultura, saan pa tayo kukuha ng pagkain natin?” pahayag niya.
Ikinararangal ni Soj ang kanyang unang proyekto na nais niyang maipamahagi sa mga magsasaka at manggagawa sa sektor ng agrikultura. Malaki man ang sugal, naniniwala si Soj na walang talo ang paglunsad ng AgriConnect PH.
Para ito sa mga Pilipinong kumakayod upang magbigay ng sapat na pangangailangan ng lahat lalo na sa pagkain, trabaho at tulad ng laban ng karamihan—tunay na repormang agraryo.