Bayaran?
Sa paghuhubog ng opinyong pampubliko, lahat ng porma ng peryodismo ay may kaakibat na pagsusuri’t imbestigasyon.

Suwelduhan pero hindi bayaran. Ganyan po dapat ang mga peryodistang nagtatrabaho sa dominanteng midya. Tuwing kinsenas at katapusan, may suweldo silang nakukuha mula sa organisasyong pangmidyang pinagtatrabahuan nila. Maliit man o malaki, taas-noo nilang ibinibigay sa mga mahal sa buhay ang perang pinaghirapan.
Bayaran. Bilang pangngalan o pandiwa, nangangahulugan ito ng aktong pagbibigay ng pera kapalit ng binibiling produkto o serbisyo (e.g., bayaran na natin itong mga pinamili para makauwi na). Bilang pang-uri, minsa’y may negatibong kahulugan ito dahil may anggulong korupsiyon (e.g., bayarang peryodista iyan kaya napakalaki ng bahay!).
Maraming halimbawa ng korupsiyon sa midya. Ang medyo “trending” sa ngayon ay ang dalawang viral na interbyu sa mag-asawang kontratistang may interes sa politika. Ilang buwan na ang nakalipas mula nang umere ang mga ito pero naungkat muli dahil sa kontrobersiyang kinakaharap nila sa kasalukuyan. Palibhasa, kontratista din pala sila ng malalaking flood control project sa ilang lugar na binaha kamakailan.
At nang pinuna ng katunggali sa politika (na kasalukuyang alkalde) kung bakit at paano nagkaroon ang mag-asawang kontratista ng positibong interbyu mula sa dalawang beteranong peryodista, napunta ang isyu sa klase ng peryodismong itinataguyod ng huli.
Mali ba ang ginawa ng dalawang beteranong peryodista? Totoo bang may perang ibinayad kahit sa isa sa kanila? Ang mabilis na sagot sa una’t ikalawang tanong: Oo!
Ano ang mali? Tungkulin ng peryodistang iwasan ang kababawan sa pag-uulat. Nagmukha kasing “Lifestyles of the Rich and Famous” ang atake sa istorya. Nang sinabi ng mag-asawang kontratistang yumaman sila mula nang mangontrata ng proyekto mula sa gobyerno, kailangang sundan ito ng marami pang tanong kung bakit at ilang milyon o bilyon ba ang nakuha nila mula sa kaban ng bayan.
Walang mababaw sa peryodismo dahil tungkulin ng peryodistang busisiin ang isyung inuulat. Malaking insulto sa publiko kung sasabihing may peryodismong mababaw. Para na ring sinabing ang malalim na peryodismo ay para lang sa iilan!
Ano ang ebidensiyang may perang ibinayad sa isa sa kanila kapalit ng interbyu? Sa unang pahayag ng kampo ng isang peryodista, ito ang nakasulat sa wikang Ingles, “’[T]here are payments for certain businesses[,] products, personalities, companies or politicians much like payments made for advertisements—and these go to the network with an official receipt issued to the client.”
Kinukumpirma ng pahayag na ito na posibleng bayaran ang isang segment para makapag-promote ng anumang tao, kompanya, produkto o serbisyo. Sa madaling salita, posibleng piliin ang iinterbyuhin hindi batay sa awtoridad o kredibilidad kundi batay sa perang handa niyang ibigay!
Nakapagtataka lang na binura ang unang pahayag at pinalitan ng isa pang pahayag na wala na ang ganitong pag-amin hinggil sa bayad. Ang tanging nakasulat na lang ay ang ‘di umanong pagkakaroon ng mataas na pamantayan sa lahat ng mga ineere ng programa.
Para sa hindi masyadong pamilyar sa peryodismo, madaling makumbinsi sa argumentong “lifestyle” o “entertainment” lang naman ang mga interbyung ginawa sa mag-asawang kontratista kaya hindi kailangang palalimin ang pagsusuri. Sa madaling salita, okay lang daw na mababaw dahil hindi naman “investigative report” ang mga ito.
Mali ang ganitong pananaw. Kinakailangan hindi lang ang pagsasakonteksto sa lahat ng isyu kundi ang pagninilay-nilay sa lahat ng bagay. Kung may isang puntong nabanggit ang iniinterbyu na kailangan ng paglilinaw, tungkulin ng peryodistang ungkatin ito. Kung nangangahulugan ito ng pagbabago ng pokus sa gagawing istorya, ito ang dapat na gawin ng peryodista.
Walang mababaw sa peryodismo dahil tungkulin ng peryodistang busisiin ang isyung inuulat. Sa paghuhubog ng opinyong pampubliko, lahat ng porma ng peryodismo (e.g., politika, palakasan, lifestyle, entertainment) ay may kaakibat na pagsusuri’t imbestigasyon. Malaking insulto sa publiko kung sasabihing may peryodismong mababaw. Para na ring sinabing ang malalim na peryodismo ay para lang sa iilan!
Mainam na napag-uusapan sa ngayon ang responsible’t iresponsableng peryodismo, pati na ang sistemang umiiral na nagtutulak para baguhin ang interpretasyon sa mataas na pamantayan. Dapat lang na maging kritikal ang publiko at singilin ang mga peryodista’t organisasyong pangmidya sa anumang pagkukulang nila.
Tulad ng pagnanais para sa mabuting pamamahala, dapat lang na maningil at isulong ang matinong pamamahayag. Responsableng peryodismo ang susi sa isang midyang malaya’t mapagpalaya.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com