Karagatan ng panganib
Matingkad ang layunin ng dokumentaryo na ilantad ang karanasan at ng iba’t ibang panlipunang aktor sa gitna ng pangangamkam.

Nakatuon ang dokumentaryong “Food Delivery” ni Baby Ruth Villarama sa karanasan ng mga mangingisda at kanilang mga pamilya at mga kasapi ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy sa harap ng lumalalang agresyon ng Tsina sa West Philippine Sea.
Nakatakdang maipalabas ang dokumentaryo bilang bahagi ng Puregold CinePanalo noong Marso ngunit dahil sa ilang “panlabas na salik,” tinanggal ito sa naturang festival. Ang pagpu-pull out sa mga festival ay isa sa mga pamilyar na mekanismo ng ‘di tuwirang sensura na humahadlang sa malaong sirkulasyon ng mga pelikula sa pampublikong espera.
Tumutukoy ang pamagat ng dokumentaryo sa food delivery bilang akto ng paghahatid ng pagkain sa mga nakaistasyong sundalo sa outpust sa West Philippine Sea. Dito kapansin-pansin ang limitasyon ng produksiyon na makapagbabad sa pinagtatalunang katubigan, isang kalagayang nabanggit na rin ni Villarama sa naunang panayam.
Kauna-unawa ito dahil na rin sa mga isyung panseguridad. Paulit-ulit ang paglulunoy ng mga bangkang pandigma ng Tsina na naghahapag ng panganib sa mga lokal na namamalakaya.
Sa kabila nito, nariyan ang pagtatangka ng dokumentaryo na masilip ang ilan sa mga pribadong pakiramdam na hinaharap ng mga kasapi ng puwersang pangkaragatan. Sa mga panayam sa kanila, inilantad ang takot, pangamba at maging pangungulila nila sa kanilang mga tahanan habang hinaharap ang banta ng dambuhalang puwersang kumakamkam sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Lampas sa mga ibinabalitang tagpo ng agresyon na madalas nating mapanood, nariyan ang pagtatala ng ‘Food Delivery’ ng kuwento ng mga ordinaryong mamamayan na nauunawaan ang agresyong heopolitikal sa kongkretong antas ng kanilang araw-araw na pakiramdam at pakikibaka.
Malinaw na tumutukoy din ang pamagat sa pagsusumikap ng mga namamalakayang nakatira sa mga pamayanan sa dalampasigan. Ang pinagtatalunang karagatan ay bahagi ng kanilang ikinabubuhay, at ang bawat paglulunoy sa dagat, sampu ng mga panganib na kaharap nito, ay isang akto ng paghahatid ng pagkain sa kanilang mga minamahal.
Mababakas ang etnograpikong lapit sa ilang tagpo sa dokumentaryo upang masapol ang aspektong ito ng buhay sa karagatan. Nariyan halimbawa ang proseso ng panglalambat ng mga isda at maging pagdadala sa palengke na masinsing sinubaybayan upang ibigkis ang kolektibong praktika ng paghahanapbuhay ng pamayanan sa pinagtatalunang karagatan.
Matingkad ang layunin ng dokumentaryo na ilantad ang karanasan at ng iba’t ibang panlipunang aktor sa gitna ng pangangamkam. Kapansin-pansin sa gayon ang pangangailangang masinsing habiin ang iba’t ibang kuwentong ito, lalo pa’t may pakiramdam na tila tentatibo ang pagbabad ng dokumentaryo sa ilang personal na naratibo ng mga kinapanayam dito.
Sa kabila nito, may potensiyal ng dokumentaryo na makapagpakilala sa publiko sa kaseryosohan at bigat ng kasalukuyang usapin sa West Philippine Sea. Lampas sa mga ibinabalitang tagpo ng agresyon na madalas nating mapanood, nariyan ang pagtatala ng “Food Delivery” ng kuwento ng mga ordinaryong mamamayan na nauunawaan ang agresyong heopolitikal sa kongkretong antas ng kanilang araw-araw na pakiramdam at pakikibaka.
Mula sa aerial shots ng karagatan, nariyan ang pagsusumikap na ibaba tayo sa espera ng mga araw-araw na karanasan kung saan nakalakip sa usapin ng buhay at kamatayan ang paglalagay ng pambansang watawat sa karagatan.