Lutong bahay sa gitna ng bagyo
Mga rescue recipe gamit ang mga natitirang pagkain sa ref bago pa mawalan ng kuryente at masira o masayang ang mga ito.

Kapag may bagyo, hindi lang ma-stranded at baha ang naranasan natin. Kasama rin diyan ang kawalan ng kuryente, hirap sa pamamalengke, matagalang pag-aantay sa relief na ipinamahagi ng mga barangay at limitadong suplay ng pagkain.
Kaya sa ganitong panahon, ano ba ang puwedeng maging diskarte? Paano kung katulad ng mga nakaraan na sunod-sunod ang bagyo at naging limitado ang nakaimbak na pagkain?
Unahin munang i-check kung ano ang nasa refrigerator na hindi kailangan mag-panic buying. Dahil minsan, nasa loob na ng refrigerator o kusina ang mga sagot.
Narito ang ilang mga rescue recipe na madaling gawin gamit ang mga natitirang pagkain sa ref bago pa mawalan ng kuryente at masira o masayang ang mga ito.
Fried rice: Kaning lamig, buhay na uli
Nakasanayan na natin na ‘pag may kaning lamig ay ginagawa na sinangag. Maari din haluan ng iba’t ibang gulay o karne ang kanin upang mas lalo itong sumarap at sumustansiya.
Mga sangkap:
- Tirang kanin
- 6 na piraso na bawang, tinadtad
- 1 buong sibuyas, tinadtad
- Frozen food (hotdog o ham), hiniwa nang maliit
- Asin at paminta
Paraan ng pagluluto:
- Sa hiwalay na lagayan, simulan na durugin ang kaning lamig. Lagyan ng kaunting tubig para mas madali ito magbuhaghag.
- Magpainit ng kawali. Kapag mainit na ito, lagyan ng mantika. Unahing ilagay ang sibuyas. ‘Pag luto na ang sibuyas, isunod na igisa ang bawang.
- Sunod na ilagay ang frozen food, maaaring hotdog, ham o kung anumang nasa freezer. Isama sa paggisa at haluing maigi hanggang maluto.
- Isunod na ang kanin, haluing maigi hanggang mahalo ang kanin at frozen food.
- ‘Pag nahalo na ang lahat ng sangkap, lagyan na ito ng asin at paminta hanggang makuha ang gustong lasa.
- Kapag nakuha na ang gustong lasa, hanguin na ito at pagsaluhan na ng pamilya.
Instant pancit canton with gulay
Instant pancit canton ang karaniwan na mayroon sa kusina. Sa recipe na ito, puwedeng haluan ng gulay katulad ng repolyo at carrots. Maaari din lagyan ng pechay baguio o kung anumang gulay na mayroon.
Mga sangkap:
- 2-3 balot ng instant pancit canton, kahit anong flavor
- 1 katamtamang laki ng sibuyas, hiniwa na parisukat
- 3 pirasong bawang, tinadtad
- Repolyo o pechay baguio, hiniwa na panggisa
- Carrots, hiniwa na pahilis o julienne
Paraan ng pagluluto:
- Buksan ang pack ng pancit canton, ihiwalay ang noodles, sachet ng sauce (seasoning powder, toyo at mantika) nito. Sa isang mangkok, pagsamahin ang mga sauce. Haluin at itabi.
- Sa isang kaserola, magpakulo ng tubig. Kapag kumulo na ang tubig, ilagay ang noodles. Hayaang maluto ng mga 2 hanggang 3 minuto o hanggang sa lumabot at maghiwa-hiwalay.
- Gamit ang salaan o strainer, alisin ang tubig at itabi ang noodles.
- Maghanda ng kawali at painitin. Lagyan ng mantika ang kawali.
- Igisa ang sibuyas at bawang. Ilagay ang carrots, sunod na ang noodles at repolyo.
- Kapag nahalo na, ilagay na ang sauce nito. Haluing maigi hanggang magpantay ang lasa.
- Ihain na sa plato. Maaari ring lagyan sa ibabaw ng pritong itlog.
Madalas naman na ang mga sangkap ay makikita lang sa ating kusina. Maging malawak ang isip kung paano ito pagsasamahin upang masarap ang ihahaing pagkain sa ating pamilya.
Kung inaasahan na may mga paparating pa na sama ng panahon sa mga susunod na araw, dapat tayong maging handa. Hindi lang dapat mamamayan ang sumusuong sa delubyo tuwing may paparating na malalakas na bagyo. Hindi ito ang “new normal.”
Marapat na singilin ang tamang pagresponde sa mga kalamidad at ugatin ang mga sanhi kung bakit palala nang palala ang nararanasan natin tuwing sasapit ang tag-ulan.