Marcos Jr., ‘numero unong lumalabag’ sa makataong batas
Kabilang sa mga naitalang paglabag sa karapatang pantao ang aerial bombardment, walang habas na pamamaril, sapilitang pagpapasuko at paggamit sa mga komunidad bilang kampo ng militar.

Tinawag ng mga bantay-karapatang pantao na “ipokrito” at “pakatang-tao” ang administrasyong Marcos Jr. matapos nitong mag-host ng international humanitarian law (IHL) conference ngayong Agosto.
Ayon kay Cristina Palabay ng Karapatan, layunin ng IHL na protektahan ang mga sibilyan sa gitna ng digmaan at kilalanin ang karapatan ng mga combatant, lalo na yaong wala nang kakayahang lumaban.
Subalit, giit niya, mismong estado ang nangungunang lumalabag sa IHL, Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law at Geneva Conventions.
“Binobola lang tayo ni Marcos [Jr.]. Gusto niyang linisin yung pangalang Marcos kasi sa international community, ang baho-baho ng pangalang Marcos dahil sa kadusta-dustang rekord ng kanyang pamilya sa karapatang pantao noong [diktadura],” ani Palabay.
Kabilang sa mga naitalang paglabag ang aerial bombardment, walang habas na pamamaril, sapilitang pagpapasuko at paggamit sa mga komunidad bilang kampo ng militar.
Isa sa mga kaso ang pagpatay kay Juan Sumilhig, isang magsasakang sibilyan sa San Jose, Occidental Mindoro na pinaratangang kasapi ng New People’s Army noong Ago 1.
Binigyang-diin ni Palabay na umiiral ang “primacy ng militaristang solusyon” sa halip na tugunan ang ugat ng armadong tunggalian.
Hinimok ni Palabay ang gobyerno na panagutin ang mga lumalabag, itigil ang mga operasyon militar laban sa mga sibilyan at ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan upang resolbahin ang mga isyung panlipunan gaya ng repormang agraryo, serbisyong panlipunan at proteksiyon sa kalikasan.