Hindi napipiit ang pakikibaka
Kriminal ang tingin ng estado sa mga katulad nilang may puso’t malasakit sa mahihirap; terorista ang turing sa kanilang nagtataguyod ng isang lipunang malaya’t makatarungan.

Sa huling tala ng bantay-karapatang pantao na Karapatan nitong Hunyo, mayroong 737 na bilanggong politikal sa bansa, 164 dito ang inaresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bagaman may ilang lumaya na kamakailan, nadadagdagan pa rin ang bilang nila dahil sa patuloy na pag-aresto at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga aktibista at ordinaryong mamamayan.
Kadalasang ikinakaso sa mga bilanggong politikal ang illegal possession of firearms and explosives at murder gamit ang mga pekeng testimonya ng mga umano’y dating rebelde o sumukong rebelde na mga tukoy na asset ng militar at nakikinabang sa pabuyang salapi sa bawat aktibistang napapakulong nila.
Dagdag pa dito ang bagsik ng magkakambal na batas na Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act na gamit na gamit ng estado laban sa mga manggagawang pangkaunlaran, taong simbahan, tanggol-karapatan at iba pang naghahangad ng katarungang panlipunan.
Maliban sa pagkakait ng kalayaan sa mga bilanggong politikal dahil sa mga maling paratang sa kanila, pinagkakaitan din sila ng kanilang karapatan maging sa loob ng piitan, tulad ng maayos na pagkain, malinis na tubig at serbisyong medikal.
Pinuna kamakailan ng Kapatid, grupong umaalalay sa mga bilanggong politikal, ang mga pagkukulang at pang-aabuso sa mga pasilidad ng Bureau of Corrections (BuCor) ng Department of Justice, at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Department of the Interior and Local Government.
Ilang beses nang inipit o hindi pinahintulutan ng mga bantay na maipasok ng Kapatid ang mga dala nilang pagkain at gamit na hiniling ng mga bilanggong politikal, lalo na ang mga may sakit at nakatatanda. Kasama dito ang nga simpleng hiling tulad ng bigas, electric fan, rice cooker at water dispenser. Kamakailan din, pinatawan ng “permanent ban” ng BuCor si Fides Lim ng Kapatid na madalas dumalaw sa mga kulungan para mag-abot ng tulong.
Ayon sa mga tanggol-karapatan, aminado ang mga pamunuan ng BuCor at BJMP na wala silang sapat na pondo’t rekurso para punan ang mga batayang pangangailangan ng bawat bilanggo. Pero ginigipit at dinadahas pa nila ng mga indibidwal at grupong nais magbigay ng kaunting tulong at kalinga para guminhawa nang kaunti ang buhay sa loob.
Sa patuloy na pagkakapiit ng mga bilanggong politikal, wala ring humpay ang dahas at krimen ng estado sa mga inosenteng ikinulong at sa mamamayang kanilang pinaglingkuran sa labas. Kriminal ang tingin ng estado sa mga katulad nilang may puso’t malasakit sa mahihirap; terorista ang turing sa kanilang nagtataguyod ng isang lipunang malaya’t makatarungan.
Ginagamit ng estado ang lahat ng paraan para magtagal sila sa loob ng kulungan, tulad ng pag-antala ng piskalya sa pagdinig ng kaso sa korte at pagsasampa ng mga karagdagang gawa-gawang kaso, mayroon ding mga kasong hindi kailanman nadidinig sa korte.
Sa ganitong kalagayan, mahalaga ang boses ng mamamayan para kalampagin ang mga korte sa iba’t ibang bahagi ng bansa para pabilisin ang pagdinig, iabsuwelto ang mga inosenteng nasasakdal at palayain ang lahat ng bilanggong politikal.
Kailangan din ang malakas na panawagan sa pagbasura sa mga ‘di makatarungan at ‘di makataong batas, pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, pagtigil sa red-tagging at pagsasampa ng mga pekeng paratang, at paghinto ng pampolitikang panunupil sa mga Pilipinong nag-aasam ng katarungan at mas magandang kinabukasan.
Hindi naman titigil ang taumbayan sa pagtuligsa at paglaban sa inhustisya sa lipunan kung ikukulong ang mga tagapagtaguyod ng kanilang mga demokratikong aspirasyon, bagkus ay lalo pang sumisikhay ang kanilang pagkilos laban sa panunupil at pagkakait ng mga karapatan.
Hanggang sagad sa buto ang karalitaan, may mga uusbong na binhi ng pakikibaka para sa tunay na kalayaan at katarungan. Hindi paglaban ng mamamayan ang dapat sugpuin—dapat wakasan ang kahirapan at igawad ang katarungan sa aping mamamayan.