close
Pop Off, Teh!

Tantanan na


Likas sa ating mga Pilipino ang magkuwento at maaari nating gamitin ang kalikasang ito sa mas makabuluhang pagkukuwento.

Hindi raw kumpleto ang buhay natin kung walang tsismis. Kaya mabilis pa sa alas-kuwatro kapag may sumasambulat na eskandalo at kuwento tungkol sa mga artista at sikat na personalidad. May biruan nga sa social media na kapag may cryptic post ang mga artista na may pahiwatig tungkol sa hiwalayan, pangangaliwa, pagkabuntis at kung ano-ano pang pinagpipiyestahan ng madla.

Halimbawa, ang hiwalayan nina Maris Racal at Rico Blanco, ng KathNiel at ng LizQuen, pati na rin ng JakBie. Naalala n’yo rin ba ang awayan ng isang sikat na photographer at isang singer na nagpaparinigan at nagpakitaan ng “resibo”? “Baliw na baliw” tayo sa tsismis at panghihimasok sa buhay ng iba lalo na kapag ang masama ay ang babae. 

May isang personalidad online na binansagang ang sarili na “Pambansang Marites.” Mahilig siyang magpakalat ng mga balita—totoo man o hindi—upang makakuha ng “likes” at lalo pang sumikat. Lalaki ang personalidad na ito at paborito niyang itsimis ang mga babae tulad ng pagbubuntis, pribadong buhay at maging ang seksuwal na gawain ng mga babae.

Nito lang, inunahan niyang ikuwento sa social media ang pagbubuntis ng isang influencer. Isang bagay na pribado sana ngunit pinagkakitaan pa niya. At ngayon, pinagkakalat din niya ang pribadong buhay at mga aktibidad ng miyembro ng isang P-pop group. 

Ang salitang “Marites” ay ginamit sa social media upang bigyan ng pangalan ang mga tsismoso’t tsismosa. Pansinin na sa babae ito nakapangalan. May panghuhusga agad sa kasarian ng nagpapakalat. Babae ang nagpapakalat, babae rin ang tampulan ng tsismis. Siya ang biktima o siya ang lumikha no’n sa sarili dahil sa kanyang tinig at pagkatao.

Nakatali tuloy sa dalawa ang persona ng babae sa tsismis—kawawa o kaya’y masama. Sa tsismis na nabuntis ang isang babae, tila senyal ito na kawawa siya dahil hindi siya kasal at posibleng hindi na muling mabawi ang karera.

Samantala, ang isang babaeng nakipaghiwalay sa kanyang karelasyon ay itinuturing na masama, ingrata o kaya’y naghahanap ng ibang lalaki. Samaktuwid, pinagsasabong ang kababaihan habang ginagawa silang katatawanan ng publiko.

Masama ang epekto ng pagkakalat ng tsismis sa kababaihan. Nagiging paksang pampubliko ang buhay nila kahit pa ito’y pribado. Ginagamit ang mga naratibo ng kababaihan upang kumita ang mga tulad ng lalaking influencer. Naaabsuwelto siya sa pagpapakalat ng mga balitang hindi naman niya pinaghirapang makuha.

Isa pa, at ang pinakamasakit sa lahat, ay ang pagkakait sa babae na kanyang ikuwento ang sarili niyang kuwento, sa sarili niyang kapasyahan, sa sarili niyang panahon. Ninakawan na nga, hinubdan pa! 

Kung ang pagpipista sana natin sa mga tsismis ay inilalaan natin sa pagkukuwento sa konteksto ng impeachment o kaya ay sa korupsiyon, disin sana’y mas marami tayong nakakamit na pagbabago. Kung ang mahahalagang naratibo ang natatalakay, nagiging kritikal ang mamamayan at hindi nalulugod sa personal na buhay ng iba.

Likas sa ating mga Pilipino ang magkuwento at maaari nating gamitin ang kalikasang ito sa mas makabuluhang pagkukuwento. Matagal nang naghihintay maikuwento ang mga kuwento ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, katutubo at iba pa.

Tiyak na mabibigyan natin ng espasyo  ang mga naratibong makapagpalalaya sa halip na magkakahon at higit pang pag-iibayuhin ang pang-aapi at pagsasamantala.