close

Unyon ng Gardenia, tagumpay sa panibagong CBA


Tagumpay ang Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines Inc. (UPGBPI-OLALIA-KMU) sa pagsasara ng negosasyon at pagpirma ng panibagong kasunduan nitong Hul. 18.

Tagumpay ang Unyon ng mga Panadero sa Gardenia Bakeries Philippines Inc. (UPGBPI-OLALIA-KMU) sa pagsasara ng negosasyon at pagpirma ng panibagong collective bargaining agreement (CBA) nitong Hul. 18.

Nakamit ng unyon ang P70 dagdag-sahod kada taon para sa susunod na tatlong taon, dagdag na P0.50 sa seniority pay, P20,000 signing bonus, P7,500 na lump sum, P80 meal allowance na may dagdag na P35 meal allowance kapag overtime, at dagdag na leave credits para sa mga manggagawang mahigit 15 taon na sa pabrika. 

Napapayag din nila ang management na magkaroon ng retroactive pay mula Oktubre hanggang Hunyo dahil sa pagbabago ng effectivity date.

Ayon kay Rhoel Alconera, pangalawang pangulo ng unyon at production operator sa pagawaan, malaki ang naitulong ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng kasapian ng unyon sa kanilang panalo.

“Siyempre hindi naman natin makukuha lang sa lamesa ‘yan. Kinakailangan natin ng mga pagkilos. Nangyari sa’min ‘yon na nagsagawa ng mga pagkilos para ma-pressure ang management na mapapayag sa aming hinihiling,” ani Alconera.

Ito na ang pangalawang CBA sa pagitan ng UPGBPI-OLALIA-KMU at management ng Gardenia. Nagtapos ang unang limang taong kasunduan noong Set. 30, 2024, habang nagsimula naman ang negosasyon para sa bago noong Nob. 18, 2024.

Nitong Enero, nagtapos ang pakikipagtawaran sa plant level matapos magdeklara ng deadlock ang unyon. Halos tatlong buwang nakasalang sa National Conciliation and Mediation Board ang mga deadlock item o hindi napagkasunduang mga probisyon ng CBA tulad ng sahod, kasiguraduhan sa trabaho, seniority pay, leaves at pananatili ng bilang ng bargaining units ng unyon.

Sabi ni Alconera, tinitingnan nila bilang intensiyon at taktika ng management ang pagpapatagal sa negosasyon. Mabuti na lang umano dahil hindi nagpatinag ang unyon.

Matatandaang tinarget ng mga militar si Alconera noong 2023. Inakusahan siyang dating miyembro ng New People’s Army at kinasuhan pa ng terrorism financing sa Department of Justice na kalaunan nama’y ibinasura ng Batangas City Regional Trial Court Branch 7 dahil sa kawalan ng ebidensiya.

Sa kabila ng kanilang tagumpay sa CBA, nagpapatuloy pa rin ang unyon sa paggiit sa kanilang mga karapatan. 

Nagsampa na sila ng kasong unfair labor practices (ULP) nitong Hunyo dahil sa sunod-sunod na pagkakaso kay Alconera at iba pang miyembro at opisyales ng unyon. Kakatapos lang nitong Ago. 1 ng pangalawang komperensiya para rito.

“Nag-file kami ng ULP dahil bahagi ito ng coercion, intimidation, harassment as a union member,” ani Alconera.

Minarkahang loitering si Alconera ng kanyang supervisor gayong nasa pulong kasama ang unyon at management. Samantalang minamarkahan namang late ang ibang miyembro kapag hindi nag-overtime, kahit pa walang komitment mula sa manggagawa.

Panawagan ng unyon sa management ng Gardenia, itigil na nito ang panggigipit sa unyon at tupdin na lang ang nakasaad na mga probisyon ng CBA.