Gabriela Partylist, ipoproklama na ng Comelec
Ipoproklama na si Gabriela Women’s Party first nominee Sarah Elago bilang ika-64 na kinatawang partylist sa Kamara matapos ipawalang bisa ng Commission on Elections En Banc ang rehistro ng Duterte Youth Partylist.

Kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Bautista na ipoproklama na ang Gabriela Women’s Party (GWP) bilang ika-53 partylist na nanalo sa halalan nitong Mayo.
Uupo si dating Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago bilang kinatawan ng GWP na magdadala ng tinig ng kababaihan, bata at LGBTQ+ sa Kamara.
“Hindi po tayo nagkakamali, ang ipoproklama ng Comelec ay si dating Rep. Elago para po matapos na ‘yong agam-agam na ‘yan,” ani Garcia sa isang panayam sa DZMM Teleradyo.
Dagdag niya, sang-ayon ang House of Representatives sa desisyon at tatanggapin nila ang sinumang ipoprokalama ng Comelec.
“Taos-puso kaming nagpapasalamat sa lahat ng mga nagtitiwala at sa walang humpay na pangangalampag ng mga kababaihan, LGBTQIA+, kabataan at iba’t ibang sumusuporta para maiproklama na ang Gabriela Women’s Party bilang tunay, palaban, at makabayang kinatawan ng kababaihan sa Kongreso,” pahayag naman ni Elago.
Iginiit ng GWP ang kanilang agarang proklamasyon matapos ang pagkansela ng Comelec En Banc sa rehistro ng Duterte Youth Partylist dahil sa hindi pagsusumite ng mga kaukulang dokumento. Kilala ang nasabing grupo sa pagsuporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa paninira at red-tagging sa mga progresibong grupo.
Sabi pa ni Elago, ginagamit lang mga pekeng partylist tulad ng Duterte Youth Partylist ang poder para sa makasariling interes, ngunit hindi nagpapatinag ang kababaihan kahit pilit pang tanggalang ng boses sa Kongreso.
Nanindigan din si Elago na tututukan ang interes ng kababaihan at mamamayan tulad ng pagpapanagot sa mga kurakot at tiwali, paglalaaan ng kaukulang pondo sa kalusugan, edukasyon at serbisyong panlipunan, at suporta sa lokal na agrikultura at industriya.
Para naman kay Gabriela secretary general Clarice Palce, hindi lang ito usapin ng proseso kundi mahalagang hakbang para marinig ang boses ng mga naaapi.
“Crucial step ito para matiyak na ang tinig ng marginalized ay maririnig sa isang lehislaturang kontrolado ng vested interests,” ani Palce.
Dagdag pa niya, tungkulin ng GWP na bantayan ang pambansang badyet, panagutin ang mga tiwaling opisyal at isulong ang kagyat na panawagan ng mamamayan tulad ng pagbaba ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Sa ilalim ng Konstitusyon at Republic Act 7941 o Party-list System Act, ilalaan ang 20% ng mga puwesto sa Kamara para sa mga partylist. Una nang iprinoklama ng Comelec ang 52 o 63 na kinatawan nitong Mayo, ngunit kulang ito para maabot ang itinakdang bilang. Sa proklamasyon ng GWP, 64 na ang mga kinatawan ng 53 grupong partylist o higit 20% ng kabuuang puwesto.
Sa harap ng tumitinding krisis pang-ekonomiya at pampolitika, iginiit ng GWP ang kanilang papel bilang walang takot na kinatawan ng kababaihan at maralita.
“Mula sa laban para sa karapatan ng kababaihan at kabataan, hanggang sa pagsisiyasat sa mga anomalya, nanindigan ang Gabriela para sa mamamayang Pilipino, lalo na sa mahihirap at inaapi,” dagdag ni Palce.
Para sa maraming kababaihan at ordinaryong mamamayan, ang pagbabalik ng GWP sa Kongreso ay pag-asa na may tunay na boses na muling magtatanggol sa kanilang interes. /May ulat mula kay Marc Lino J. Abila