Paninindigan sa gitna ng inhustisya
Halos pitong taong ipiniit, napawalang sala at malaya na sina Ireneo Atadero at Julio Lusiana, dalawa sa “Sta. Cruz 5.” Sa loob ng piitan, hindi nagmaliw ang kanilang paninindigan para sa katarungang panlipunan.

Kamakailan, pinawalang-sala ng korte sa Taguig City ang limang aktibista sa mga kasong illegal possession of firearms, ammunition and explosives. Umabot ng anim na taon, siyam na buwan at 27 araw ang pagdinig sa mga imbentong paratang sa kanila ng mga ahente ng estado.
Tinagurian ang grupo na “Sta. Cruz 5” na kabilang ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant na si Adelberto Silva, organisador ng manggagawa na si Ireneo Atadero, tanggol-kababaihang si Hedda Calderon, magsasaka ng organikong pananim na si Edisel Legaspi, at drayber na si Julio Lusiana.
Marahas na inaresto ang lima sa Sta. Cruz, Laguna noong Okt. 15, 2018. Papunta sila sa isang konsultasyon sa nasabing lalawigan bilang bahagi ng gawain sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at NDFP.
Nakapagpiyansa si Calderon noong 2019. At ngayon, nakalaya na rin sina Atadero at Lusiana. Nananatili naman sa piitan sina Silva at Legaspi dahil sa iba pang gawa-gawang kasong isinampa sa kanila.
Nakapanayam ng Pinoy Weekly sina Atadero at Lusiana para ikuwento ang kanilang naging karanasan bilang bilanggong politikal at ang masalimuot na kalagayan ng sistemang pangkatarungan sa bansa.
Araw ng pag-aresto
Kuwento ni Lusiana, binabagtas ng kanilang sasakyan ang kalsada sa bayan ng Bay, Laguna.
“Dumaan kami sa loob ng Bay, sa bundok, at mayroon pa kaming nadaanang isang kampo ng [pulisya],” aniya.
Paglabas nila ng highway ng Bay, huminto pa sila para bumili ng mais, rambutan at lanzones, meryenda sana nila sa biyahe at pati na rin sa pulong, dahil wala naman silang nakitang sumusunod sa kanilang sasakyan.
Pero pagdating sa intersection sa bayan ng Sta. Cruz, napansin ni Lusiana na may pulis na nagmamasid-masid sa bandang unahan nila. Mabigat ang trapiko sa intersection noong oras na iyon. Nang tumapat ang pulis sa kanilang sasakyan, tinutukan si Lusiana ng baril.
“Bakit? Ano bang violation namin? Wala naman kaming violation ah,” sambit ni Lusiana sa pulis nang ibinaba niya nang bahagya ang bintana ng sasakyan.
“Baba! Baba!” sigaw ng pulis. Napilitang bumaba si Lusiana ng sasakyan. Pilit din siyang pinadapa sa kalsada.
“Ayokong dumapa. Sabi niya, ‘Papatayin kita ‘pag ‘di ka dumapa,’” sabi ni Lusiana.

Sunod na pinababa at pinadapa rin ang apat na nasa sasakyan. Mahigit isang oras silang nakadapa habang hinihintay ang mga tauhan ng barangay at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police mula sa Camp Crame sa Quezon City.
Pagdating ng mga tauhan ng barangay at CIDG, ininspeksiyon ang kanilang sasakyan na isang maliit na Suzuki Swift. May nakuha umanong dalawang baril at tatlong granada. Pagkatapos nito, may nakita pa umanong isa pang granada at isang improvised explosive device. Giit ng lima, tinamnan sila ng mga pulis ng ebidensiya, kalakarang mapapansin sa iba pang kaso ng pang-aaresto sa mga aktibista.
May pitong pulis at nasa isang dosenang sundalong armado ng matataas na kalibre ng baril ang umaresto sa kanilang lima. Hindi idineklara ng militar na kasama sila sa pag-aresto at pinalabas ng pulisya na operasyon lang ito ng CIDG.
Matapos nito, isinakay sina Lusiana at Silva sa isang trak ng Philippine Army at sa isang Toyota Innova ng CIDG naman isinakay sina Atadero, Calderon at Legaspi. Dinala sila sa CIDG National Capital Region sa loob ng Camp Crame kung saan nanatili sila ng 15 araw bago ilipat sa Metro Manila District Jail Annex 4 sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Doon nanatili sina Atadero at Lusiana nang mahigit anim na taon. Nakapagpiyansa naman si Calderon noong Hun. 3, 2019.
Sa loob ng bilangguan
“Mamamatay ka kapag asahan mo [ang warden at mga jail guard],” sabi ni Atadero, 61, isang diabetic.
Mahirap ang proseso ng pagpapagamot ng isang bilanggo. Kailangang humingi ng pahintulot sa korte para madala sa ospital at maipagamot. Kung hindi aaprubahan ng korte, magtitiis ang bilanggo hanggang sa lumubha ang kondisyon, at sa ilang pagkakataon, hanggang malagutan ng hininga.
“May kasama [kaming person deprived of liberty] na [namatay] noong 2018. Simpleng sinabi lang na nanikip ‘yong dibdib. Ibinaba sa infirmary. Sabi naman ng infirmary, ‘Okay pa ‘yan, balik n’yo sa taas.’ Ibinalik sa taas. Pagdating ng alas-siyete ng umaga, sumpong ulit, binaba, binigyan ng oxygen [pero] hindi na kaya. Saka pa lang tinakbo kasi emergency na. Hindi na nakaabot sa ospital,” kuwento ni Atadero.
Hindi rin tiyak ang masustansiyang pagkain sa loob. Kung walang dalaw na magdadala ng maayos na pagkain mula sa labas, magtitiis ang bilanggo sa “rancho” na ibibigay.
“Walang lasa,” paglalarawan ni Lusiana sa “rancho” o pagkaing ibinibigay sa loob ng kulungan.
Nakabisado na nila ang ikot ng ulam sa loob. Minsan swerteng may kaunting manok, pero madalas gulay na kulang-kulang ang sahog. Biro pa ni Atadero, ang pakbet ay nagiging “pak” lang at ang chop suey ay nagiging “chop” lang dahil kulang sa sahog.
“Kapag Sabado, medyo buenas, munggo. Kung iisipin, masustansiya naman, pero kung ‘yon lang, ‘di [balanced],” ani Atadero.

Sa kabilang banda, may pamamaraan din ang mga bilanggong politikal para matugunan ang kakulangan sa masustansiyang pagkain sa loob.
Ayon kay Atadero, malaking tulong ang mga grupo katulad ng Karapatan at Kapatid para alalalayan ang mga bilanggong politikal.
“Si Ka Fides [Lim ng Kapatid], ang tindi talaga ng effort [niya]. Bawat selda makakatanggap ng kanyang dalang pagkain,” sabi ni Atadero.
Sa pamamagitan ng mga grupong sumusuporta sa mga bilanggong politikal, nagkakaroon ng maayos na suplay ng pagkain, gamot, sabon at iba pang batayang pangangailan. Naibabahagi rin nila ito sa ibang bilanggong nangangailangan.
Maparaan din ang mga kasamang bilanggong politikal para makakain nang maayos.
“May isang kasamang [bilanggong politikal], nakita ng warden na nagluluto ng tinapay sa kawali, pandesal. Sabi ni warden, ‘Parang ang mabango diyan sa selda n’yo. Saan kayo nagluluto?’” kuwento ni Atadero.
Humingi ang warden ng pandesal at nasarapan. Hinayaan ng warden na magkapagluto ng tinapay sa loob at inalok pa sila na bigyan ng oven.
Hindi rin natigil ang mga bilanggong politikal sa kanilang gawaing pampolitika sa loob ng piitan. Anila Atadero at Lusiana, bunga ng gawain sa pampolitikang edukasyon at pag-oorganisa ang mga kaunting luwag na nararanasan ng mga bilanggo.
Alinsunod sa mga pandaigdigang pamantayan sa mga karapatan ng mga bilanggo tulad ng Nelson Mandela Rules, naigiit nila na makapagpaaraw tuwing 6 hanggang 8 a.m. sa rooftop ng “dorm” ang mga bilangg. May mga regular na iskedyul din para sa ehersisyo at isports tulad ng basketball at pingpong.
“Mula sa ganansiya ng [mga] bilanggong politikal, nagdo-domino effect [para sa kapakinabangan ng lahat ng mga person deprived of liberty],” ani Atadero.
Mabagal na proseso
Matapos ang pag-aresto noong Okt. 15, 2018, isinagawa ang inquest sa korte sa Sta. Cruz kinabukasan. Ibinasura ng huwes ang mga unang kasong isinampa. Makakalaya sana agad sina Atadero, Calderon at Legaspi. Pero pinatagal ng CIDG ang pagkuha sa orihinal na dokumento mula sa korte patungong Camp Crame.
Nang magsampa ang prosekusyon ng inamyendahang reklamo, hindi na nabigyan ng pagkakataon na makalaya pa ang tatlo hanggang sa mailipat sa Camp Bagong Diwa. Ibinasura rin ng korte sa Sta. Cruz ang motion to suppress evidence na inihain ng mga akusado.
Dumiretso na sa paglilitis ng kaso ang korte. Sa mga paglilitis sa Laguna, bantay-sarado silang lima ng mga armadong pulis at sundalo. Pinalilibutan nila ang loob at labas ng korte sa Sta. Cruz tuwing isinasagawa ang mga pagdinig.
Bago pa ang pandemya, humiling na sa Office of the Court Administrator ang mga akusado na mailipat ang kaso sa Taguig City, mas malapit kung saan sila nakakulong. Pero 2022 na noong aprubahan ang paglipat sa kaso.
“Kung isipin mo mula 2022 hanggang 2025, puwede mo pa sabihing mabilis na ‘yan. Pero ‘yong wala kang kasalanan, kahit isang segundo kang makulong [ay inhustisya],” ani Atadero.
Dagdag ni Atadero, may mga kaso ng bilanggong politikal na hindi man lang nadidinig sa korte kaya nananatiling nakapiit ang ilan sa kanila kahit wala naman talaga silang krimeng ginawa.
Mayroon ding napakabagal ng usad ng kaso tulad kay NDFP peace consultant VIcente Ladlad na inaresto noong Nob. 8, 2018, halos isang buwan matapos arestuhin ang “Sta. Cruz 5.” Higit anim na taon na ang lumipas pero nasa prosekusyon pa rin ang kaso ni Ladlad na illegal possession of firearms.
Makaisang panig na pinutol ng GRP ang usapang pangkapayapaan sa NDFP noong 2017 na nagresulta sa sunod-sunod na pag-aresto ng rehimen ni Rodrigo Duterte sa mga peace consultant ng NDFP kahit pa protektado sila ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees.
Sa pagpapawalang-sala at pagpapalaya sa kanila noong Ago. 6, bukas sina Atadero at Lusiana na muling kumilos sa hanay ng mga obrero at maralita, tulad ng kanilang naiwang gawain bago sila maaresto.
Pursigido sina Atadero at Lusiana na muling makakapag-organisa ng mga unyon ng manggagawa upang isulong ang kanilang mga karapatan sa nakabubuhay na sahod, naaayong benepisyo at maayos na kalagayan sa lugar-paggawa.
Nagpapasalamat din sila sa National Union of People’s Lawyers sa kanilang pagpupurisigi sa pagtatanggol sa kanila at sa mga patuloy na sumusuporta sa kampanya sa pagpapalaya ng mga bilanggong politikal.
“Makibaka, huwag matakot! Huwag mangamba na maging kritikal sa mapang-aping sistema ng lipunan. Hindi mali ang pumuna at lumaban sa mga mapagsamantala,” ani Atadero. /May ulat mula kina Divine Grace Recto at Chynna Fate Sayson