Imbestigasyon o proteksiyon?
Galit na ang bayan sa makupad na imbestigasyon, sa pagtatakipan, sa paghuhugas-kamay at pagtakas sa pananagutan ng lahat ng sangkot sa sistematikong pangnanakaw sa bayan.
Sa gitna ng sumisidhing galit at pagbatikos ng mamamayan sa laganap na korupsiyon sa mga proyektong pang-imprastruktura, itinayo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Independent Commission on Infrastructure (ICI). Trabaho nitong imbestigahan ang mga anomalya sa mga proyektong pang-imprakstruktura ng gobyerno sa nakalipas na isang dekada.
Pero imbis na pag-asa, pagdududa ang dala ng ICI. Limitado ang kapangyarihan at hurisdiksyon nito. Ang pangulo lang din ang pumili sa mga bumubuo ng komisyon. Ngayon, ipinagdamot pa sa mamamayan ang kalayaang masaksihan ang mga pagdinig. Tila kumpletos rekados para pagtakpan ang totoong may pananagutan.
Para sa ilang beterano mula sa panahon ng diktadura, maikukumpara ang ICI sa itinayong Agrava Fact-finding Board ni Ferdinand Marcos Sr. noong 1983 upang imbestigahan ang pagpatay kay Ninoy Aquino. Sa kabila ng resulta ng imbestigasyon, na nagdadawit kay dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Fabian Ver at iba pang opisyal ng armadong puwersa, napawalang-sala lang din ang mga ito noong 1985.
Ngayon, ang anak ng diktador ay kaparehong naghahanap ng lusot para iwasan ang pananagutan mula sa mga ninakaw sa kaban ng bayan. Sa kabila ng retorika at drama ni Marcos Jr., hanggang ngayon ay mistulang gimik lang ang ICI sa pekeng krusada ng rehimen laban sa korupsiyon.
Sabi ni Marcos Jr., wala aniyang maliligtas sa imbestigasyon, kahit ang mismong pinsan na si dating House Speaker Martin Romualdez. Ngunit naiinip na ang taumbayan dahil hanggang ngayon, wala pa ring usad, wala pa ring napapanagot kahit napakarami nang napapangalanang sangkot sa pangungulimbat.
Sa huling pahayag pa ng ICI, wala pa rin daw silang “sapat na ebidensiya” na magdidiin sa matataas na halal na opisyal sa mga kaso ng katiwalian.
Binuo ni Marcos Jr. ang ICI, hindi para mag-imbestiga, kundi para iligtas ang sarili at ang buong ehekutibo mula sa pananagutan. Sa nakalipas na linggo, nalantad ding hindi lang si Marcos Jr. ang kumukumpas sa komisyon.
Sinong maniniwala? Nabuking na nga sa mga pagdinig ng Senado at Kamara ang buong sistema ng kickback ng mga senador at kongresista mula sa mga maanomalyang ghost project. Nagkumahog na nga ang rehimen sa pagrigodon ng pamunuan ng dalawang kapulungan ng lehislatura para sagipin ang sariling imahen.
Ang buong 2026 badyet mismo ng rehimeng Marcos Jr. ay nakitang batbat ng bagong porma ng pork barrel. Kaya bang usisain ng ICI ang ehekutibo? Iimbestigahan din ba nila ang Pangulo, na siyang nagbuo sa komisyon?
Binuo ni Marcos Jr. ang ICI, hindi para mag-imbestiga, kundi para iligtas ang sarili at ang buong ehekutibo mula sa pananagutan. Sa nakalipas na linggo, nalantad ding hindi lang si Marcos Jr. ang kumukumpas sa komisyon.
Noong Okt. 17, nakipagpulong ang mga kinatawan ng komisyon, sa pangunguna mismo ni ICI Chairperson Andres Reyes Jr., kay US Embassy Acting Deputy Chief of Mission Michael Kelleher. Ito ay direktang panghihimasok ng dayuhang bansa sa lokal na usapin ng bayan.
Hindi dapat obligado ang ICI na magpaliwanag sa anumang embahada ng kanyang mga aksyon at hakbang. Pero paborable para sa interes ng US na mabuhusan ng malamig na tubig ang mainit na galit ng mamamayan.
Sa nagpapatuloy na umpugan at agawan sa kapangyarihan ng mga Marcos at Duterte, ginagamit ng kasalukuyang rehimen ang imbestigasyon ng ICI bilang bala laban sa mga karibal sa politika. Sa isang panig, sinasakyan ng mga Duterte ang galit ng mamamayan para muling iluklok ang sarili at magpakasasa sa kapangyarihan at kayamanan.
Para sa sambayanang Pinoy, walang pananahimik hanggat walang napapanagot. Galit na ang bayan sa makupad na imbestigasyon, sa pagtatakipan, sa paghuhugas-kamay at pagtakas sa pananagutan ng lahat ng sangkot sa sistematikong pangnanakaw sa bayan.
Sa pagkakalantad ng karumal-dumal na krimen ng mga naghahari-hariang burukrata kapitalista, napapatunaang wasto ang sigaw ng mga kabataan at mamamayang nagpoprotesta, dapat nang baguhin ang bulok na sistema.