Walkout
Huwag tanggapin ang hindi katanggap-tanggap. Hindi dapat masanay sa siksika’t napakainit na klasrum.
Ngayong buwan ng Oktubre, kapansin-pansin ang iba’t ibang walkout ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan. Ang mga isyung matingkad noong mga kilos-protesta ng Setyembre 21, ‘yon pa rin ang inirerehistro ng kabataan.
Patuloy pa rin ang pagkondena sa korupisyon sa partikular at sa kabulukan ng lipunan sa pangkalahatan. Siyempre’y nariyan pa rin ang panawagan para madagdagan ang badyet para sa edukasyon.
Para sa maraming paaralang pampubliko, kulang pa rin kasi sa maraming bagay —klasrum, upuan, mesa, blackboard at chalk. May mga paaralan ngang may tinaguriang computer laboratory pero walang mga computer. May tinaguriang silid-aklatan pero kulang sa mga aklat. Kahit mga titser, kulang na kulang din kaya nagsisiksikan ang mga estudyante sa limitadong bilang ng mga kurso para sa isang semestre.
Sadyang iba ang sitwasyon ng maraming pribadong pamantasan kumpara sa state universities and colleges (SUCs).
Sa aking limitadong pagtuturo sa isang pribadong pamantasang napakataas ang matrikula, komportableng nakapagtuturo dahil kumpleto sa mga gamit. May aircon sa silid-aralan, hindi masyadong maraming estudyante kaya mas maganda ang interaksiyon at diskusyon. May nakahandang projector kung kakailanganin, malinis ang whiteboard at may mga marker at eraser. Hindi na kailangang magdala ng sariling gamit dahil nasa silid-aralan na lahat. Puwedeng makapagpahinga sa maluwag na faculty room kung saan puwede ring lugar para sa konsultasyon sa mga estudyante.
Nang mabigyan ng pagkakataong makapagturo sa pampublikong unibersidad sa Sta. Mesa, sinabihan ako ng mga kaibigang opisyal na ihanda ang sarili. “Magpakatatag ka!” may lamang biro ng isa.
Wala kasing aircon sa maliit na silid-aralang kailangang pagkasyahin ang halos 50 estudyante. Walang projector at kadalasang marumi ang blackboard. Kailangang magdala ng sariling chalk at eraser. Kung mamalasin, hindi pa gumagana ang mga bentilador at pundido pa ang ilaw.
Para makapagturo, kailangang lakasan ang boses para marinig (sana) ng lahat. Kaya huwag magulat kung makalipas ang tatlong oras na pagtuturo tuwing Sabado, umuuwi akong paos, pagod at puno ng pawis ang pinalitang t-shirt. Tandaang isang kurso lang itong tinuturo ko. Paano pa kaya kung regular na teaching load na apat na kurso bawat semestre?
Tandaang hindi porke’t mura o libreng edukasyon ay puwede na ang “mababang” kalidad. Kung tutuusin, mas nararapat ang dekalidad na edukasyon kung mahirap ang estudyante!
Opo, sa Sta. Mesa ako natutong magbaon hindi lang ng maraming tubig kundi ng dalawa o tatlong t-shirt. Hindi uubrang magkurbata tulad ng nakagawian sa pribadong unibersidad. Dito ko naranasang magturo habang tumatagaktak ang pawis. Lubos ding humaba ang pasensiya ko sa mga estudyanteng nale-late sa klase o nahuhuli kong natutulog.
Sa mga pampublikong unibersidad kasi, napakaraming estudyanteng nagtatrabaho sa murang edad. Minsan pa nga, sila na ang nagtataguyod sa pamilya dahil hindi sapat ang kinikita ng magulang (kung hindi man natanggal sa trabaho o sobrang tanda na para magtrabaho).
Sa mga estudyanteng ito, pinagsasabihan silang kailangang maging responsable pa ring estudyante sa kabila ng lahat. Pero pilit din namang iniintindi sila ng mga katulad kong hindi hamak na mas may pribilehiyo kumpara sa kanila.
Sino ba naman ako para pagalitan ang mga estudyanteng lumiliban, nale-late at medyo hirap umintindi sa diskusyon sa klase? Nagtitiyaga naman silang pumasok sa kabila ng napakaraming personal na pinagdaraanan. Pinipilit nilang matuto kahit na hindi matibay ang pundasyong nakuha mula sa problemadong K-12 na programa.
Hirap mag-Ingles o mag-Filipino pero kinakayang sumulat ng balita at iba pang output sa peryodismo. Kahit napakaraming marka ng pulang ballpen sa mga sinulat, pinipilit intindihin ang mga pagkukulang at walang reklamong inuulit ang mga ehersisyo. Sa katunayan, sila pa mismo ang nakikiusap na mas paramihin pa ang mga ehersisyo para matuto silang magsulat!
Pero sa sobrang dami ng mga estudyante, siyempre’y hindi makakayang tutukan ang lahat kaya limitado rin ang natututuhan. Ito ang puntong paulit-ulit na idinidiin sa lahat ng diskusyon. Huwag tanggapin ang hindi katanggap-tanggap. Hindi dapat masanay sa siksika’t napakainit na klasrum.
Sa apat na taon o higit pang pamamalagi sa pamantasan, patuloy na igiit ang mataas na kalidad ng edukasyong para sa lahat. Tandaang hindi porke’t mura o libreng edukasyon ay puwede na ang “mababang” kalidad. Kung tutuusin, mas nararapat ang dekalidad na edukasyon kung mahirap ang estudyante!
Taga-Diliman ako pero tuwang-tuwa ako nang libo-libong estudyante ang nag-walkout sa Sta. Mesa. Nakita ko sa ilang larawan ang mga dati kong estudyanteng patuloy pa ring nakikibaka. Sila ang kinabukasan ng peryodismo sa bayang sawi.
Sinulat ito sa gabi ng Oktubre 17 at lumalabas na matagumpay ang malawakang walkout ng mga estudyanteng nagmartsa papuntang Mendiola. Inaasahang magpapatuloy pa ang pagkilos hangga’t hindi napapanagot ang mga dapat managot, hangga’t patuloy na napagkakaitan ng edukasyon ang mga pag-asa ng bayan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com