close
Konteksto

Protesta


“Marcos, singilin!” ang tamang panawagan para siguradong hindi malilimutan ng sambayanang may pananagutan ang kataas-taasang opisyal sa Malakanyang.

Protesta laban sa korupsiyon. Malinaw naman. Subalit para sa isang grupo, bakit bawal magbanggit ng ilang pangalan? Ito ang kailangang linawin.

May dapat singilin, may dapat panagutin. Ito ang dahilan kung bakit madalas na naririnig sa ilang kilos-protesta ang “Marcos, singilin! Duterte, panagutin!” Kung sa isang lugar ng kilos-protesta sa Setyembre 21 ay uubrang pangalanan ang dapat pangalanan, hindi naman ito uubra sa isa pa.

Ayaw daw kasing ma-hijack ng mga loyalista nina Marcos Jr. at Duterte ang mga pagkilos, kaya mas mainam na huwag na lang silang tukuyin. Hindi naman daw kasi kontra kina Marcos at Duterte kundi kontra sa nangyayaring korupsiyon sa pamahalaan ang pangunahing layunin. Dalawang tanong lang: Sino ang pangulo mula 2016 hanggang 2022? Sino ang kasalukuyang pangulo?

Kung hindi nahihiyang isigaw ang apelyido ng mga kontraktor tulad ng mga Discaya, o kahit nina Jinggoy Estrada at Joel Villanueva na unti-unti nang lumalabas ang ebidensiya ng pagkakakasangkot sa kabila ng kanilang pagtanggi, bakit nagiging tikom ang bibig ng ilan sa pagkondena sa mga pamilyang Marcos at Duterte?

Sabi ng isang lider ng protestang ayaw pangalanan ang sila, hindi naman daw kasi anti-Marcos o anti-Duterte ang pinaplano nilang pagkilos. Sabi niya sa wikang Ingles, “We want to avoid calls for specific leaders.” Wala raw kasing kulay ang korupsiyon.

Mainam na alalahanin ang isang termino sa wikang Ingles na command responsibility. Hindi maiiwasang pangalanan ang kataas-taasang opisyal kung saan nangyari (at patuloy na nangyayari) ang korupsiyon. Hindi sapat ang retorikang “Mahiya naman kayo!” sa State of the Nation Address noong Hulyo para sabihing nagawa na ni Marcos Jr. ang kanyang responsibilidad at puwede na siyang pasalamatan.

Totoo mang may binuong independent commission para imbestigahan ang mga maanomalyang proyekto sa flood control, kailangan pa ring magbantay dahil baka matulad lang ito sa pagdinig sa Senado at Kamara de Representantes na halos puro pabida at sigawan lang. Patuloy ang batuhan ng akusasyon sa Kongreso. Matindi ang pagdiin sa ilang personalidad samantalang maingat naman sa iba pa. Tila ayaw marinig ang buong katotohanan at nais lang makuha ang impormasyong aayon sa pansariling interes.

Hindi ito ang panahon para protektahan ang mga Marcos at Duterte, pati na ang iba pang sangkot sa korupsiyon. Tandaang may mga kontratistang tumulong sa kampanya sa mga nakaraang halalan. Hindi lang anim na senador ang nakinabang. Kahit sina Marcos at Duterte, nagkaroon din ng donasyon mula sa mga kontratista, ayon sa pag-aaral ng Philippine Center for Investigative Journalism.

Kahit na walang ebidensiyang magpapatunay sa ngayon na may ibinulsang pondo mula sa mga proyektong flood control ang mga Marcos, malinaw namang may pakinabang din sila sa milyon-milyong nakuha noong panahon ng kampanya. “Marcos, singilin!” ang tamang panawagan para siguradong hindi malilimutan ng sambayanang may pananagutan ang kataas-taasang opisyal sa Malakanyang.

Para naman sa mga Duterte, hindi lang ito usapin ng mga proyektong flood control sa Davao kundi isyu rin ng paggamit ng confidential at intelligence funds noon at ngayon. Kung kaban ng bayan ang pag-uusapan, noon pa marumi ang kanilang kamay dahil hindi pa rin nasasagot ang mga isyu kung saan ba talaga napunta ang mga pondo. Hindi ba’t pinigilan ng mga tagasuporta ng mga Duterte sa Senado ang pag-usad ng impeachment trial laban sa bise presidente?

Tama lang na labanan ang korupsiyon pero dapat may malinaw na sinisingil at pinapanagot. Oo, sistema mismo ang problema pero sino-sino ba ang nakikinabang sa sistemang ito? At sa pagtindig laban sa sistemang hindi katanggap-tanggap, nangangahulugan din ito ng pagkilos kontra sa mga nakaupong malinaw na nakikinabang habang ang karamihan ay pinagkakaitan.

Tandaang ang Setyembre 21 ay ika-53 taon ng imposisyon ng pinatalsik na diktador na si Ferdinand Emmanuel Edralin Marcos Sr. ng Batas Militar na nagbunga hindi lang ng malawakang paglabag sa karapatang pantao kundi sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan. Sa katunayan, ginamit ang terminong “ill-gotten wealth” ng Korte Suprema para ilarawan ang nangyari noon. May legal na batayan para tawaging magnanakaw ang mga Marcos.

Nakapagtataka lang na may mga grupong nais na huwag silang pangalanan kahit na may malinaw na konteksto ang kasalukuyan at nakaraan. Basta’t malinaw na kailangang managot ang lahat, hindi na sana isyu ang direktang pagtukoy sa responsibilidad ng mga Marcos at Duterte.

Protesta laban sa korupsiyon. Tama naman. Pero sa Setyembre 21 at sa mga susunod pang araw, ipagpatuloy din ang protesta laban sa lahat ng may atraso sa sambayanan. Usigin ang dapat usigin, pangalanan ang dapat pangalanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com