close
Konteksto

Sangkot


Huwag magpatali sa argumentong dapat pumili ng kakampihan. Marcos o Duterte? Pareho lang naman sila.

Simple’t madaling maintindihan: Lahat ng sangkot, dapat managot.

Walang pinipiling kulay o posisyon sa gobyerno ang hustisyang hinihingi ng mga pinagkaitang mamamayan. Hindi porke’t taga-Malakanyang ay nangangahulugang absuwelto na. Hindi porke’t tapos na ang termino ng mga opisyal (o nagbitiw na sa puwesto, sa kaso ng iba) ay wala nang imbestigasyong mangyayari.

Tandaang bilyon-bilyong piso ang ninakaw sa kaban ng bayan. Pinakinabangan ng iilan ang pinaghirapan ng karamihan. Nagpasasa ang mga nasa kapangyarihan sa dugo, pawis at luha ng mga taong patuloy na binabaha’t inaanod ang mga pinaghirapang gamit tuwing umuulan.

Kung paniniwalaan ang ilang pambansa’t lokal na opisyal, tanggapin na lang ang katotohanang madalas tamaan ng bagyo ang Pilipinas. Normal na raw ang malakas na pag-ulan. May positibong katangiang nangingibabaw sa bawat trahedya: Resiliency! Sama-sama raw na ipagsigawan na matibay ang Pinoy dahil kayang kayang labanan ang anumang matinding pagbaha. Simple lang ang naratibo ng mga nasa kapangyarihan: “Baha lang iyan, Pinoy tayo!”

Resiliency? Hanggang “Pinoy Pride” na lang ba talaga? Wala na bang malalimang pagbusisi kung bakit lumulubog pa rin ang maraming barangay sa kabila ng napakaraming proyektong may kinalaman sa pagkontrol ng pagbaha? Hindi ba nagtataka ang mga nasa Palasyo kung bakit may mga lugar na binabaha kahit sa kaunting ulan lang? Hindi ba nakikita ng mga nakatira sa mansyon ang mga kalyeng parating may baha kahit panahon ng tag-araw?

Kung sabagay, nasa bentahe nila ang mababaw at maling argumento. Patuloy lang sila sa pagbibigay ng mga mapanlinlang na ideya. Kalaban ng tao ang kalikasan. Makasalanan lang ang mga binabaha’t inaanod. Parusa ng diyos ang malakas na bagyo.

Sa madaling salita, kasalanan ng mahihirap kung nawalan sila ng bahay sa gitna ng bagyo. Kung bakit naman daw kasi nakatira sila sa mga delikadong lugar. Buhay sana sila kung nag-evacuate nang mas maaga.

Buhay at kamatayan ang isyu sa pagpapabaya’t pagnanakaw ng mga ganid. Patuloy ang paghihirap sa ibaba habang patuloy ang pagpapayaman ng mga nasa taas. Ganito ang nangyayari kung ginagamit sa personal na ganansiya ang posisyon sa gobyerno. Inuuna ang sariling kapakanan sa halip na panlipunang kabutihan. Nagiging serbisyo pamilya ang serbisyo publiko.

At sa gitna ng paniningil ng mga pinagkakaitan at pinaparusahan, nagtuturuan ang mga nasa kapangyarihan. May mga piniling manahimik, may mga piniling magtago. Siyempre’y may mga nag-asal Makapili sa pagtuturo kung sino ang tunay na may kasalanan. Nagkakampihan ang iba’t ibang kampo pero naglalaglagan din kapag nagkagipitan.

Suriin ang kaso ni Zaldy Co, dating party-list representative na ngayo’y nagtatago’t hindi alam kung nasaan. Naglabas siya ng bidyo kamakailan sa kanyang Facebook account hinggil sa pagkakasangkot ng mismong pangulo sa anomalya, pati na ang House Speaker at iba pang opisyal sa ehekutibo.

Kung paniniwalaan si Co, siya ang biktima at hindi promotor ng anomalya. Pero siyempre, todo tanggi naman ang Palasyo at pilit na idinidiin si Co, pati na ang iba pang kontra sa pamilyangMarcos.

Para sa mga kakampi ng pamilyang Duterte, malaking bagay ang mga sinabi ni Co kahit na sa ngayo’y wala pang ebidensyang ibinibigay sa mga paratang. Kung paniniwalaan ang ilang hyperpartisan vloggers, si Co ay “bayani” dahil sa diumanong matapang na paglalahad ng katotohanan.

Huwag magpatali sa argumentong dapat pumili ng kakampihan. Marcos o Duterte? Pareho lang naman sila.

Ulitin lang ang simpleng mensahe: Lahat ng sangkot, dapat managot. Marcos, Duterte, Co at iba pang pamilyar na apelyido—walang dapat sinisino, walang dapat sinasanto. Iba’t ibang pangalan pero iisa lang ang uring kinabibilangan. Pare-pareho silang may pananagutan sa sambayanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com