Tanda ng kagalakan
Kahit gaano ka man kapagod, tila may kung anong nagliliwanag sa loob mo. Hindi pa man tapos ang problema ngunit ngayon alam mong may pag-asa.
Ikatlong Linggo ng Adbiyento – Isaias 35:1-6a, 10 | Salmo 145 | Santiago 5:7-10 | Mateo 11:2-11
Minsan, sa gitna ng traffic sa EDSA o habang nag-hihintay sa mahabang pila sa tanggapan ng gobyerno, may biglang dumarating na balita: mga biglaang announcement ng walang pasok, ang pagdating ng 13th month pay at kung ano-ano pang “good news.” Kahit gaano ka man kapagod, tila may kung anong nagliliwanag sa loob mo. Hindi pa man tapos ang problema ngunit ngayon alam mong may pag-asa.
Ganyan ang pinakamalapit na larawan ng Ikatlong Linggo ng Adbiyento, na mas kilala bilang Linggo ng Gaudete. Ipinapaalala nito sa atin na nagapi na ang pinakamatinding dilim.
Kahit mayroon pa ring luha, hirap o gulo sa buhay, dama natin ang silakbo ng pag-asa, sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Diyos. At dahil malapit na Siya, may mga tandang sumusulpot, maliit man o malaki, na ang mundong ito ay unti-unting mapupuno ng Kanyang kaliwanagan.
Naalala natin noong nakaraang Linggo na si San Juan Bautista ay nangaral sa ilang sa kanyang maapoy na panawagan sa pagbabagong-buhay. Ngunit sa Ebanghelyo ngayon, tila siya mismo ay napapagod—marahil sa “burnout” sa kanyang ministeryo.
Nasa bilangguan siya at ang mabangis na tinig na minsang sumigaw ng “Magbagong buhay!” ay ngayon nagtatanong: “Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?”
Nakakagulat man ito, pero totoo ito sa ating buhay. Kahit ang matatapang ay napapagod. Kahit ang matuwid ay nanghihina. Kahit ang propeta ay minsang naglalabo ang mata sa tindi ng dilim.
At dito napakaganda ng sagot ni Hesus. Hindi Siya nakipagdebate, hindi nagbigay ng mahabang paliwanag at hindi nagturo ng teorya. Ang sagot Niya ay mga tanda: nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, naririnig ng mga bingi ang tinig ng buhay at sa mga dukha ipinangangaral ang Mabuting Balita. Sa madaling salita, “Juan, huwag kang matakot. Gumagalaw ang Diyos.”
Kaya ang puso ng Linggo ng Gaudete ay kagalakan. Hindi ito kagalakang sentimental, hindi mababaw at hindi pangdekorasyon lang. Ito’y galak na nakaugat sa pananampalatayang may nakikitang pag-asang umuusbong sa gitna ng karaniwang buhay. Ito ang galak kapag may naibalik na trabaho ang isang ama, kapag may paghilom sa relasyong matagal nang wasak, kapag may naglakas-loob magsabi ng katotohanan sa panahon ng panlilinlang at kapag may nagsabi sa maralita na “hindi ka nag-iisa.”
Hindi pa natin nakikita ang ganap na pagbabalik ng Diyos, ngunit sa mga maliliit na paraan ay sinasalubong natin Siya. Sinasalubong natin Siya sa pagiging totoo, sa pagiging patas, sa pagiging tapat, sa pagiging mapagbigay at sa pagiging mapayapa.
Ito ang kagalakang pinangarap ng Propeta Isaias nang sabihin niyang ang ilang ay mamumulaklak at ang tuyo ay muling magkakaroon ng buhay. Ang imaheng nais niyang ipinta ay hindi pansarili lang kundi panlahatan: ang pagbangon ng bayan, ang pagbalik ng mga tinubos, ang pag-ahon ng mga hikahos at ang pagtibok ng isang lipunang ginising ng pag-asa.
Kaya ang Salmo ay nagpapahayag ng mga pangakong hindi palutang-lutang o abstrakto, sapagkat ang Diyos ay nagkatawang-tao. Kumakampi Siya sa naaapi, nagpapalaya ng bihag, nagbabalik ng paningin sa bulag, itinataas ang inaapi, inaalagaan ang dayuhan, binabantayan ang balo at ulila, at winawasak ang masasamang balak.
Kung may “public policy” ang Diyos, ito iyon: katarungan, pag-angat ng mahihina at pagprotekta sa mga taong walang boses. Kaya ang Gaudete ay hindi lang “maging masaya tayo,” ito rin ay nag-aanyayang “sumali at makiisa tayo sa gawain ng Diyos sa mundo.”
Kaya tama si Santiago nang sabihing magtiyaga tayo sa paghihintay. Ito’y paghihintay na hindi nagpapadala sa agos, hindi nakaupo nang walang ginagawa, hindi matamlay at walang pakialam. Ito’y paghihintay tulad ng sa mga magsasaka: aktibo, may ginagawa, may inaasikaso at nagtatanim kahit hindi pa niya nakikita ang ani.
Ganyan ang Adbiyento. Hindi pa natin nakikita ang ganap na pagbabalik ng Diyos, ngunit sa mga maliliit na paraan ay sinasalubong natin Siya. Sinasalubong natin Siya sa pagiging totoo, sa pagiging patas, sa pagiging tapat, sa pagiging mapagbigay at sa pagiging mapayapa.
Kung noong nakaraang Linggo sinabi nating tayo ang maghahanda ng daan, ngayong Linggo inaanyayahan tayong maging mismong tanda ng pagdating ng Diyos.
Ang saya ng Gaudete ay hindi nakakulong sa simbahan. Isa itong pagsasaya na lumalabas sa kalye, sa opisina, sa paaralan, sa social media at sa lipunan. Isa itong ligaya na nakikita sa mga taong pumipili ng tama kahit hindi sikat, tumatayo para sa mahina kahit may kapalit na pagkapagod at naninindigan sa katotohanan kahit ang paligid ay puno ng ingay at pagbaluktot.
Ito ang kasiyahang nagsasabing: “May Diyos at malapit na Siya. At dahil malapit na Siya, hindi ako puwedeng tumahimik at hindi ako puwedeng manatiling walang pakialam.”
Marahil hindi natin kayang palakarin ang pilay, ngunit baka kaya nating iangat ang isang taong pinanghihinaan ng loob. Hindi man natin kayang buksan ang mata ng bulag, baka kaya naman nating imulat ang isang kaibigan sa katotohanang mahalaga. Hindi man natin kayang buhayin ang patay, ngunit kaya nating buhayin ang pag-asa ng isang taong halos sumuko na. Hindi man natin kayang baguhin ang buong sistema, pero baka kaya nating maging maliit na liwanag sa lugar kung saan tayo naroroon.
Kaya ang hamon ngayong Linggo ay maging tanda. Maging palatandaan na ang kabutihan ay totoo, na ang pag-asa ay hindi kathang-isip at na kahit napapagod ang tao, ang Diyos ay hindi napapagod magmahal. Maging tanda na may liwanag na dumarating at na ang bawat maliit na kabutihan ay parang kandilang sumisindi sa madilim na silid. Hindi nito winawakasan ang dilim, ngunit paalala rin ito na papalapit na ang umaga.
Gaudete. Magalak: hindi dahil magaan ang buhay, kundi dahil may liwanag nang sumisilip. Ang mundong pagod na pagod na sa pagkapa sa dilim ay naghihintay makakita ng liwanag—ang liwanag ni Kristo na mababanaag sa ating pagsasaksi bilang mga Kristiyano.