close
Sa Pagitan ng Ordinaryo't Banal

Sino ang paborito?

Bakit parang ang mga nananamantala ang lalong umaangat, samantalang ang mahihirap ay patuloy na nababaon?

Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon – Sofonias 2:3; 3:12-13 | Salmo 145 | 1 Corinto 1:26-31 | Mateo 5:1-12a

Siguro isa sa mga pinakapinapanood at pinakapinag-uusapang balita nitong mga nakaraang buwan, na para na ring telenobela sa haba at dami ng pasabog, ay ang imbestigasyon sa korupsiyon sa mga flood control project sa Pilipinas. 

Nakakagalit at nakakalungkot makita ang mga sinasabing sangkot na contractor, na ang ilan ay mga “cong-tractor” pa pala, na patuloy na nalalantad ang marangyang pamumuhay. May Rolls-Royce, may mga imported na sasakyan at may arte pang British accent, habang sa kabilang banda, may mga pamilyang literal na nalulunod, nawawalan ng tahanan at mga buhay na nasasayang dahil sa palpak at substandard na mga proyekto.

Sa ganitong mga eksena, kusa ring bumubulong ang tanong sa ating puso: Sila ba ang paborito ng Diyos? Bakit parang ang mga nananamantala ang lalong umaangat, samantalang ang mahihirap ay patuloy na nababaon?

Hindi nagbibigay ng madaling sagot ang mga pagbasa ngayong Linggo, ngunit malinaw ang direksiyong itinuturo.

Sa unang pagbasa mula kay Propeta Sofonias, hindi ang mga makapangyarihan o may kontrol sa sistema ang hinahanap ng Diyos. Ang Kanyang pinananatili sa gitna ng bayan ay yaong mga mapagpakumbaba, mga hindi nandaraya, hindi nagsisinungaling at marunong humingi ng tulong sa Kanya. Ang pamayanang ito’y hindi nakatayo sa yaman o impluwensiya, kundi sa pagtitiwala.

Atin din itong naririnig sa Salmo, kung saan ang Diyos ay panig sa naaapi, nagbibigay-lakas sa nagugutom, nagpapalaya sa bihag, at nagtatanggol sa dayuhan, balo at ulila. Ang paghahari ng Diyos ay may malinaw na pagkiling, hindi pabor sa abuso kundi sa katarungan.

Pagdating sa Ebanghelyo, naririnig natin ang Beatitudes, ang pagbubukas ng Sermon on the Mount. Hindi ito mga bagong ideya na biglang naisip ni Hesus. Nakaugat ang mga ito sa Karunungan ng Lumang Tipan at sa mga Salmo na matagal nang nagpapahayag kung sino ang tunay na mapalad.

Ngunit sa panahon ni Hesus, ang pagiging “mapalad” ay halos awtomatikong ikinakabit sa yaman, kalusugan at mataas na katayuan sa lipunan. Kung ikaw ay dukha o naghihirap, madaling isipin na ikaw ay malas o iniwan ng Diyos.

Kaya iniaalok ni Hesus ang isang radikal na pagbabaligtad. Ang tunay na pagpapala ay hindi nasusukat sa kinang ng buhay, kundi sa direksiyon ng puso.

May mga biyayang nararanasan na sa kasalukuyan, tulad ng aliw sa nagdadalamhati, lakas sa mapagpakumbaba at awa sa mahabagin, ngunit ang rurok ng kaganapan nito’y nakatuon sa kahariang darating. Ang Beatitudes ay hindi pagtakas sa reyalidad, kundi isang bagong paraan ng pamumuhay sa gitna nito.

Ito rin ang diwa ng paalala ni San Pablo sa ikalawang pagbasa. Ang Diyos ay hindi kumikilos ayon sa pamantayan ng sanlibutan. Madalas, ang Kanyang gawain ay nagsisimula sa mga taong minamaliit, binabalewala at itinuturing na walang saysay. Sa ganitong paraan, malinaw na ang kaligtasan ay biyaya at hindi premyo ng kapangyarihan o talino.

Kung gayon, ang Beatitudes ay hindi lang listahan ng mga “mapapalad,” kundi paanyaya sa pagpili. Sa harap ng inhustisya, maaari tayong manatiling tahimik o makiisa sa mga nagugutom sa katarungan. Sa gitna ng pagdurusa, maaari tayong umiwas o maging mahabagin. Ang pagiging mapalad ay hindi lang tungkol sa kung ano ang ating tinatanggap mula sa Diyos, kundi kung anong uri ng presensiya ang pinipili nating maging para sa iba.

Ngunit ang pagpapakumbaba na hinihingi ng Diyos ay hindi panawagan na manatili sa inhustisya at maghintay na lamang ng langit. Ang Beatitudes ay hamon na gawing totoo ang kaharian ng Diyos dito at ngayon, sa pagharap sa kasalanan ng sistema, sa pagtatanggol sa buhay at sa pakikipag-isa sa mga naaapi, habang umaasa sa ganap na katuparan nito sa hinaharap.

Kaya kapag muli nating itanong kung sino ang paborito ng Diyos, malinaw ang sagot ng Salita. Hindi ang may pinakamalaking sasakyan o pinakamalakas na koneksiyon, kundi ang mga pusong marunong umasa, kumikilos para sa katarungan at nagbibigay-liwanag sa mundong sugatan.