close
Muni at Suri

Analog


Sa kulturang analog, may pagbibigay-pansin sa kahalagahan ng mga ugnayan at karanasan sa labas ng screen.

Isa sa mga kapansin-pansing trend sa kasalukuyan ang paglitaw ng kulturang analog. 

Ilan sa mga indikasyon ng kulturang analog ang paggamit ng mga pre-digital na mga teknolohiya kagaya ng film camera, journal, fountain pen, scrapbook at vinyl. May pagbibigay-diin sa pag-iwas na magbabad sa mga digital na gadget at pagbabawas ng screen time.

Pagbalikwas ang trend na ito sa kultura ng brainrot na sinasabing iniluwal ng malaong paglulunoy sa internet, partikular na sa social media.

Tinutukoy ng brainrot ang regresibong kalagayan ng pag-iisip at paghina ng mga kognitibong kakayahan dahil na rin sa labis na paggamit ng internet. Nakaugnay ang brainrot sa praktika ng doomscrolling, isang walang direksyong pagbababad sa baha ng mga content na dumadaloy sa ating mga screen. 

Sa panahon na ang atensiyon ay tinitingnan bilang isang mahalaga at sa gayon ay limitadong resource—kung kaya naman umusbong ang nosyon ng attention economy—may progresibong dimensiyon ang kulturang analog.

Binibigyang-diin dito ang pangangailangang bumalikwas mula sa manipulasyon ng online algorithm na malimit na nagbubulid sa atin sa nakakaparalisang pag-aaksaya ng oras na dapat sana ay nailalaan sa ibang mas produktibong gawain. 

Sa kulturang analog, may pagbibigay-pansin sa kahalagahan ng mga ugnayan at karanasan sa labas ng screen. Inilalatag dito ang posibilidad ng masinsinang pag-uusap, ng interpersonal na interaksiyon, ng maingat na pagbuo ng mga koneksiyon bilang pagbalikwas sa nagmamadaling tempo ng mga ugnayan sa social media. 

Bukod pa rito, ipinapapaalala sa atin ang katahimikan at halaga ng pagkainip bilang balon ng paglikha. Sa panahon ng social media at brainrot content, hindi na tayo binibigyan ng pagkakataong mainip dahil laging nariyan ang ating mga screen upang libangin tayo at punan maging ang maiiksing patlang ng ating pansin. 

May implikasyon ang kulturang analog hinggil sa kahalagahan ng paglilimi at introspeksiyon bilang lunsaran ng pagmumuni at pagpapatalas ng kritikal na pag-iisip. Sa pagsusumikap na maglaan ng espasyo mula sa digital na espero ng content, nakakatagpo tayo ng pagkakataon para sa introspeksiyon. 

Nakadikit din rito ang pagtaliwas sa kultura ng pagmamadali. Dahil na rin sa social media, naikulong tayo sa eternal na kasalukuyan, sa real time na ritmo ng produktibidad.

Lahat tayo ay nagmamadali, nakasakay sa treadmill ng accelerated na pag-iral. Ang oras ay isang mamahaling puhunan sa panahon ng flexibilized na paggawa kung saan binabasag na ang dibisyon sa pagitan ng trabaho at buhay.

Sa kulturang analog, ipinapaalala sa atin ang bisa ng kabagalan, ang kahalagahan ng paggigiit ng halaga ng ating oras na lampas sa komodipikasyon dito ng namamayaning ekonomiyang pag-iral.

Naniniwala ako na, sa kabila ng nakahihibang na brainrot content na dumadaloy dito, may halaga pa rin ang digital na media sa ating buhay, lalo na para sa paglalatag ng progresibong politika. Nananatili itong lunsaran ng mga progresibong ideya at tagahulma ng isang kontra-publikong humahamon sa naghaharing sistema. 

Ngunit may ipinauunawa sa atin ang kulturang analog hinggil sa bisa ng pagbabalik sa mga pagpapahalaga at ugnayang lampas sa kaguluhan ng algorithm at echo chamber na malimit pa nga ay nagluluwal ng pakiramdam ng pampolitikang paralysis.

Sa mga pagpapahalaga at ugnayang ito, sa mga masinsinang pag-uusap at malalim na pag-iisip, sa paglayo sa distraction na inihahapag ng kulturang online, maaari nating mapagtibay ang ating mga kolektibong praktika tungo sa panlipunang pagbabago.