close
Editoryal

Posturang matapang, estratehiyang tuta 


Piliin natin ang pagtatanggol at paglaban para sa ganap na kalayaan at kasarinlan ng bayan mula sa paghahari ng imperyalismo.

Pinutakte ng kritisismo ang pahayag ni Senador Rodante Marcoleta hinggil sa Kalayaan Island Group, bahagi ng disputed maritime area sa West Philippine Sea.

“Hayaan na lang ang Kalayaan Island Group (KIG),” pahayag ng senador sa Ingles, kasunod ng kanyang tingin na sayang ang iaalay na buhay para sa islang nasa labas naman ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ). 

Pumalag ang mga eksperto at kahit ang mismong Department of Foreign Affairs (DFA) ay nanindigan sa lehitimong batayan at pag-angkin ng Pilipinas sa KIG bilang bahagi ng teritoryo ng bansa at saklaw ng West Philippine Sea.

Hindi rin nanahimik ang mismong Sangguniang Bayan ng Kalayaan sa Palawan sa pahayag ng senador. Anila, lantarang pagkalimot ang pahayag sa sakripisyo at kagitingan ng mga mamamayan sa Kalayaan. Kumabig naman agad si Marcoleta at sinabing “abbreviated” o pinaiksi ang kanyang sinabi.

Hibang na hibang si Marcoleta sa pagkampi sa China mula pa sa mga maaanghang na palitan sa pagitan nina Senador Risa Hontiveros, Senador Kiko Pangilinan at iba pang opisyal ng gobyerno ng Pilipinas at embahada ng China. Hindi nakapagtataka kung bakit naging pulutan naman siya ng mga maka-United States (US) na senador at iba pang opisyal ng gobyerno.

Habang todo sa pagpanig si Marcoleta, gayun naman ang todong pagbira ni Hontiveros sa China. Tinawag ng senadorang hindi mabuting bisita ang embahada ng China. Agad itong naghain ng resolusyon ang senadora para kondenahin ang naging kondukta ng Chinese Embassy at hinikayat ang DFA na gumawa ng nararapat na aksiyon sa naging asta ng China. Ani naman ng DFA, naghain na sila ng nararapat na diplomatic protest laban sa China, habang naghain din ang China laban sa atin.

Sa gitna ng kuskos balungos na ito, ipinakilala ng DFA ang kanyang opisyal na tagapagsalita hinggil sa mga isyung pandagat. Sa katauhan ni Acting Deputy Assistant Secretary Rogelio Villanueva Jr., isang dating opisyal ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard, idinidiin ng DFA ang kanyang awtoridad bilang opisyal na boses ng administrasyong Marcos Jr. sa mga usaping rehiyonal at pandaigdig. 

Ngunit sa kabila ng postura ng mapayapa at diplomatikong paraan ng pagresolba ng sigalot sa West Philippine Sea, gayundin ang patuloy na pagbubuyangyang ng Pilipinas sa paglaganap ng base militar ng US. Habang walang tigil sa pagputak ang mga kagaya nina Hontiveros at Jay Tarriela laban sa China, nakabibinging katahimikan naman ang nakukuha natin sa kanila kahit halos gawin na tayong isang malaking base militar ng US para sa heopolitikal na interes nito sa rehiyon. 

Nasaan na nga ba tayo sa laban sa pagprotekta sa ating mga teritoryo at karapatang pangdagat? Mayroon nga bang malinaw na estratehiya ang rehimeng Marcos Jr. para sa paggigiit ng ating tunay na kalayaan at soberanya? Sa tinatakbo ng mga bagay, malinaw na walang ibang alam si Marcos Jr. kung hindi ang magpakatuta sa US at sumunod sa kumpas nito.

Ang ginagawang pagpanig ng rehimeng Marcos Jr. sa US ay lalong naglalagay sa Pilipinas sa gitna ng pag-uumpugan ng dalawang imperyalistang bansa at nagsusuko sa ating pambansang interes. Hanggang pinapanatili ng rehimeng Marcos Jr. ang mga hindi pantay na tratado sa US, sa larangang ekonomiko man o militar, malayong-malayo ang Pilipinas sa pagkakamit ng ganap na nagsasariling patakarang panlabas.

Sa buong mundo, umaani ng mga katunggali at malawak na kritisismo si US President Donald Trump dahil sa kanyang imperyalistang agresyon para monopolisahin ang langis at daloy ng kalakalan. Sinimulan niya na ito sa Amerika Latina at hindi malayong gawin din ang agresyon sa Taiwan at Asya-Pasipiko. Para sa imperyalistang US tautauhan lang ang Pilipinas sa kanyang adhikaing palibutan ang China sa bisa ng kanyang First Island Chain Strategy.

Ngayong taon, nakatakdang muling bumisita ng Pilipinas si Trump. Tiyak na ang pagbisita niya ay magseselyo ng ibayong pagpapakatuta at pag-igting ng pagposisyon ng tropang Amerikano sa bansa. 

Hindi kagaya ng mga nasa posisyon, hindi kailangang mamili ng sambayanang Pilipino sa pagitan ng dalawang imperyalistang bansa. Dapat palayasin kapwa ang China at US sa kalupaan at katubigan ng bansa.

Piliin natin ang pagtatanggol at paglaban para sa ganap na kalayaan at kasarinlan ng bayan mula sa paghahari ng imperyalismo.