close

Tigil-pasada sa buong bansa, ikakasa sa Marso 19


Nagdeklara ang grupong Piston na maglulunsad ito ng nationwide transport strike ngayong darating na Huwebes, Marso 19, dahil sa kawalang aksiyon ng gobyernong Marcos Jr. sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Nagdeklara ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) na maglulunsad ito ng nationwide transport strike ngayong darating na Huwebes, Marso 19.

Tugon ito sa sinasabi nilang kawalang aksiyon ng gobyerno sa gitna sunod-sunod na oil price hike matapos tumindi ang giyerang agresyon ng United States at Israel sa Iran at mga karatig na bansa sa West Asia nitong Pebrero.

“Ang welga at protestang bayan ang subok nating sandata upang maitulak ang kagyat na kahilingan ng mamamayan, at masingil ang inutil na gobyerno,” ani Piston president Mody Floranda

Paliwanag ni Floranda, wala nang kikitain ang mga tsuper at opereytor dahil sa arawan nilang gastos sa langis. Sa loob lamang ng dalawang linggo, sumirit ng P38 hanggang P48 kada litro ang diesel, P20 hanggang P27 ang gasolina at P39 hanggang P46 ang kerosene.

Pumapatak sa P114 kada litro ang diesel habang mahigit P90 naman ang gasolina. Maraming mga tsuper at kahit pa mga rider at drayber ng mga ride hailing app ang ‘di na makabiyahe dahil malulugi lang, paliwanag ng grupo.

Kasabay ng tigil-pasada, magkakasa rin ng protestang bayan ang iba’t ibang mga apektadong sektor sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan.