close
Editoryal

Langis at giyera


Apektado ng mga taas-presyo sa langis ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pinoy dahil nakaasa ang ating bansa sa pag-aangkat ng langis mula sa mga bansa sa Kanlurang Asya.

Biglang sumirit ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas kasunod ng mga atake ng United States (US) at Israel sa Iran. Kahit mayroon pang nakaimbak na langis na sapat para sa isang buwan, nagkaroon agad ng taas-presyo matapos simulang salakayin ang Tehran, kabisera ng Iran, at iba pang lungsod at bayan noong Peb. 28.

Tumaas ng P1.90 ang kada litro ng gasolina, P1.20 ang diesel at P1.50 ang kerosene noong Marso 3. May nakaamba ring pagtaas sa Marso 10 na tinatayang P5.70 sa gasolina at P9.50 sa diesel. Inaasahan pang tataas ang mga presyo dahil na rin sa tensiyon sa Kanlurang Asya na pakana ng imperyalistang US at ng kasabwat nitong Zionistang Israel.

Gumanti ang Iran sa mga atake ng US at Israel sa pamamagitan ng pagpuntirya mga lungsod ng Tel Aviv at Haifa sa Israel at sa apat na base militar ng US sa mga bansang Qatar, Kuwait, Bahrain at United Arab Emirates. Isinara na rin ng Iran ang Strait of Hormuz na lagusan ng Persian Gulf. Dumadaan dito ang 20% hanggang 30% ng suplay ng langis sa buong mundo.

Bago ang atake sa Iran noong Peb. 28, nasa $72 hanggang $73 kada bariles ang presyo ng krudo na naging $77 hanggang $80 kada bariles matapos sumalakay ang US at Israel. Inaasahan pang tataas ang presyo ng krudo dahil sa pagsasara ng Strait of Hormuz.

Apektado ng mga taas-presyo sa langis ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pinoy dahil nakaasa ang ating bansa sa pag-aangkat ng langis mula sa mga bansa sa Kanlurang Asya.

Nag-aangkat ang Pilipinas ng nasa 125,000 bariles ng krudo kada araw o 45 milyon hanggang 46 milyong bariles kada taon ayon sa datos noong 2024. Ibig sabihin, tinatayang $3.7 bilyon kada taon ang halaga ng krudong inaangkat natin. At sa pagtaas ng presyo nito dahil sa sigalot sa rehiyong pinagkukuhanan natin ng suplay, mas malaki pa ang maaaring gastos.

Hindi malabong mauuwi sa pagsirit ng mga presyo ng bigas, asukal, gulay, isda, karne at iba pang batayang bilihin ang malaking pagtalon ng halaga ng krudo. Higit ding maaapektuhan ang singil sa kuryente at iba pang yutilidad.

Dagdag pa ang pabigat na value-added tax at excise tax na ipinataw ng gobyerno sa langis. Kaya’t patuloy na iginigiit ng mga militanteng grupo sa Pilipinas ang pagtatanggal ng mga buwis na ito para agarang mapababa ang presyo.

Ngunit hindi lang buwis na ipinapasa sa publiko ang sanhi ng mataas na presyo ng langis dahil isinuko mismo ng gobyerno ang kapangyarihan nitong magtakda ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at pribadong sektor sa bisa ng Oil Deregulation Law.

Samakatuwid, hindi lang dapat igiit ang pagtatanggal ng mga buwis sa langis, kinakailangan ding ibasura ang batas at patakaran na nagbibigay poder sa mga kompanya ng langis na pagsamantalahan ang publiko sa tuwing tataas ang presyo sa pandaigdigang merkado.

Kinakailangan ng pagsasabansa sa industriya ng enerhiya upang mas maging mababa at makatarungan sa mamamayan ang presyo ng langis at kuryente na mahalaga sa pagpapatakbo ng ekonomiya.

At lalong kinakailangang tutulan at kondenahin ng mga mamamayan ng mundo ang mga giyerang agresyon ni Donald Trump ng US sa mga bansa sa Amerika Latina at Kanlurang Asya, kagaya ng Venezuela at Iran na kapwa mayaman sa langis.

Hindi pagtatanggol sa daigdig ang pagsalakay sa Iran nina Trump at ng tuta nitong si Benjamin Natenyahu ng Israel. Bahagi ito ng mas malawak na estratehiya ng US para kontrolin ang mga bansang sagana sa langis at iba pang mahahalagang rekurso. Bahagi ito ng plano ng US na pagharian ang mundo para sa sarili nitong ganansiya.

Hindi na tayo dapat maniwala sa buladas ng US. Nakita na natin ito sa Iraq at Afghanistan sa nagdaang dalawang dekada. Ang mga imperyalistang giyera sa mga bansang ito’y walang ibang inihatid kundi kamatayan at pagkawasak ng mga inosenteng buhay.

Patong-patong ang mga krisis na nilikha ng kasakiman ng imperyalistang US. At makatarungang tumindig kasama ng iba pang aping mamamayan ng daigdig para labanan ang paghahasik ng lagim ng US at ng mga tutang rehimen nito mula Amerika Latina, Kanlurang Asya hanggang dito sa Asya-Pasipiko.