close
Editoryal

Implasyon ng kainutilan


Hindi pa tapos ang krisis. Sa susunod na hati ng taon, mas iindahin ng mamamayan ang epekto ng giyerang agresyon ng US at Israel sa Iran. 

Sumirit ang inflation sa bansa dahil inutil si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Walang silbi ang tingi-tinging pasiklab ng administrasyon sa harap ng pagtaas ng presyo ng bilihin. Imbis na bigyang-alwan, ipinakarga pa ang bigat ng krisis sa masang Pinoy.

Naitala ng Philippine Statistics Authority ang 7.2% inflation nitong Abril, tripleng pagtaas mula sa 2.4% noong Pebrero. Pinakamataas na itong pagsirit ng presyo mula Marso 2023. Halos doble ito ng 2% hanggang 4% na inflation target ng gobyerno. 

Tinatayang 8.5% ang katumbas na inflation para sa 30% ng mga Pinoy na kabilang sa pinakamahihirap na pamilya.

Pinakamalaki ang naitalang taas-presyo sa pagkain at petrolyo. Pinakamabigat itong kinarga ng pinakamahihirap na pamilyang Pinoy. Ayon sa Ibon Foundation, sumirit nang 122.7% ang presyo ng diesel, 59.6% sa gasolina, habang 45.8% sa LPG. Tumaas naman nang 13.7% ang presyo ng bigas at 9.4% sa isda. Gulpi de gulat rin ang biglang sirit sa singil ng kuryente at tubig.

May State of National Energy Emergency, pero mga kompanya ng langis, malalaking negosyo at mga politiko lang ang naisalba. Habang ang mamamayan, tirik ang mata, naghihingalo na sa patong-patong na pahirap at kawalang aksiyon.

Walang napala sa baryang ayuda, fuel subsidy, fare discount, service contracting at iba pang papatse-pate at patingi-tinging aksiyon ni Marcos Jr. Puro pasiklab at paandar para umastang may tugon sa krisis, pero tinatanggihan naman ang pangmatagalang solusyon at kagyat na alwan sa mamamayan. 

Tinatayang 21.4 milyong low-income at middle class na pamilyang Pinoy ang pinakamatinding tinamaan ng krisis. Pero halos 7% lang ng mahihirap at bulnerableng Pinoy ang nabigyan ng ibinibidang “targeted” na ayuda ng administrasyon.

Ayuda na nga lang ang ambag, bitin pa! Walang inilaang pondo si Marcos Jr. para sa idineklara niyang “emergency”? Ang ibinibidang ayuda at subsidyo, galing sa pondong dati nang nakatakdang ipamigay bago pa ang krisis. 

Ang pagsirit ng presyo ng petrolyo, magpapatuloy pa. Pero ang pondo ng gobyerno, ubos na. 

Dalawang linggo lang ang itinagal, at 12,219 lang ang nakinabang, sa P1 bilyong pondo para sa programang service contracting ng Department of Transportation. Ngayon, humihingi pa ng dagdag P5 bilyon ang ahensiya para maituloy ang programa hanggang Hulyo.

Sa mga lumabas na sarbey, taas-presyo ng bilihin at dagdag-sahod ang pinakagustong matugunan ng mamamayan. Pero inutil ang administrasyong Marcos Jr. sa  pangangailangan ng mamamayan. Mas gusto niyang magkandarapa ang masa sa mga pila ng ayuda, kaysa magpatupad ng pangmatagalan at makabuluhang tugon.

Parating palusot ni Marcos Jr. na “walang magagawa” ang gobyerno sa epekto ng giyera sa Iran. Pero sabi nga ng matatanda, “Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.”

Hindi aabot sa napakataas ang tantos ng inflation kung pinakinggan ni Marcos Jr. ang panawagan ng mamamayan para kontrolin ang presyo at magbigay ng makabuluhang alwan sa krisis.

Paulit-ulit magpabida ang administrasyon na walang dapat ikabahala sa suplay ng langis. Hindi naman talaga problema ang suplay. Ang problema, espekulatibo at labis-labis na presyo! May nakukuhang murang suplay mga kompanya ng langis, pero ibinebenta sa napakamahal na presyo.

Inutil si Marcos Jr. sa presyuhan ng langis dahil sa Oil Deregulation Law, na nagtatanggal sa kapangyarihan ang gobyernong kontrolin ang presyo ng langis. Ang trabaho na lang ng Department of Energy, tagapagpalusot ng labis-labis na taas-presyo ng oil cartel at tagapagpabida ng mga katiting na rollback.

Kaya ring kontrolin ang presyo ng bigas at pagkain kung ibabasura ang mga batas na pumapatay sa lokal na agrikultura at kung magbibigay ng makabuluhang suporta sa mga magsasaka. Pero pinapanatili ni Marcos Jr. ang Rice Liberalization Law, pagdikta ng presyo ng mga rice cartel at ang walang habas na importasyon at smuggling.

Kayang kontrolin ang singil sa kuryente. Pero ayaw ding ibasura ni Marcos Jr. ang Electric Power Industry Reform Act na nagtatanggal sa kapangyarihan ng gobyerno na kontrolin ang singil ng Meralco at iba pang power distribution utilities.

Umaabot sa P450 hanggang P550 buwan-buwan ang kinikikil ng gobyerno na value-added tax at excise tax sa produktong petrolyo sa 14 milyong pamilyang mahihirap. Pero imbis na bigyang-alwan ang masa, tumanggi si Marcos Jr. na alisin ang buwis sa langis, kesyo mawawalan daw ng kita ang gobyerno. 

Kayang mabawasan ang epekto ng krisis sa mamamayan kung itataas ang sahod ng mga manggagawa. Pero tinanggihan pa rin si Marcos Jr. ang panawagang P1,200 na national minimum wage. Kesyo magdudulot daw ng taas-presyo, na para bang hindi pa labis-labis ang tantos ng inflation kahit deka-dekada nang binabarat ang sahod ng mga manggagawang Pinoy.

Hindi pa tapos ang krisis. Sa susunod na hati ng taon, mas iindahin ng mamamayan ang epekto ng giyerang agresyon ng US at Israel sa Iran. 

Nakatakda nang tumaas ang presyo ng pangunahing bilihin ngayon Mayo. Tataas din ang presyo ng bigas sa paparating na buwan dahil sa taas-presyo ng fertilizer. Makakaapekto rin sa presyo ng pagkain, kuryente at tubig ang tagtuyot na dala ng “super El Nino.”

Inaasahan na ng mga ekonomista na mas tataas ang tantos ng inflation sa mga susunod na buwan. Kung magpapatuloy ang kainutilan ni Marcos Jr. sa krisis, saan na lang pupulutin ang masang Pinoy?