Dating gawi
Palala nang palala ang pinsala ng paulit-ulit na baha sa buhay ng mga Pilipino. Pero palala rin nang palala ang gasgas at inutil nang tugon ng administrasyon.
Paulit-ulit na malulubog sa baha ang mga Pinoy hangga’t paulit-ulit ang kawalang-pananagutan sa korupsiyon, kapabayaan at pagwasak sa kalikasan.
Isang taon mula nang mabuking ang korupsiyon sa flood control projects ng gobyerno, lubog na naman ang malaking bahagi ng bansa. Pinakamatinding sinalanta ang Gitnang Luzon, National Capital Region at Calabarzon. Sinasabing isa na ito sa pinakamatinding pagbaha na naranasan sa naturang mga rehiyon.
Tumambad ang kalunos-lunos na sinapit ng mamamayan. Mga inanod na bahay, ari-arian at mga tao. Mga nawasak na imprastruktura at nalubog na sakahan. Mga istranded na biyahero sa expressway at mga ospital na apaw sa pasyenteng may leptospirosis.
Palala nang palala ang pinsala ng paulit-ulit na baha sa buhay ng mga Pilipino. Pero palala rin nang palala ang gasgas at inutil nang tugon ng administrasyon.
Dating gawi. Uulan, babaha. Magkukuwenta ng halaga ng pinsala, magbibilang ng mga nasalanta, nawawala, namatay.
Dating gawi. Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maghehelicopter sa mga nasalantang lugar, mamimigay ng ayuda at mangangako ng solusyon. Si Secretary Vince Dizon, magmumura at manenermon sa mga kontraktor at tauhan ng sarili niyang ahensiya. Si Undersecretary Claire Castro, magpepresscon para humirit sa mga kritiko, hugasan ang kamay ng palasyo at sisihin ang kung sino-sino, pati karaniwang tao.
Sa harap ng nagbabagong klima, totoong mas titindi ang mga pagbaha. Pero kayang bawasan ang pinsala nito sa buhay ng mamamayan kung may siyentipiko, makatao at makakalikasang tugon ang pamahalaan. Lalong hindi ito palusot para maghugas-kamay at magpatuloy sa korupsiyon at kawalang-pananagutan.
Dating gawi. Pagtila ng ulan, paghupa ng baha, malilihis na ang ulo ng mga balita.
Dating gawi. Walang mapapanagot.
Paulit-ulit ang pagbaha kahit kaliwa’t kanan ang ginawang imbestigasyon ng Senado at Kamara. Kahit nabuo, pero kalauna’y binuwag din, ang Independent Commission on Infrastructure. Kahit nakulong na ang mga Discaya, sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, at mga sangkot na kawani ng DPWH. At kahit kinasuhan na rin sina Zaldy Co at Martin Romualdez.
Hindi totoong napanagot ang lahat ng sangkot sa pangungurakot sa mga proyektong kontra-baha. Ginamit lang ni Marcos Jr. ang retorika kontra-korupsiyon para ibaling sa mga kalaban niya sa politika ang pananagutan, habang pinapagtakpan ang korupsiyon ng sarili niyang administrasyon.
Walang napanagot sa nabuking na sistema ng “allocables” at “budget insertions” na si Marcos Jr. ang pumipirma. Kahit ang panukalang badyet para sa 2027, batbat ng maanomalyang pondo sa flood control, confidential at intelligence funds, at pork barrel. Dating gawi, iniba lang ang tawag!
Wala ring napapanagot sa mga dambuhalang korporasyon sa likod ng mga proyektong mapaminsala sa kalikasan. Sa ilalim ni Marcos Jr, hinikayat at dumami pa nga ang reklamasyon, minahan, quarrying, renewable energy projects, land-use conversion, dredging at iba pang proyektong nagpalala ng pagbaha.
Sa harap ng nagbabagong klima, totoong mas titindi ang mga pagbaha. Pero kayang bawasan ang pinsala nito sa buhay ng mamamayan kung may siyentipiko, makatao at makakalikasang tugon ang pamahalaan. Lalong hindi ito palusot para maghugas-kamay at magpatuloy sa korupsiyon at kawalang-pananagutan.
Pagtila ng ulan at paghupa ng baha, ang mamamayan, maglilimas ng putik, isasalba ang mapapakinabangan, aayusin ang nasira, babangon. Obligadong magpakatatag ang mga Pinoy dahil tiyak, sa susunod na pag-ulan, baha na nanaman.
Kanya-kanya, at hindi daw dapat iasa sa gobyerno ang pagtugon sa kalamidad, sabi ng gobernador ng nakalubog na Pampanga. Pero wala naman na talagang inaasahan ang mamamayan sa gobyerno. Ang mayroon sila, sama-samang galit sa korupsiyon at kawalang pananagutan.
Isang taon na mula nang makasaysayang protesta kontra-korupsiyon sa Luneta at EDSA, patuloy ang paniningil ng mamamayan. Hangga’t hindi napapanagot ang lahat ng sangkot sa korupsiyon at pagkawasak ng kalikasan, paulit-ulit ding babaha ng milyon-milyong Pinoy lansangan. Dating gawi.