Kasong rebelyon laban sa NL 7, ibinasura
June 1, 2023
Ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) sa Bangued, Abra ang kasong rebelyon laban sa anim na aktibista at isang community journalist mula sa Ilokos at Kordilyera matapos makita ang kakapusan ng ebidensya.
Sa desisyong inilabas noong Mayo 11, ibinasura ni Judge Corpuz Alzate ang kasong rebelyon ng tinaguriang “Northern Luzon 7” o NL 7 na sina Cordillera Peoples Alliance (CPA) chairperson Windel Bolinget, mga CPA regional council member na sina Jennifer Awingan at Stephen Tauli, mga development worker na sina Lourdes Gimenez, Sarah Abellon-Alikes at Florence Kang at Northern Dispatch Ilocos correspondent na si Niño Oconer.
Matatandaang inaresto ng pulisya si Awingan noong Enero 30 sa kanilang tahanan sa Baguio City matapos ilabas ng Bangued RTC ang warrant of arrest laban sa kanya at sa anim pang nabanggit.
Iniuugnay ng Philippine Army ang pito sa kanilang engkuwentro laban sa New People’s Army noong Oktubre 27, 2022 sa Malibcong, Abra. Ngunit kuwinestiyon ng hukuman ang alegasyong ito na isinampa ng Philippine Army sa piskalya noong Enero 30.
Ikinalugod naman ni Bolinget ang desisyon. “Ito na sana ang huling gawa-gawang kaso laban sa akin, sa aking mga kasamahan at lahat ng aktibista,” aniya sa Ingles.
Nanawagan din si Bolinget na ibasura na ang lahat ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at iginiit na bahagi ang demokrasya ang aktibismo.
Samantala, nababahala ang Northern Dispatch sa kaligtasan ng kanilang mga kasamahan at iba pang nagiging biktima ng red-tagging, harassment at mga gawa-gawang kaso.
“Hanggang hindi napananagot ang mga sinungaling sa kanilang panlilinlang at pagpapahirap sa mga taong sinasampahan nila ng mga gawa-gawang kaso, magpapatuloy ang inhustisya,” ayon sa pahayag ng Northern Dispatch sa Ingles.