Tala-Salitaan 0522 | Balikatan Excercise

June 7, 2023

Balikatan Exercise – taunang magkasamang pagsasanay ng mga puwersang militar ng Pilipinas at United States (US).  Naging pundasyon ang mga pagsasanay ng relasyong militar ng Pilipinas at US mula nang isara ang mga base ng Amerika sa Pilipinas.

Ito na ang ika-38 pag-ulit ng taunang bilateral exercise mula nang ito’y sinimulang isagawa noong 1951, alinsunod sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Pilipinas at US.

Nagsimula ang tatlong linggong military exercise noong Abril 11-28 sa mga lugar sa Northern Luzon, Palawan at Antique.

Sa kabilang banda, naalarma ang anti-imperyalistang grupo ng kabataang-estudyante na League of Filipino Students (LFS) na ang mga pagsasanay na ito sa digmaan ay mauuwi sa isang chain reaction at mailalagay ang Pilipinas sa pagitan ng US at China.

“Ang mga agresibong hakbang na ito ng US para patatagin ang kontrol nito sa Pilipinas ay nagdudulot ng galit sa karibal nito, ang China. Ang higanteng pang-ekonomiya ay itutulak na gumawa ng matinding mga hakbang upang mapanatili ang saklaw ng impluwensya nito sa rehiyon ng Asia-Pacific, na kung saan ay isasalin sa isang mas mahigpit na paghawak sa West Philippine Sea (WPS),” pahayag ng LFS.

Tinuligsa naman ng progresibong grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang Balikatan exercise na tinatawag na “Salaknib” sa pagitan ng Pilipinas at US dahil maaari itong magdulot ng regional geopolitical tension at lumabag sa soberanya ng bansa.

“Kung ang gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ay may layunin na ipagtanggol ang ating mga maritime na teritoryo sa West Philippine Sea, dapat itong mahigpit na igiit ang diplomatikong paraan na kinabibilangan ng paggamit ng desisyon ng UN tribunal upang kontrahin ang mga agresibong aksyon ng China,” ayon sa Bayan. 

Para sa Bayan, kontra-produktibo ang mga pagsasanay sa Balikatan dahil ito ay magastos, at ang badyet ay dapat gamitin upang tugunan ang gutom, kahirapan at pagtaas ng mga presyo sa halip na mag-host ng mga sundalo mula sa mga dating kolonyal na aggressor ng bansa.

Sa isang kalatas ng Bienvenido Vallever Command-New People’s Army Palawan (BVC-NPA Palawan) mariing kinukundena ang kasalukuyang nagaganap na Balikatan exercise sa WPS sa pagitan ng mga mersenaryong tropa ng imperyalismong US, Pilipinas at Australia.

Sa pagsusuri ng BVC-NPA Palawan, sa esensya, pagpapaigting ito ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas at tahasang paglabag sa soberanya ng bansa.

Nakatudla ang mga pagsasanay militar sa pagpapataw ng mas malaking kapangyarihan ng US sa Asya upang maghanda sa napipintong inter-imperyalistang digmaan. Hindi nito layunin na depensahan o ipagtanggol ang Pilipinas, ni ang tulungan ang bansa na magmodernisa sa depensa nito.

Ang pagsasanay ng mas malaking bilang ng tropang Amerikano sa tereyn at dagat ng Pilipinas ay upang makapagpamilyarisa ito sa teritoryong saklaw ng Pilipinas na inihahanda niyang lunsaran ng digma laban sa China at digma laban sa sambayanang Pilipino.

Sa ganitong senaryo, paniguradong maiipit sa pagitan ng dalawang imperyalistang higante ang Pilipinas.

Nagaganap ang pagsasanay matapos na ideklara ni Marcos Jr. ang apat na lugar na tatayuan ng base militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (Edca), dagdag sa naunang lima sa ilalim ng rehimeng US-Aquino.

Dagdag pa rito, magiging bahagi rin ang Edca ng mas malaking kalakaran ng agresyon sa administrasyong Biden patungo sa China at mga armadong rebelde sa loob ng Pilipinas.

Natatangi ang Palawan sa rehiyon ng Mimaropa sa lulunsaran ng mga aktibidad militar nito, kasama ang Northern Luzon, Central Luzon at Western Visayas. Matatandaang kabilang ang Balabac Islands sa Palawan sa bagong pagtatayuan ng mga base militar ng US bilang pangharap sa WPS, dagdag sa Antonio Bautista Air Base at Naval Station Carlito Cunanan sa Puerto Princesa City.

Tulad ng nakaraan, ipapakita at pagtitibayin ng kasalukuyang Balikatan ang kontrol ng US sa doktrina at mga operasyon ng Armed Forces of the Philippines, kabilang ang Western Command na isa sa mga mayor na kalahok kasama ng Northern Luzon Command at Visayas Command.

Paiigtingin nito ang pagpapatupad ng mga operasyong kontra-insurhensya na bibiktima sa mga sibilyang Palaweño, dagdag ng BVC-NPA Palawan.

Tinaguriang pinakamalaki ang Balikatan exercise ngayon dahil mahigit 17,000 sundalo ang lalahok dito na nasa 12,000 mula sa US, 5,400 sa Pilipinas at 100 sa Australia.

Sa katotohanan, ang mga ehersisyong pandigma ay nagpapatindi lamang sa lokal na tunggalian, mga pang-aabuso sa karapatang pantao, matinding militarisasyon at katiwalian sa militar.

Ang mga armas na ginamit sa mga pagsasanay ay maaaring itutok ng gobyerno habang itinutuloy nito ang brutal na programang kontra-insurhensya.