Husgahan Natin

Ligal at iligal na pagtanggal ng manggagawa

June 7, 2023

Sa mga nagdaang taon, maraming mga kompanya ang napilitang magsara dahil sa kakapusan ng kanilang kita. Ngunit marami pa ring kompanya ang patuloy sa kanilang operasyon.

Dangan nga lang at napilitan silang magbawas ng empleyado upang maiwasan o mabawasan ang kanilang pagkalugi. Retrenchment ang tawag dito.

Ngunit hindi basta-basta lamang na makapagbawas ng tao ang isang kompanya. May mga alituntuning nakasaad sa batas para maging ligal ito.

Nitong Pebrero 22, 2023, sa kaso ng “Keng Hua Paper Products Co. Inc. vs. Carlos E. Ainza, et. al.” (GR No. 224097), tinalakay muli ng Korte Suprema kung kailan maaaring magbawas ng manggagawa ang isang kompanya dahil sa pagkalugi.

Sa nasabing kaso, sina Carlos at kanyang mga kasama ay manggagawa ng isang kompanyang gumagawa at nagtitinda ng mga paper product sa Malabon City.

Sila ay matagal nang regular sa kanilang mga trabaho. Isang araw, matapos ang halos 10 taon sa kompanya, bigla na lamang silang hindi pinapasok ng mga security guard.

Hindi rin sila pinayagan ng mga guwardiya na makausap ang kanilang mga tagapamahala para malaman ang dahilan ng kanilang biglaang pagkatanggal.

Sabi ng kompanya, ligal ang pagkatanggal nina Carlos sa kanilang trabaho dahil masyado itong naapektuhan sa nangyaring mga baha dulot ng bagyong Ondoy.

Bago pa man ang Ondoy, nabawasan na raw ang kita ng kompanya na mapapatunayan sa kopya ng mga income tax return na isinumite nito sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Kinilala rin daw ng unyon ng mga manggagawa sa kompanya ang epekto ng bagyo sa kita ng kompanya.

Ngunit dalawang taon matapos ang bagyong Ondoy, lumagda sa bagong collective bargaining agreement ang management ng kompanya at ang unyon ng mga manggagawa dito.

Makikita rin sa mga income statement ng kompanya sa mga panahong ito na patuloy ang operasyon nito pagkatapos ng bagyong Ondoy.

Kaya nagsampa ng kasong illegal dismissal sina Carlos laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter dahil walang batayan ang kompanya sa ginawa nitong pagtanggal sa kanila batay sa retrenchment.

Sa hatol ng Labor Arbiter, sinabi nito na hindi plinano ng kompanya ang pagtanggal kina Carlos. Ang pagtigil sa trabaho ng isang manggagawa upang maiwasan ang pagkalugi ng kompanya ay isa sa mga authorized cause sa ilalim ng Labor Code.

Ibinasura ng Labor Arbiter ang demanda nina Carlos. Ganunpaman, inutos ng Labor Arbiter ang pagbayad sa kanila ng separation pay.

Hindi nagustuhan nina Carlos ang hatol ng Labor Arbiter at kanilang inapila ito sa National Labor Relations Commission ngunit ganoon pa rin ang desisyon. Inakyat nila ito sa Court of Appeals.

Pagdating sa Court of Appeals, binaliktad nito ang hatol. Ayon sa Court of Appeals, hindi sumunod ang kompanya sa mga rekisito para magkaroon ng tamang retrenchment.

Ang kompanya naman ngayon ang pumunta sa Korte Suprema.

Sa naging hatol ng Korte Suprema, nilinaw na para pumasok sa tamang retrenchment program ang isang kompanya, kailangang patunayan na ang pagtanggal sa empleyado dahil sa retrenchment ay talagang kailangan upang maiwasan ang pagkalugi. Mapapatunayan ang pagkalugi sa pamamagitan ng mga audited financial statement.

Kailangan ding magbigay ng written notice ang kompanya sa Department of Labor and Employment (Dole) at sa mga manggagawa isang buwan bago ipatupad ang tanggalan.

Kailangan ding bayaran ng separation pay ang mga manggagawa na matatanggal sa halagang kalahating buwan sa bawat taong serbisyo ng huli sa kompanya.

Kailangan din na ang pagtanggal sa mga manggagawa ay hindi paraan ng kompanya para malabag ang kanilang right to security of tenure.

At kailangang gumamit ng makatarungang pamantayan ang kompanya para malaman kung sino sa mga manggagawa ang matatanggal at sino ang mananatili.

Hindi nasunod ng kompanya ang mga batayang nabanggit para magkaroon ng tamang retrenchment para sa mga manggagawa, sabi ng Korte Suprema.

Walang naipakita na mga audited financial statement ang kompanya para patunayan ang posibleng pagkalugi nito.

Wala ring patunay na nakapagbigay ng written notice sa Dole at sa mga manggagawa 30 araw bago ipinatupad ang retrenchment.

Wala ring patunay na nakapaglunsad ng ibang paraan bago ipinatupad ang retrenchment. Wala rin itong patunay na binayaran sina Carlos ng kanilang separation pay.

At lalong walang maipakitang patunay na gumamit ng makatarungan at rasonableng pamantayan ang kompanya para malaman kung sino ang tatanggalin at sino ang mananatili.

Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals na iligal ang pagkatanggal kina Carlos at dapat lamang silang ibalik bukod pa sa pagbabayad ng kanilang back wages.

Harinawa ay makatulong sa atin ang kasong ito sa pag-alam natin ng mga batayan para sa tamang retrenchment sa isang kompanya.