Pabilisin ang paglaya ni Tatay Gerry–Kapatid
June 21, 2023
Tumungo ang grupong Kapatid-Families and Friends of Political Prisoners nitong Hunyo 20 sa Korte Suprema upang magbigay liham at ipanawagan ang pagpapabilis sa proseso ng paglaya ng pinakamatandang political prisoner sa bansa na si Gerardo “Tatay Gerry” Dela Peña, 84 taong gulang.
Ibinigay ng grupo kina Chief Justice Alexander Gesmudo at Senior Associate Justice Marvic Leonen ang liham na nakikiusap na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang mapabilis ang proseso ng paglaya ni Dela Peña dahil sa lumalala nitong kondisyon at hindi makataong kalagayan sa loob ng piitan.
Inaresto noong Marso 21, 2013 si Dela Peña sa Vinzons, Camarines Norte matapos pagbintangan sa salang pagpatay sa kaniyang pamangkin.
Sa edad na 74, hinatulan si Dela Peña ng reclusion perpetua o 20 hanggang 40 taong pagkakakulong at kasalukuyang nakapiit sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Batay sa datos ng Kapatid, si Dela Peña ang pinakamatanda sa mahigit 800 na mga political prisoner sa buong bansa.
Ayon kay Kapatid spokesperson Fides Lim, sa isang dekada ni Dela Peña sa Bilibid, lumalala na ang mga karamdaman nito sa paningin at pag-ubo na may kasamang dugo.
Dagdag pa ni Lim na nagpadala rin sila ng liham kay Justice Secretary Boying Remulla kaugnay sa kaso ni Dela Peña ngunit hindi pa sila nakatatanggap ng tugon mula rito, gayundin sa iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Gayunpaman, matapos dumulog ng grupo sa Bureau of Corrections nito lamang Hunyo 13, sinigurado ng mga opisyal ng ahensiya na bibigyang gabay ang grupo kung paano mapalalaya si Dela Peña.
Nagpahayag din ang grupo na palayain iba pang persons deprived of liberty (PDLs) tulad nina Maoj Maga at Bob Reyes, mga unyonista na kasulukuyang nasa piitan dahil sa mga gawa-gawang kaso.
Patuloy ding nanawagan ang grupo na aprubahan na ng Korte Suprema ang writ of kalayaan na magsisilbing malaking tulong sa pagpapalaya ng mga PDL na nakararanas ng matinding problema sa loob ng kulungan o sa kalusugan.