Transport groups: Labanan ang ‘bogus’ na PUVMP

July 17, 2023

“Sana basahin, at pag-aralan at isama ngayong darating na ikalawang Sona ng administrasyon at umasa na sana tingnan niya yung kalagayan ng sektor ng transportasyon,” wika ni Piston chairperson Mody Floranda sa dokumentong ibinigay sa Malacañang. Larawan ni Deo Montesclaros.

Pagbasura sa minadali at kontra-mamamayang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ang sigaw ng tsuper at operator sa State of the Transport Address (Sota) nitong Hulyo 17.

“Magsusumite tayo sa Office of the President, para isa man lang sa mga matalakay niya sa kanyang ikalawang Sona (State of the Nation Address) at unang taon ng administrasyon ‘yong pitong pangunahing kahilingan natin,” ani Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) chairperson Mody Floranda.

Ayon sa Department Order 2017-011 o Omnibus Franchising Guidelines (OFG) ng Department of Transportation (DOTr) ay sapilitang ipapaloob sa isang franchise consolidation na tuluyang magapawalang-bisa sa mga indibidwal na prangkisa ng maliliit na tsuper at operator. Sa kasalukuyan, hanggang sa katapusan ng taon na lamang sila maaaring mamasada.

Sa seven-point agenda sa pagbabasura ng OFG, pagbabalik sa limang taong prangkisa ng mga dyip mula sa kasalukuyang pamimigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng temporary permit to operate at provisional authority at ang sistemang “sale and transfer” upang maipangalan ang mga unit ng dyip sa mga operator na nakabili.

Nais din nilang irepaso ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) upang makabalik ang ilang jeepney, operator and driver’s association (JODA) sa dati nilang ruta, pagsuspinde ng bayad sa late filing bilang konsiderasyon sa mga sumadsad na kabuhayan ng mga tsuper at operators noong pandemya at suporta sa pamamagitan ng ayuda. 

Ayon kay Floranda, nauna na silang nagpasa ng dokumento ng kanilang mga kahilingan sa LTFRB noong Hunyo 19 at sa DOTr noong Hulyo 3.

“Sana basahin, at pag-aralan at isama ngayong darating na ikalawang Sona ng administrasyon at umasa na sana tingnan niya yung kalagayan ng sektor ng transportasyon,” wika ni Floranda sa dokumentong ibinigay sa Malacañang.

Panimulang aktibidad ang Sota ng mga transport groups patungo Sona ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24.