Dekanong Makabayan

Bilanggong politikal sa bagong Pilipinas

July 20, 2023

Sa susunod na Lunes, Hulyo 24, 2023, sasabihin sa atin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tayo ay “Bagong Pilipinas.”

Ayon sa Memorandum Circular No. 24, hinihingi ng Bagong Pilipinas ang malalim na pagbabago sa ating lipunan at gobyerno upang mapabuti ang polisiya at ekonomiya. Ayon din dito, kinakatawan ng maaasahan at prinsipyadong pamahalaan na tutulungan ang mga Pilipinong abutin ang kanilang mga layunin ang Bagong Pilipinas.

Kung ang ideyang ito lang ang pag-uusapan, mabuti naman. Ngunit kailangan nating tingnan ang katotohanan, partikular sa ating mga bilanggong politikal.

Ayon sa datos ng Karapatan nitong Hunyo, mayroong 778 na bilanggong politikal sa Pilipinas. Sa mga ito, 49 ang hinuli sa kasalukuyang administrasyon. Maraming Pilipino ang ikinukulong dahil sa kanilang mga politikal na paniniwalang salungat sa gobyerno.

Sa ilalim ng batas militar ni Marcos Sr., maraming aktibista ang iligal na inaresto dahil sa kanilang paglaban sa diktadura. Patuloy pa rin ang parehas na pagpapatahimik. Habang hindi nakasing-dali manghuli nang walang warrant, ginagawan naman ng trumped-up charges ang mga hinuhuli.

Hindi lamang kalayaan ang ninanakaw sa mga bilanggong politikal, kundi pati na ang karapatan nilang alagaan ang kanilang mga mahal sa buhay.

Isang halimbawa si Leila de Lima na dating senador at oposisyon ni Duterte. Anim na taon na siyang nakakulong at may tatlo siyang kasong kaugnay ng droga. Na-dismiss na ang una noong 2021 at napawalang-sala na siya sa pangalawa nitong Mayo. Sa kabila nito, ayaw pa rin siyang pagpiyansahin ng korte.

Marami na ring aktibista ang nakasuhan ng illegal possession of firearms and explosives. Kadalasang ginagamit ang kasong ito na trumped up charge. Noong 2020, lima ang inaresto sa Leyte dahil dito. Hinuli sina Frenchie Cumpio na community journalist, Mira Legion na chairperson ng Anakbayan sa Eastern Visayas, Marissa Cabaljao na secretary general ng People Surge Alliance-Eastern Visayas, Alexander Abinguna at Marielle Domequil.

Parehas ang kaso ni Alexandrea Pacalda noong 2019, isang youth activist sa lalawigan ng Quezon. Noong Marso 15, hinatulan na siya ng reclusion perpetua.

Nire-red-tag din ang mga bilanggong politikal. Madalas na tinatawag ng militar at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na “terorista” o “NPA” (New People’s Army) ang mga nahuhuli. Ngunit mga aktibista na tumutulong sa mga komunidad ang mga ito. 

Nakakabigo ang justice system natin na pinapaboran ang pag-aresto sa mga lumalaban para sa katarungan. May mga bilanggong politikal nga na tumanda o nagkasakit na dahil sa tagal nilang nakakulong.

Sa kaso ni Reina Mae Nasino, dahil sa paghuli sa kanya, nawalan siya ng anak. Noong 2019, hinuli si Reina Mae kasama sina Alma Moran at Ram Carlo Bautista. Illegal possession of firearms and explosives din ang kaso nila.

Dahil mahina ang anak ni Reina, nakiusap siya na isama si Baby River sa kulungan, kahit hanggang sa mag-anim na buwan lang. Ngunit hindi pumayag ang awtoridad. Dahil dito, nagkasakit anak si Baby River at pumanaw agad.

Hindi lamang kalayaan ang ninanakaw sa mga bilanggong politikal, kundi pati na ang karapatan nilang alagaan ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ngayong taon lang, hiningi na rin ng Kapatid na palayain ang pinakamatandang bilanggong politikal sa bansa.

Si Gerardo dela Peña, 84 na taong gulang, ay isang magsasaka sa Vinzons, Camarines Norte. Dati siyang human rights worker and konsehal. Ikinulong siya noong 2013 dahil sa kamatayan ng kanyang pamangkin na si Melchor.

Habang matagal nang inako ng NPA ang kaso, hindi pa rin napapalaya si Tatay Gerry. Ilang beses na rin ipinasa sa Department of Justice ang pangalan niya para sa release due to humanitarian reasons ngunit hindi pa rin siya pinapalaya.

Ayon kay Kapatid spokesperson Fides Lim, “[N]o political prisoner has been included in any of the trumpeted government releases of elderly PDLs (persons deprived of liberty). Not even one.”

Dahil sa matinding pang-aapi sa mga bilanggong politikal, naglunsad ng kampanya ang Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) na “Breaking chains, Reclaiming freedom from Marcos Sr. to Marcos Jr.”

Samahan ng mga dating bilanggong politikal noong rehimeng Marcos Sr. ang Selda, kaya nararapat lang na sila ang manguna sa paglulunsad. Isa sa mga layunin ng kampanya ang pagkuha ng suporta mula sa publiko para sa mga bilanggong politikal.

Ang pagsuporta sa kampanyang ito ay pagpapakalat din ng impormasyon tungkol sa kalagayan at suliranin ng mga bilanggong politikal. Kasama na rin dito ang pagtulak sa kanilang paglaya. Sa pamamagitan ng pagbuo ng mga network, koalisyon at komunidad, posible ang lahat.

Posible ang Bagong Pilipinas, ngunit dapat munang palayain ang lahat ng bilanggong politikal!