Husgahan Natin

Tagal ng serbisyo sa kompanya, maaari bang baliwalain?

August 16, 2023

Kalimitan, isang bagay na isinasaalang-alang ng kompanya ang tagal ng pagtatrabaho ng isang manggagawa kung sakaling magkakaso ito. Kahit mapatunayang may kasalanan ang manggagawa ayon sa regulasyon ng kompanya, dapat nga siyang matanggal sa trabaho.

Kung mahaba ang kanyang pagtatrabaho sa kompanya, maaari siyang bigyan manedsment ng mas mababang parusa tulad ng suspension. Minsan, tinatanggal nga siya sa kanyang trabaho pero mayroong financial assistance bilang pagkilala sa tagal ng kanyang paglilingkod.

Ngunit sa kasong Herma Shipping and Transport Corporation et. al. vs. Calvin Cordero, (GR No. 244144) na hinatulan ng Korte Suprema noong 2020, isang manggagawa na 23 taon na sa trabaho ang tinanggal dahil sa paglabag sa regulasyon ng kompanya at wala siyang matatanggap mula rito kahit isang sentimo.

Sa nasabing kaso, nagtatrabaho si Calvin sa isang kompanyang nagdadala ng mga oil at petroleum product sa pamamagitan ng mga barko. Sa kanyang pagtatrabaho, na-assign siya na maging helmsman o look-out ng barko.

Nadiskubre ng manedsment ang pagkawala ng petroleum fuel ng barko kung saan siya naka-assign. Nagsagawa ang kompanya ng imbestigasyon. Hiningan nila ng paliwanag si Calvin at iba pang crew ng barko. Habang ginagawa ang imbestigasyon, nilagay sila sa preventive suspension.

Paliwanag ni Calvin, walang anomalya na nangyari sa kanyang trabaho. Kung mayroon man siyang nagawang pagkakamali, ito’y dahil sa kanyang mahinang paningin kung kaya hindi niya nakita ang pagnanakaw ng langis.

Hindi nakumbinsi ang kompanya sa paliwanag. Sinabi ng manedsment na nakunan ng CCTV camera ang nakawan.

Trabaho niya na magbantay sa barko pero wala siyang report sa nangyari. Kaya lumalabas na kasabwat siya sa pagnanakaw. Nagpasya ang kompanya na tanggalin siya.

Kung matagal na sa trabaho ang natanggal na manggagawa, maaaring iutos ng husgado na bigyan ng separation pay kung ang nagawang kasalanan ay hindi dahil sa malubhang maling pag-uugali (serious misconduct) o walang kaugnayan sa moral na katangian.

Hindi katanggap-tanggap kay Calvin ang nangyari kaya nagsampa siya ng kasong illegal dismissal laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter. Natalo siya sa kaso.

Pinaliwanag ng Labor Arbiter, may sapat na batayan ang kompanya upang tanggalin siya sa trabaho. Dahil sa kanyang ginawa, nawalan ng tiwala ang kompanya.

Umapela si Calvin sa National Labor Relations Commission (NLRC). Sang-ayon naman ng NLRC ang hatol ng Labor Arbiter. Sumunod din sa tamang proseso ang kompanya.

Napilitang iakyat ni Calvin ang kaso sa Court of Appeals. Sa naging hatol ng Court of Appeals, sinunod nito ang hatol ng NLRC.

Ngunit dahil mahigit dalawang dekada na siya sa trabaho, nagpasya ang Court of Appeals na utusan ang kompanya na bayaran siya ng separation pay sa halagang isang buwan sa bawat taon ng empleyo.

Sabi ng Court of Appeals, masyadong malupit ang parusa kapag hindi tiningnan ang tagal ng paglilingkod sa kompanya na wala ni isa mang naging dating kaso. Isa pa, dumaan siya sa preventive suspension.

Nararapat lamang na bayaran siya ng separation pay, sabi ng Court of Appeals.

Nakarating ang kaso sa Korte Suprema dahil sa apela ng bawat panig.

Sa apela ng kompanya, sinabi nito na hindi dapat bayaran ng separation pay. Sa apela naman ni Calvin, sinabi niyang iligal ang ginawang pagtanggal sa kanya ng kompanya.

Sa hatol ng Korte Suprema, sinabi nito na may batayan nga ang kompanya para tanggalin si Calvin. Ngunit nagkamali raw ang Court of Appeals sa desisyon sa separation pay.

Nilinaw ng Kataas-taasang Hukuman na hindi dapat bayaran ng separation pay ang isang manggagawang lehitimong natanggal sa kanyang trabaho.

Kung matagal na sa trabaho ang natanggal na manggagawa, maaaring iutos ng husgado na bigyan ng separation pay kung ang nagawang kasalanan ay hindi dahil sa malubhang maling pag-uugali (serious misconduct) o walang kaugnayan sa moral na katangian.

Isang malubhang maling pag-uugali at may kaugnayan sa moral na katangian ang pagnanakaw, sabi ng Korte Suprema.

Tinanggal ng Korte Suprema ang separation pay niya at sinang-ayunan ang kanyang pagkatanggal sa trabaho. Nawala tuloy ang inaasahang separation pay.

Masyado bang mahigpit ang desisyon ng Korte Suprema? Kayo ang humatol, mga mambabasa.