Migrante PH: ‘Wag pahirapan ang mga biyahero

September 3, 2023

Ayon kay Migrante Philippines chairperson Arman Hernando, kung nais sawatahin ng IACAT ang human trafficking, hindi solusyon ang paghihigpit kundi dapat habulin ang mga salarin sa illegal recruitment at trafficking. Larawan ni Marc Lino Abila.

Ikinatuwa ng Migrante Philippines ang suspensiyon ng bagong guidelines ng Interagency Council Against Trafficking (IACAT) na lalo pinahihirapan ang mga overseas Filipino worker (OFW) at ordinaryong mamamayan na makalabas ng bansa. Ngunit iginiit ng grupo na hindi solusyon ang paghihigpit sa mga biyahero laban sa human trafficking.

Ayon kay Migrante Philippines chairperson Arman Hernando, kung nais sawatahin ng IACAT ang human trafficking, hindi solusyon ang paghihigpit kundi dapat habulin ang mga salarin sa illegal recruitment at trafficking.

“Nakadugtong sa framework ng IACAT na pahigpitin ang kampanya nila sa human trafficking pero ang problema, malinaw na tinatapakan nito ang right to travel ng mga Pilipino,” ani Hernando.

Nilalayon ng bagong IACAT guidelines na obligahin ang mga mangingibang bansa na maglabas ng mga dokumentong nagpapatunay na hindi sila sangkot sa human trafficking. Nangangahulugan ito ng dagdag na gastos sa pagkuha ng mga dokumento. Kapag kulang ang dokumentong ipapakita, maaaring ma-offload ang pasahero at hindi makaalis.

“Kung ang mga human [trafficker] ay may kakayahan na kumuha ng mga dokumento sa PSA (Philippine Statistics Authority) [at] DFA (Department of Foreign Affairs) dahil may mga kasabwat sila sa loob, hindi po natin tunay na mawawakasan ang human trafficking,” sabi ni Hernando.

Bagaman pansamantalang tagumpay nang masuspinde ang mas mahigpit na IACAT guidelines, patuloy ang panawagan ng mga migranteng grupo upang tuluyang ibasura ito. 

“Kaisa po ang mga migranteng manggagawa, ibasura po ang IACAT. Pagusapan at tugunan ang problema na dapat ay makalulutas, nakabubuhay na sahod at trabaho para sa lahat,” wika ni Julie Gutierrez, tagapagsalita ng Kilos Manggagawa.  

Layunin ng Migrante Philippines na makausap ang IACAT at makapaghapag ng kanilang panukala hinggil sa pagbabago ng immigration guidelines. Iimbestigahan na rin ng Senado ang nasabing guidelines.