Tala-Salitaan

Tala-Salitaan 0918 | Maharlika Investment Fund

September 24, 2023

Maharlika Investment Fund – isang nilikhang sovereign wealth fund (SWF) para sa Pilipinas sa bisa ng Republic Act 11954. Ang SWF, ayon sa pandaigdigang organisasyong Sovereign Wealth Fund Institute, ay isang investment fund o entity na pag-aari ng estado upang mamuhanan sa iba’t ibang assets. Nagmumula ito sa sobrang kita o reserba ng isang bansa.

Sa Norway, mayroon silang SWF na nagmula sa reserba ng langis na natuklasan sa North Sea noong 1969. Inilagay nila sa isang sovereign wealth fund ang sobrang kita dito noong 1990 at nagkakahalaga na ngayon ng mahigit $1 trilyon.

Sa Pilipinas, ano nga ba ang pakinabang ng taumbayan sa Maharlika Investment Fund (MIF) lalo na ang sumisirit na mga presyo ng mga bilihin kasabay ng lugmok na ekonomiya at lumulubong utang panlabas ng bansa?

Kinukwestiyon ng ilang grupo ang timing ng MIF dahil hindi maganda ang lagay ng ekonomiya ng bansa na pinadapa ng pandemya.

Sa isinalarawan ni Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis ang hinggil sa kontrobersiyal na MIF. Aniya, dapat itong ibasura sapagkat wala itong magandang maidudulot at maaari lamang pagmulan ng mas malaki pang korupsiyon sa bansa.

Tulad ng nangyari sa 1Malaysia Development Berhad (1MDB) na nilikha noong 2009 at naging bahagi ng plano ni dating Malaysian Prime Minister Najib Razak na maibsan ang kahirapan.

Gayunpaman, matapos hindi makabayad ang 1MDB ng utang na nagkakahalaga ng $550 milyon noong 2015, inakusahan si Razak ng pagbubulsa ng halos $700 milyon ng mula sa 1MDB. Napatunayang nagkasala siya sa paglipat ng $9.8 milyon sa kanyang personal na bank account noong Agosto 23. Sinentensiyahan si Razak ng 12 taong pagkakalulong dahil sa eskandalo ng 1MDB korupsiyon.

Dagdag pa ni Adonis, kahit saan pa kunin ang pondo na gagamitin para sa MIF, igigiit pa rin nila ang kanilang mahigpit na pagtutol sa usaping ito.

Kahit sabihin pa ni Marcos Jr. na walang mangyayaring pagnanakaw sa MIF, nangangamba pa rin ang maraming mamamayan na malulustay ang pera ng bayan at matulad ito sa kinahinatnan ng 1MDB sa Malaysia.

Kung sa Pilipinas mangyari ang tulad sa Malaysia, tiyak na walang makukulong.

Maraming mga opisyal ng gobyerno at politiko ang nasangkot sa korupsiyon at nandambong ngunit hindi napanagot kahit kaliwa’t kanang pangungulimbat at paninibasib sa pondo ng bayan.

Marami ang napawalang-sala tulad sa “pork barrel scam” na nabunyag noong Hulyo 2013 na kinasangkutan ng mga senador at mga kongresista na naglipat ng kanilang Priority Development Assistance Funds na may kabuuang P10 bilyon sa mga pekeng non-government organization para sa hindi umiiral na proyekto.

Ibinasura naman ng Sandigagbayan ang kaso hinggil sa ill-gotten wealth o nakaw na yaman ng diktador na si Marcos Sr., dating First Lady Imelda Marcos at kanilang mga crony.

Walang napapanagot kahit lantaran ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.